"Hindi ko pinapaalis, I am just requesting advertisers to have it removed," says Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos about removing the sexy billboards of national rugby team Philippine Volcanoes. He also reasoned out, "That road is in the center of Metro Manila, ang daming dumadaan."

Photo: Courtesy of Bench

Hiniling ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos na tanggalin ang sexy billboard ads ng mga miyembro ng national rugby team na Philippine Volcanoes sa Guadalupe.

Unang lumabas ang balita nang mag-post sa Twitter si Valenzuela Mayor Sherwin Gatchalian kaninang hapon, Hulyo 7, na kinukumpirma ang pagpapatanggal ng apat na billboards ng Bench, kung saan pitong miyembro ng Philippine rugby team ang nakasuot lamang ng underwear.

Ani Mayor Gatchalian, "Good news! Just talked to Mayor Abalos of Mandaluyong. He ordered the removal of the 'men in briefs' billboard! Thank you Mayor Abalos!"

Sa ikalawang post, sinabi niya kung ano ang naging pahayag sa kanya ni Mayor Abalos.

"Mayor Abalos: 'I personally investigated it and I myself was shocked to see it! Thanks again!' Kudos Mayor Benhur Abalos!"

Samantala sa ulat ng ABS-CBN News, nilinaw ni Mayor Abalos na, "Hindi ko pinapaalis, I am just requesting advertisers to have it removed."

Dahil dito, nangako umano ang advertiser na tatanggalin na ang mga naturang billboard.

Sinabi rin ni Abalos na ang mga billboard na kung tawagin ng ilan na "men in briefs" ay hindi kaaya-aya lalo pa't inilagay ito sa "busy area."

Inaalala rin umano niya ang mga bata na maaring makakita ng ad.

"That road is in the center of Metro Manila, ang daming dumadaan," sabi ni Mayor Abalos.

Agad naman niyang nilinaw na hindi isyu rito ang moralidad.

"Baka sabihin nila nagpapaka-moralista ako. I'm not very conservative," sabi ng mayor ng Mandaluyong City.

Bukod sa billboard ng Philippine Rugby Team, titingnan din umano ni Mayor Abalos ang underwear billboard ni Aly Borromeo, ang team captain ng national football team na Phillippine Azkals, na matatagpuan din sa kahabaan ng Edsa.

Matatandaang sa nakaraang artikulo ng PEP. Ph (Philippine Entertainment Portal) na kaya umano ginawa ng Philippine Rugby team ang sexy pictorial ay upang maipakilala ang grupo nila sa publiko. (CLICK HERE to read related article.)