Bahagi ang batikang actress na si Gina Alajar sa bagong afternoon drama ng GMA-7 na Trudis Liit kung saan tampok ang bagong child wonder na si Jillian Ward. Natutuwa naman si Gina na may panibagong child actor na kahuhumalingan ng mga manonood.
Si Gina ay isa sa mga artistang pinalad na magkaroon ng mahabang career sa showbiz. Nagsimula siya sa edad na eight years old.
"I auditioned," kuwento niya sa presscon para sa Trudis Liit last Thursday, June 17. "I remember there was a movie na gagawin ng Lea Productions then. Ang pangalan ng movie was Ang Kaibigan Kong Sto. Niño. They needed children, two boys and two girls. Tapos ako, I auditioned. Kaming dalawa ng kapatid ko. Pero ako yung nakuha. Siya hindi. Out of 1,500 kids, ako yung nakuha. Kasama ko si Roderick Paulate doon."
Sa katunayan, nanalo si Gina as Best Child Actress sa 1968 FAMAS.
CHILD WELFARE. Naniniwala siya na may kailangang magbago sa pagtrato sa mga batang artista sa ating industriya.
"There are so many acting greats who started sa pagiging child stars. In Hollywood, there's Shirley Temple. Dito marami din. Hindi ako against doon [child stars]. What I am against is the continuous hindi pag-recognize ng law for children. Hindi masyado na-i-implement," pahayag ni Gina.
"I'm talking in general here because of what I see. I have worked with other kids. I have worked with a lot of kids. And kadalasan, they are made to stay up late, way beyond their sleeping hours," paglilinaw niya.
"Pero ang nakakatuwa doon, itong mga bata mismo, hindi sila nagrereklamo. They have a coping mechanism na matutulog sila sandali. Kapag ginising sila, okay na naman sila and they're ready to work again," obserbasyon niya.
Ganoon din ang mga kondisyon noong bata pa si Gina.
"Hindi ka puwede matulog ng mga 8 o'clock, that's right after dinner, at kukuhanan pa ako ng mga eksena. Pero inaantok na ako noon since maaga ako na gumising. 'Tapos, patutulugin ako ng mga 10 p.m... Yung 10 p.m., tulog na ng bata iyon. Mahimbing na mahimbing na iyon. Then gigisingin ako ng 2 a.m. I remember, I was just eight, ha, nagta-tantrums ako. Yung talagang ayokong gumising. At saka bad trip na bad trip ako noon. Which hanggang ngayon, e dala-dala ko," paglalahad niya.
BAD MOOD. "Ngayon, kapag nagtratrabaho ako ngayon, I don't sleep ng madaling araw. Let's say may lull ako sa taping. I don't sleep ng mga 9 or 10, ng madaling araw. Tapos, gigisingin ako. Mainit ang ulo ko. Kaya na-observe ko na iyan sa sarili ko. Sabi ko, 'Bakit ba umiinit ang ulo ko?' And then I traced it back. Kasi when I was younger, galit na galit ako noon. Lalo na yung kinakatok ka. Tapos yung gigisingin ka at sasabihin na, 'Kayo na po.' Tapos, ikaw na lang pala ang hinihintay sa set. Yun bang nagmamadali ka at naalimpungatan ka. Tapos pupunta ka na at mamadaliin ka. Ayoko ng ganoon," pag-aalala niya.
Nagbigay siya ng tip kung paano maiiwasang magkaroon ng bad mood sa taping.
"Ngayon, if ever na I'm tired at hindi ko maiwasan na antukin ako, sasabihin ko, 'Matutulog ako pero, please, gisingin niyo ako two sequences away.' Para sa ganoon, I have time to in-in. Yung gigising ka, e, relax-relax ka lang. I have time to refresh. Kaya galit na galit ako noong bata ako sa ganyan. Pero yung mga bata ngayon hindi ganyan.
More than 30 years na rin si Gina sa industriya kaya hindi niya makita ang sarili na may ginagawa pang ibang trabaho. Kung may nakita siya noon, marahil ay wala na siya sa industriyang kinalakihan niya.
"I'm glad na kaya din ako tumagal dito, besides I have nothing else to do or I don't know anything else, it's for the love of the job. For the love of acting. The passion for it. Otherwise, I could have just packed my bags and just left and tried another job," sabi ni Gina.
Kaya parati ang payo ni Gina sa kanyang mga anak na artista na mahalin ang trabaho nila.
Paalala niya lagi kina Geoff at Ryan Eigenmann, "Huwag lalaki ang ulo nila. Na makisama sila sa lahat ng tao, yung mabuting pakikisama. Ang pinakaimportante sa lahat, don't step down on people. Because the people that you saw on your way up are the same people na makakasalubong mo on your way down. Those are the things na madalas ko lang sabihin sa kanila."
READY TO BE A LOLA. Inaabangan na ni Gina ang pagsilang ng una niyang apo ngayong buwan or early part of July. Ikinasal si Ryan at ang dating TV host-model na si Cathy Bordalba last February sa Coconut Palace in Pasay City. Four months pregnant si Cathy at that time.
Kuwento ni Gina, "We're constantly watching her and monitoring the baby. Kasi malikot yung baby. Like the other time, nakita sa ultrasound, dalawang cords ang nakapilipit sa leeg niya. So, we were kinda worried. Sabi ng doctor sa amin, 'If it was only one cord, ok lang, hindi dapat mag-worry.' Pero dalawa yung nakita ng doctor.
"Parang every three days, tinitingnan ang vital signs ng baby. Kasi kung magbago man iyon, the doctor will open up my daughter-in-law any time. Pero alam mo, ang galing-galing naman ng apo ko. She uncoiled herself. In the next ultrasound, wala na. Nakalabas na siya doon."
ON BEING OUTSPOKEN. Mayroon pa rin siyang Facebook account pero ibang account na raw ang gamit niya. Naging malaking usapan ang kanyang Facebook status message noong panahong mainit ang usapan tungkol sa diumanong relasyon nina Manny Pacquiao at Krista Ranillo.
"I'm still outspoken," sabi ni Gina. "I just know now who are the friends that should not see my posts. I'm still outspoken."
Umabot minsan sa 400-plus ang kanyang friends list pero naibaba niya ito to 100-plus na lang. Karamihan sa mga naiwan sa listahan niya ay mga kamag-anak. Gamit niya ngayon ang Facebook para makipagkamustahan sa mga nasa abroad.
Paglilinaw niya, "Whatever I appeared on Facebook then was for my Facebook friends only who know my life. It's not for anybody else.
"Madali lang din naman ako maka-trace. Tatlo lang friends ko na nasa media sa dating account. Considered friends ko pa din sila. Pero hindi na talaga ako tumatanggap ngayon kung hindi ko talaga kaibigan. Pero ganoon talaga iyon. Someone will betray you if they really want to betray you," sabi niya.
"I'm still outspoken on Facebook but nobody knows," nakangiti niyang pagtatapos.