Hindi tatakbo para maging vice-mayor ng Parañaque City si Alma kung makakalaban niya si Anjo Photo: Noel Orsal
Hindi magsasalpukan sa darating na 2007 May election sina Alma Moreno at ang incumbent Parañaque vice mayor na si Anjo Yllana.

Ito ang tiniyak kahapon, November 15, ni Alma sa panayam ng Philippine Entertainment Portal (PEP) sa kanya sa taping ng morning program ng GMA-7 na Sis sa Studio 3 ng naturang TV station.

Si Alma, na dating first lady ng Parañaque, ay napabalitang tatakbo bilang bise-alkalde ng lungsod na ito at running-mate ni former Mayor Pablo Olivarez. Inamin naman ito ng aktres, subalit nagpasubali siyang na kung magkakatapat sila ni Anjo ay hindi na niya itutuloy ang balak na pagtakbo bilang vice-mayor.

Ayon pa kay Ness (palayaw ni Alma), mag-uusap sila ni Anjo para linawin kung anong posisyon ba talaga ang kanilang tatakbuhin. Mahirap daw kasing maging magkalaban pa sila sa pagiging vice-mayor ng Parañaque dahil bukod sa pareho silang artista ay matalik pa silang magkaibigan. Sina Alma at ang dati nitong asawang si Joey Marquez ay tumayong godparents sa kasal nina Anjo at Jackie Manzano noong 1998.

“Kung tatakbo siyang vice-mayor uli, magi-give way ako. Posibleng konsehal na lang ang takbuhin ko,” giit ni Alma. “Pero kung magme-mayor siya, vice-mayor definitely ang target ko sa next election.”

Nakailang pag-uusap na diumano sina Alma at Dr. Olivarez para nga kumbinsihin ng huli ang aktres na maging running-mate nito sa darating na halalan. Tumakbo si Ness bilang alkalde ng nasabing lungsod noong 2004, subalit hindi siya pinalad na manalo.

Kasamang nag-guest sa Sis, na mapapanood sa Lunes (November 20), ang pamilya ni Anjo kaya naman nagkaharap ang mag-ninang at napagkasunduan nilang mag-uusap para maiwasang magkalaban sa darating na local election.

Nang tanungin naman ng PEP si Anjo kung ano ang komento nito sakali ngang tapatan siya ni Alma at kung posibleng siya ang mag-give way at tumakbong mayor ng Parañaque, tumawa lamang ito at sinabing “Itanong natin kay Misis [Jackie],” sabay banat ng malulutong na halakhak.

Hindi pa rin kasi buo ang desisyon ni Anjo kung anong posisyon ang tatakbuhin niya sa eleksyon kaya’t ayaw pa nitong magbigay ng komento.

Samantala, nakatakdang bumalik sa Tahanan Village sa Parañaque si Ness, kasama ang kanyang mga anak kay Joey. Matatandaang umalis ang aktres sa naturang bahay nila ni Joey nang magkahiwalay ang dalawa.

Umupa si Ness ng isang condo at kinalaunan, ang naging usap-usapan ay kasama niya rito ang boyfriend niyang si Gerald Madrid—na itinatanggi naman ng dalawa. Ang pagbabalik kaya ni Ness sa Tahanan Village ay nangangahulugan na wala na sila ni Gerald?