Labas na labas ang ganda ni Sarah Geronimo nang rumampa siya kasama ang ilang modelo para sa holiday collection ng iniendorso niyang clothing line, ang Unica Hija.
Ayon kay Sarah, sa tatlong taon niyang pag-eendorso nito nagustuhan talaga niya ang style ng mga damit ng clothing brand kahit pa nga maraming mas kilalang ibang brand kaysa rito.
Bagay na bagay raw ito sa kanyang conservative personality.
"Kasi po yung kanilang style really fits my personality. Hindi siya masyadong revealing.
Parang bagay na bagay siya sa mga modern Filipina, very stylish and elegant," sabi ni Sarah.
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press si Sarah sa mini-fashion show/presscon ng nasbaing clothing brand noong Disyembre 7 sa Cerchio restaurant sa Scout Limbaga, Quezon City.
Ayon sa owner ng Unica Hija na si Ana Lagon, malaki raw ang naging kontribusyon ni Sarah para makilala ang kanilang brand.
First and only choice daw nila si Sarah bilang endorser.
GERALD ANDERSON. Bukod sa pagsusuot ng magandang damit, kitang-kita rin ang kagandahan at pag-glow ng mukha ni Sarah ngayon.
Kaya birong tanong ng mga press sa kanya ay kung ang kanyang ka-loveteam sa Star Cinema movie na Won't Last A Day Without You na si Gerald Anderson na ba ang bagong lalaking nagpapasaya sa kanya ngayon?
"Hindi po. Siyempre guwapo naman po si Gerald at mabait naman.
"Ideal boyfriend natin yung ganung kasing guwapo [at] kasing bait...pero huwag na po muna natin sigurong pangunahan.
"Baka hindi naman po kami para sa isa't isa.
"Thankful lang ako na naging friends kami. Kasi nag-o-open up na rin siya. Yun lang ang masarap."
Itinuturing nga ni Sarah na maagang pamasko ang malaking tagumpay sa takilya ng Won't Last A Day Without You.
"Sobra akong thankful kay Lord kasi kabado kami, lalong-lalo na ako kasi ang expectations talaga ng mga tao higher.
"Happy lang po ako na naging successful kahit papaano yung pagsasama ulit namin ni Gerald.
"Nagpapasalamat lang ako sa mga tumangkilik sa pelikula. "
NOT READY TO FALL IN LOVE AGAIN? Maraming press ang natutuwa sa pagiging open na ni Sarah sa pagsagot ng mga personal questions sa kanya lalo na sa kanyang lovelife.
Bakit kumportable na siya sa pagsagot ng personal questions ngayon?
"Parang sa ngayon po mas gusto ko yung nagiging straightforward ako sa mga answers ko.
"Ayoko na nung nagpapaliguy-ligoy pa. Ayoko nung may itinatago.
"Masarap lang sa pakiramdam yung nasasabi mo yung totoo kasi wala namang masama sa katotohanan."
So, hindi na niya itatago pag nagka-boyfriend na siya ulit?
"Alam n'yo po kung magkakaroon ako ng next boyfriend hindi ko po itatago talaga."
Noong naging boyfriend niya kasi si Rayver Cruz noon ay itinago nila sa lahat, maging sa pamilya ni Sarah ang relasyon nila.
Mahirap ba talagang magtago?
"Oo, ginawa ko na iyan noon. Tama na yun."
May mga bago na ba siyang manliligaw o bagong nagpaparamdam sa kanya ngayon?
"Nagpaparamdam? Uhmm... Multo!" biro ni Sarah.
"Hindi ko alam e. Ayoko pong mag-assume. Ayokong isipin na 'Uy, itong taong ito nagpapaganda.'
"Masyado naman akong gandang-ganda sa sarili ko nu'n.
"Basta ako ine-enjoy ko lang po yung company ng ibang tao, yun."
Ready na ba siyang ma-in love ulit next year?
"Who knows, di ba? Si Lord lang ang nakakaalam kung mai-in love ako ulit sa susunod na taon.
"Pero ipinagdarasal ko po na sa tamang panahon, sa tamang lalaki talaga ako mai-in love."
Okay na ba sa kanyang Mommy Divine na magka-boyfriend siya ulit?
"Hindi po namin napag-uusapan e. Pero sabi po niya puwede na raw po akong magpaligaw sa bahay. Yun ang gusto nila."
STILL A KAPAMILYA. Samantala, tinuldukan na ni Sarah ang matagal nang usap-usapan tungkol sa paglipat umano niya ng TV network.
Mananatiling Kapamilya ang Popstar Princess matapos niyang pumirma ulit ng exclusive contract sa ABS-CBN.
"Kasi po at home na talaga ako sa ABS. Malaki ang utang na loob ko sa kanila dahil sa ABS-CBN ako nakilala talaga bilang Sarah Geronimo, dahil sa malalaking breaks na ibinigay nila sa akin sa TV at sa pelikula."
Bukod sa ASAP Rocks ay may nilulutong sariling show para kay Sarah.
Ano ang nararamdaman niya na magkakaroon siya ng bagong show?
"Natetensyon din po siyempre sa panibagong show.
"Dadalhin po natin yung show na yun. So, nakaka-tense.
"Pero excited po ako and happy na pinagkatiwalaan po ako ng ABS-CBN ulit."
Kung siya ang masusunod, ano ang gusto niyang maging concept ng show niya?
"Sana magawa ko ulit yung parang Little Big Star noon kasi malapit talaga sa puso ko yung mga singing contest bilang galing din ako riyan."
Kaabang-abang din sa 2012 ang balik-tambalan nila ni John Lloyd Cruz sa pelikula.
Ito na ang pangatlong pagsasama nila matapos ang box-office hit movies nilang A Very Special Love noong 2008 at You Changed My Life noong 2009.
Iniluklok din sila bilang Box-Office King and Queen para sa mga naturang pelikula.
"Ang alam ko po baka gumawa ng movie with John Lloyd.
"Sana matuloy kasi gusto ko na siyang makatrabaho ulit."
CHRISTMAS WITHOUT A BOYFRIEND. Dahil nalalapit na ang Pasko, may plano na ba siya sa bakasyon?
"Usually po nasa bahay lang ako pag Pasko kasama ang pamilya.
"Baka umuwi po ng probinsiya sa Pampanga. Baka rin po mag-out of the country kung gugustuhin ni Mommy."
Dahil wala pa siyang boyfriend ulit, ibig sabihin ba ay hindi magiging mainit ang kanyang Pasko?
"Hindi ko naman po hinahanap yung mainit na Pasko sa isang lalaki.
"Basta ako haping-happy ako during Christmas time kasi yun ang time ko with my family.
"Di ba ang saya-saya ng Pasko? Hindi siya nakadepende sa isang boyfriend."
Nilinaw din ni Sarah ang lumabas na balitang ang Christmas wish niya raw ay magkaroon na agad ng boyfriend.
"Hindi po ganun. Ang ibig ko pong sabihin doon, sana next time na magka-boyfriend ako, siya na yung mapangasawa ko.
"Ibig sabihin, hindi po ako nagmamadali."