"Ako, buo na ang loob ko at kung ano ang gusto ko, yun ang susundin ko. Ang tagal ko nang naghihintay ng project sa GMA, four years na ako sa kanila... Feeling ko, lagi na lang akong support. Sa ABS, lead ang offer. Ayoko na lang magsalita at doon na lang ako sa mas magandang offer at mas naa-appreciate ako," says Cristine Reyes. Photo: Noel Orsal


Nakausap ng PEP (Philippine Entertainmen Portal) si Cristine Reyes sa contract signing niya as the celebrity endorser ng Fiona slippers na ginawa sa Dulcinea kahapon, March 6. Two years ang pinirmahang kontrata ng young actress at kahit walang TV commercial, magkakaroon siya ng billboards at print ad.

Tinanong siya ng PEP kung Kapamilya na o Kapuso pa rin siya. Hindi pa rin kasi malinaw ngayon kung ano ang balak ni Cristine pagkatapos mag-expire ng kontrata niya sa Artist Center ng GMA-7.

"Honestly, hindi ko pa masabi kung Kapamilya na ako o Kapuso pa rin. May inaayos pa. Hinihintay ko ang release papers. Basta, ang alam ko, wala na akong contract sa GMA-7. Pero sabi nila, hindi ako puwedeng umalis," lahad ni Cristine.



Puwede na ba siyang lumipat ng network?



"Kung gugustuhin ko, puwede na," sagot ni Cristine. "Kaya lang, gusto ko maayos ang lahat. Ayokong may magalit sa akin, ayokong magalit sa akin ang Channel 7. Naiipit ako talaga at hindi ko alam kung sino ang susundin."



Inamin ni Cristine na hindi na siya nagpapaalam ‘pag nagge-guest sa mga show ng ABS-CBN, gaya sa Wowowee at ASAP, dahil hindi siya papayagan. Hindi nga siya pinayagang mag-guest sa ASAP last Sunday, March 2, kaya lang ay nakapag-commit na siya at big promo nila ng kapatid niyang si Ara Mina para sa pelikula nilang Ate.



Tiningnan daw ng lawyer ni Cristine ang kontrata niya sa GMA Artist Center at nakitang hindi renewal kundi new contract ang kailangan niyang pirmahan. Kung ayaw niyang pumirma ng panibagong kontrata, puwede na raw siyang umalis.



Paano kung kasuhan siya ng kanyang home studio?



"Well, hindi ko alam," aniya. "Pero sana maayos sa magandang usapan. Kaya kami nakikipag-usap at ‘yon din ang dahilan kung bakit hindi ko pa masagot kung Kapuso pa ako o Kapamilya na. Kung saan may trabaho, doon ako. Kung madedemanda man, wala tayong magagawa dahil may network war."



FIRM ON HER DECISION. Nagulat si Cristine sa nasulat na nagkaroon na ng story conference for Eva Fonda, 16 ang ABS-CBN dahil wala pang nagaganap. Pati raw si Ms. Wilma Galvante ng GMA-7 ay nagtanong sa story con na wala naman. Hindi pa makapag-commit ang young actress dahil nga hindi pa maayos ang usapan nila with GMA-7.

Ang Eva Fonda, 16 ay TV remake ng pelikulang pinagbidahan ni Alma Moreno noong 1976.



"In-offer sa akin ang project, kinausap ako ng ABS-CBN at happy ako," pag-amin ni Cristine. "Nahihiya nga ako dahil naghihintay sila sa akin at puwede silang kumuha ng ibang artista ‘pag nagsawa sila sa paghihintay sa akin."



Paano kung nag-offer ng new contract ang GMA-7?



"Depende kung anong offer at kung anong maganda," sagot niya. "Kung talagang gusto nila ako, dapat bigyan ako ng show na maganda at hindi puro support. Hindi ako nagde-demand, kung anong i-offer, nakikinig na lang ako. Kung wala silang ibigay na show, frozen delight ako," biro ni Cristine.



Lately, ang lawyer na lang ni Cristine ang nakikipag-usap sa management ng GMA-7. Pinayuhan daw siyang huwag munang makipag-usap dahil bata pa siya at madaling ma-manipulate at mapa-oo.



Paano kung mangyari sa kanya ang nangyari kay Regine Velasquez na nag-stay rin as Kapuso?



"Ako, buo na ang loob ko at kung ano ang gusto ko, yun ang susundin ko. Ang tagal ko nang naghihintay ng project sa GMA, four years na ako sa kanila. Ako pa nga ang nagtatanong kung ano ang plano nila sa akin. Wala silang maisagot, wala akong project. Alam nilang may offer ako sa ABS at saka sila nag-offer nang malamang aalis ako.



"Feeling ko, lagi na lang akong support. Sa ABS, lead ang offer. Ayoko na lang magsalita at doon na lang ako sa mas magandang offer at mas naa-appreciate ako. Hindi rin naman ako biglang lilipat nang walang pasabi," prangkang pahayag ng StarStruck Avenger.



TOO LATE. Paano kung bigyan siya ng malaki at magandang project gaya ng Eva Fonda, 16?



"Parang too late na," sabi ni Cristine. "Kung alaga talaga nila ako, gaya ng lagi nilang sinasabi, ba't ngayon lang ako bibigyan ng project? Four years ako sa kanila at wala akong show na sarili. Enjoy ako sa ABS, parang special ako doon."



May mga sumisimangot ba sa kanyang talents ng ABS-CBN?



"Dedma ako sa kanila at secret kung sino sila. Wala na lang clue. Ganun naman sa showbiz. ‘Pag newcomer ka, susupladahan ka at naiintindihan ko ‘yon. Sana nga maayos na ang lahat ng ito. Trabaho lang naman ang gusto ko," sabi ni Cristine.



Bukas, March 8, guest uli sa Wowowee si Cristine at sabi'y simula na ito ng pagiging permanent co-host niya ni Willie Revillame. Sa interview ng PEP, sinabi ni Cristine na hindi siya pinapayagan ng ABS-CBN na tumanggap ng permanent show kahit Wowowee, dahil nga inihahanda siya sa Eva Fonda, 16.



Tingnan pa rin natin ang mga susunod na mangyayari at kung maghahabol ang GMA-7 at kung magkakaroon na ng permanent show si Cristine, na ipinaglalaban nilang naka-kontrata pa sa kanila.