Simula sa ika-2 ng Pebrero, mapapanood muli ang tambalan nina Dingdong Dantes at Marian Rivera sa GMA-7. Bibigyang buhay nila ang obra ni Carlo J. Caparas, Ang Babaeng Hinugot sa Aking Tadyang.
Uploaded: February 01, 2009
Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang ang ikatlong television series na pinagbibidahan ng love team nina Marian and Dingdong matapos ang Marimar at Dyesebel.
Ang karakter ni Marian, si Proserfina, ay natatakot na mahalin si Homer (Dingdong) dahil ang lahat ng lalakeng minahal niya ay napapahamak.
May isang mundo na lulong sa kamunduhan, ambisyon at
kapangyarihan. Kung saan ang lahat ay may kani-kaniyang kasalanan.
Dito isinilang si Proserfina, may tapang na
hindi pangkaraniwan sa isang babae, may alindog na makapagpapa-ibig ng kahit
sinong lalaki. Dumating siya sa walang kabuhay-buhay na mundo ni Homer at
naghatid ng panganib at isang kakaibang kabog sa dibdib nito.
Ngayon, susuungin ni Homer ang mundo ni
Proserfina upang maipaglaban ang babaeng yumanig at lubusan bumago sa kaniyang
mundo.
Sa orihinal na likhang ito ni Carlo J.
Caparas, pag-ibig kaya ang papawi sa kasalanan at hahaplos sa pusong inangkin
ng kasamaan?
Sa nakaraang press conference ng ABHSAT, ginawa muli nina Dingdong Dantes at Marian Rivera ang eksena kung saan biglaang nakitulog sa kama ni Homer si Proserfina.
Ayon kay Marian, isang challenge para sa kanya ang gumanap ng isang daring character tulad ni Proserfina.
"Bukod sa medyo sexy siya, misteryosa kasi ang character ko
dito, e," aniya. "Minsan sumusulpot ako, nawawala ako, makikitulog
ako sa kabilang bahay, yung gano'n. Parang hindi mo alam kung sino talaga siya
o kung ano yung pagkatao niya. Nakakatuwa na ang daling mag-shift ng character
ni Proserfina. Magulo yung utak niya sa mga pangyayari."
Si Marian Rivera ay gumaganap bilang si Proserfina, ang misteryosang dalagang
bigla na lamang dumating sa buhay ni Homer. May pambihira siyang alindog
at madilim na nakaraan. Ipapakita niya kay Homer ang buhay na kailanma'y
hindi pa nito nararanasan.
Sa ABHSAT, first time ito ni Marian Rivera na magsuot ng two-piece swimsuit na
walang tapis. Noon kasi sa Marimar ay naglagay siya ng robe sa eksena nila ni
Katrina Halili.
Pumayag din daw ulit si Marian na mag-topless sa isang
eksena nila ni Dingdong sa swimming pool. Pero nagawa na rin naman daw niya ito
sa Dyesebel, kung saan gumanap siya bilang sirena.
Si Dingdong Dantes ay gumaganap bilang Homer, ang young executive na nasanay sa de-numerong pamumuhay.
Bagama't nasunod lahat ng luho at nakatakda nang ikasal ay nadarama
niyang sadyang kulang pa rin sa kanyang buhay. Magbabago ang lahat ng
ito sa umagang paggising niya ay may napakagandang babaeng natutulog
sa kaniyang tabi.
May
pagka-O.C. (obsessive-compulsive) at boring ang halos successful career man na
si Homer, na siyang gagampanan ni Dingdong
sa Ang Babaeng Hinugot sa Aking Tadyang.
Si Prince Stefan ay
si Aristotle na nakabababatang kapatid ni Homer na magpapari
upang tuparin ang utos ng relihiyosang ina ngunit iibig sa isang dalaga.
Si Paolo Contis ang magbibigay-buhay kay Rado, ang kriminal na haling na haling kay
Proserfina. Dahil laging bigo na mapaibig ito, gagawin ang lahat, kahit
gumamit ng dahas, maangkin lang ang dalaga.
Ngayong Lunes, February 2, magkakatapat ang teleserye nina Marian at Dingdong, ang ABHSAT sa GMA-7, at ang ABS-CBN teleserye nina Kim Chiu, Gerald Anderson at Jake Cuenca--ang Tayong Dalawa.
Si Mart Escudero ang bubuhay
sa katauhan ni Ulysses, ang nakababatang kapatid ni Proserfina
na nalulong sa droga. Malalagay ang buhay sa panganib kung kaya't
ililigtas ng kapatid.
Si Eugene Domingo ay ang madaldal na mayordoma na si Madel. Siya ang namamahala sa mansion ng mga Alcaraz.
Matagal nang naglilingkod sa kanila kaya parang anak na ang turing niya
kay Homer.
Francine Prieto, gaganap
sa katauhan ni Shiela, ang babae ni Rado (Paolo Contis) na mahal na mahal sya.
Handang gawin ang lahat para sa lalaking iniibig--kahit pa ang pumatay.
Sherilyn Reyes bilang
Tia Galatea, ang kiming kapatid ni Hera na sunud-sunuran sa kaniya.
Ang takbuhan ng magkakapatid na Homer, Cassandra at Aristotle.
Ayon kay Direk Carlo J. Caparas, hindi
siya papayag na maging last project na nina Marian ar Dingdong
ang Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang. Masasayang daw ang
napakalakas na chemistry ng dalawa. In fact, may naisip na siyang project para
sa dalawa.
"Nabili
na ng GMA-7 ang rights ng Somewhere na sa pelikula'y pinagtambalan nina Lorna
Tolentino at Rudy Fernandez. Bagay na bagay kina Marian at Dingdong yun,
maganda ang istorya at para sa kanila yun."