Janelle Manahan, a talent-search contestant, has made her testimony confirming the sibling rivalry angle provided by the Parañaque police.   "Hiningan niya [Janelle] ng tulong si Ramona sa loob ng kuwarto nila noong may tama na sila ng bala. Pagkatapos ng insidente, pinakukuha niya ng ambulansiya at tulong pero hindi na bumalik si Ramona," says Task Force Ramgen Chief Superintendent Enrique Sy.

Photo: File photo

Ngayong araw, Huwebes, Nobyembre 3, kinumpirma ng girlfriend ni Ramgen "Ram" Revilla ang anggulong "sibling rivalry" sa pagpatay sa aktor na naganap sa mismong bahay ng biktima sa BF Homes Parañaque.

Si Janelle Manahan ay nagbigay na ng kanyang testimonya sa awtoridad.

Ayon kay Chief Superintendent Enrique Sy, pinuno ng Task Force Ramgen na naatasang mag-imbestiga sa krimen, isinalaysay ni Janelle sa kanila kung paano pinasok ng mga nakamaskarang lalake ang bahay nina Ram noong Biyernes ng gabi, Oktubre 28.

Sa kuwento ni Janelle mula sa Asian Hospital sa Alabang, Muntinlupa, pinagbuksan raw niya ng pinto si Ramona Bautista, ang nakababatang kapatid ni Ram.

Makalipas lamang daw ng ilang minuto ay pumasok na ang mga mamang nakamaskara.

Sabi ni Senior Superintendent Sy sa panayam ng GMA News anchor na si Howie Severino: "Nakuhanan na rin namin siya [Janelle] ng pahayag, at lalong tumibay ang kaso namin laban kay Ramona."

Sinabi rin nito na sa kuwento ni Janelle, sinabihan ni Janelle si Ramona na tumawag ng ambulansiya pagkatapos na pagkatapos ng atake sa kanila ni Ram. 

Pero walang dumating na ambulansiya at nawala na rin si Ramona.

Saad ni Senior Superintendent Sy: "Hiningan niya ng tulong si Ramona sa loob ng kuwarto nila noong may tama na sila ng bala.

"Pagkatapos ng insidente, pinakukuha niya ng ambulansiya at tulong, pero hindi na bumalik si Ramona."

Nagtamo ng dalawang tama ng bala si Janelle—isa sa kaliwanag bahagi ng kanyang mukha at isa sa kanyang balikat.

Si Janelle ay produkto ng dating talent search ng ABS-CBN na Star Circle Quest, kunsaan naging ka-batch niya si Erich Gonzales.

Sa hiwalay namang press conference ay sinabi ni Parañaque Police Chief Senior Superintendent Billy Beltran na ang mga naunang pahayag ni Ramona ay "inconsistent" sa testimonya ni Janelle.

Sinabi noon ni Ramona na matapos barilin at saksakin ang kanyang kapatid at ang girlfriend nito, siya ay kinidnap naman ng mga salarin.

Pagkatapos ay iniwanan raw siya sa isang lugar sa may Las Piñas.