Unti-unting nakakapukaw ng atensiyon ng marami ang rising new singer ng ABS-CBN na si Angeline Quinto.
Sa kakatapos nga na concert ni Angeline sa Skydome, nagsalita ang Asia's Songbird si Regine Velasquez na ito na raw ang magiging "next superstar."
Siyempre pa, hindi maaaring hindi kuhanan ng reaksiyon dito ang Pop Princess na si Sarah Geronimo.
Pero aniya, "Wala naman po akong comment doon. Siyempre, yun po ay galing kay Ms. Regine Velasquez, di ba?
"Irespeto po natin yung opinion niya. Wala namang problema sa akin."
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press si Sarah sa presscon nila ni Gerald Anderson para sa Globe Prepaid kaninang tanghali, August 11, sa 14th floor ng ELJ Bldg. ng ABS-CBN.
Mas marami ang naniniwalang kung may susunod man sa yapak ni Nora Aunor bilang Superstar, yun ay si Sarah dahil sa achievements nito sa pelikula, recording, at concerts.
Isa pa, masyado pa raw maagang bigyan ng gano'ng pagkilala si Angeline na nagsisimula pa lang gumawa ng pangalan sa industry.
Ayon naman kay Sarah, "Wala akong... hindi ko naman po iniisip na mas kailangan, mas deserved ko yung title na I'll be the next superstar.
"Kasi nga, isa lang ang Superstar. Saka ang gauge ay yung achievements ni Ms. Nora Aunor.
"Wala talaga sa kalingkingan yung dami ng supporters niya, yung achievements niya, yung galing niya.
"So, hindi naman po kaso yun sa akin," saad niya.
Ibig sabihin, wala pang puwedeng pumalit sa trono ni Nora bilang Superstar?
"Sa opinion ko po... Wala naman po akong sinasabi or hindi ko naman po kinu-contradict kung anuman yung compliment sa kanya ni Ms. Regine Velasquez. Wala po akong comment doon.
"Siyempre, nirerespeto po natin yun," paglilinaw niya.




0

