Young actor Enchong Dee (in photo) is being accused by Marlon Bonales of running from his responsibility after a vehicular accident involving the actor on August 2, 2010.   But according to AJ Dee, Enchong's brother, "Hindi siya tinakbuhan ni Enchong dahil ilang beses siya nagpunta dun at nagbigay ng financial help. May mga papers kami at sasagutin namin 'yon dahil hindi totoo ang lumabas sa Paparazzi."

Photo: Noel Orsal

Isang nagngangalang Marlon Bonales ang lumabas sa showbiz talk show ng TV5 na Paparazzi noong Linggo, August 22, at nagreklamo laban sa young actor na si Enchong Dee.

Ayon sa kuwentong lumabas, isang pampasaherong jeep ang nabangga ng sasakyan ni Enchong, na siyang nagmamaneho, sa harap ng De La Salle University sa Taft Avenue, Manila, noong August 2, bandang alas-diyes ng umaga. Isa sa mga sakay ng jeep si Bonales.

Dahil sa aksidente, nagtamo raw ng malaking sugat sa paa si Bonales at, diumano'y, napilay pansamantala. Ito ang dahilan kaya kinailangan din siyang, diumano, operahan. 

Sa panayam ng TV5 kay Bonales, inakusahan niya si Enchong ng pagpapabaya.

Aniya, "Ang gusto ko sanang mangyari, e, magamot itong paa ko. Binigyan nga nila ako ng konting tulong, pero sana naman, e, huwag nila ako pabayaan hanggang sa gumaling ako. Sana, magpakita naman sa amin si Enchong kasi ako naman ang nabiktima, e. Kasi, pinabayaan na niya ako, e, hindi pa naman talaga ako magaling. Sana naman, e, magpakalalaki siya!"

AJ DEE ANSWERS. Mariin namang pinabulaanan ng kampo ni Enchong ang akusasyon ni Bonales laban sa young actor. Isang mahabang text message ang ipinadala ng nakatatandang kapatid ni Enchong na si AJ Dee sa PEP (Philippine Entertainment Portal) noong Lunes, August 23, upang linawin ang isyu.

Ayon kay AJ, "Nagkausap-usap na kaming lahat na pamilya and we have all the evidence na hindi siya pinabayaan ni Enchong. Hindi siya tinakbuhan ni Enchong dahil ilang beses siya nagpunta dun at nagbigay ng financial help. May mga papers kami at sasagutin namin 'yon dahil hindi totoo ang lumabas sa Paparazzi.

"We are now wondering kung bakit iba ang kanyang mga sinasabi sa interview. Hindi kaya pinilit lang siyang magsalita ng reporter ng Paparazzi?"

Dagdag ni AJ, "Siguro, sa ABS-CBN na magsasalita si Enchong kapag nakalabas na siya ng hospital. At kapag nalaman namin kay Marlon na pinilit lang siyang magsalita, e, mali talaga 'yon. Lalong hindi namin nagustuhan kay Marlon yung sinabi niya na magpakalalaki siya [Enchong], dahil sobrang mali 'yon."

Matapos ang aksidente, siya namang pagkaka-dengue ni Enchong. Na-confine ito sa Cardinal Santos Medical Center, at kalalabas lang nito this week.

Personal na nakausap ng PEP ang Channel 5 reporter, na si Morly Alinio, na siyang nag-interview kay Marlon. Itinanggi ni Morly ang haka-hakang baka pinilit nilang magsalita si Marlon nang hindi maganda laban kay Enchong Dee, na taga-ABS-CBN.