Isang masaya at mapagbirong Miriam Quiambao ang dumalo sa Olay Body Swap Event kahapon, November 7, sa SM North Edsa Sky Big Dome. Kasama ni Miriam na dumalo ang kapwa niya endorser na si Daphne Oseña-Paez. Wala naman si Angel Aquino dahil nasa Singapore ito.
Pagkatapos ng event ay dumiretso sina Miriam at Daphne sa katabing Lamesa Grill para sa isang salo-salo. Doon nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press si Miriam.
MIRIAM-ANNABELLE ISSUE UPDATE. Isa sa mga isyung naitanong kay Miriam ay ang "misunderstanding" nila ng kanyang talent manager na si Annabelle Rama.
Matatandaang naglabas ng sama ng loob si Annabelle tungkol kay Miriam dahil sa pangungulit daw nito kung ano ang plano nito sa kanyang career. Nainis raw si Annabelle na hindi man lamang daw naggi-greet ng "good morning" si Miriam bago nagtanong tungkol sa career niya. (CLICK here to read related article.)
Dali-dali naman umanong naayos ang isyu sa pagitan ng dalawa. Sa katunayan ay dumalo si Miriam sa birthday party ng kanyang manager noong Oktubre 28 sa Crowne Plaza Hotel sa Ortigas, Pasig City. (CLICK here to read related article.).
Sa interview ng PEP kay Miriam kahapon, sinabi nito na okay na sila ng kanyang manager dahil magkasama pa sila noong nakaraang Halloween sa Macau at sa Hong Kong.
"Okay naman kami, dinadaan ko siya sa lambing," sabi pa ng dating beauty queen.
Pero ano nga ba talaga ang nangyari sa kanila ni Annabelle?
"Well, matagal ko na kasi siyang iniimbitahan para sa talant-manager meeting," simula ni Miriam.
"Kasi, ako yung tipong gusto kong malaman kung ano yung plano. Tapos, para ma-share ko din kung ano yung plano ko. Tapos, di ba, we can do something together?
"Pero siguro masyado siyang naging busy, hindi niya ako nabibigyan ng oras for that meeting. So, tinext ko siya. Siguro hindi niya nagustuhan na ang aga-aga, trabaho agad yung nabasa niya.
"Tapos sabi niya, wala daw 'good morning.' E, minsan kasi tayo, pag naiisip natin, ite-text natin, siguro hindi ko napansin na importante pala sa kanya yun, na i-greet siya ng umaga."
NO PLANS YET. Bagama't nagkaayos na sila, hindi pa raw nila napapag-usapan ang tungkol sa kanyang career.
"Pero we still have to meet. Alam mo naman si Tita Annabelle, kung anong naisip niya, sasabihin na lang niya. So, ganun lang 'yon!" natatawa niyang sabi.
May tatlong taon pa si Miriam sa pangangalaga ni Annabelle. Ang nasabing talent-manager meeting na hinihingi niya ang magpapasiya raw ng kanilang mga plano.



0

