A blogger identifying himself as Alfredo R. Melgar has claimed in a blog entry that Senator Tito Sotto copied parts of his “turno on en contra” speech from somebody else's blog that the senator did not give proper attribution to. Melgar's blog entry is titled "Sotto’s Reckless Method of Legislation is ‘Inexcusable.’"

Photo: File / Blog

Usap-usapan ngayon sa Internet na diumano’y kinopya ang ilang parte ng talumpati ni Senador Tito Sotto mula sa isang blog.  

Ang tinutukoy na talumpati ay ang ibinigay ng senador laban sa mainit na usapin ng Reproductive Health Bill—RH Bill kung tawagin—sa senado, noong Lunes, Agosto 13.

Kilala si Senador Sotto bilang isa sa mga may matigas na posisyon laban sa RH Bill. Sa kanyang August 13 “turno en contra” speech sa Senado, mariin muling binatikos ng senador ang matagal nang pinagtatalunang RH Bill.

Bilang halimbawa ng kanyang argumento, ginamit ng senador ang personal niyang karanasan.

Ayon sa kanyang talumpati, ang paggamit ng contraceptive ang dahilan na ibinigay ng kanilang duktor kung bakit nagkaroon ng problema sa kalusugan ang unang anak na lalaki sana nila ng misis niyang si Helen Gamboa.

Isinilang ang kanilang anak, na pinangalanang Vincent Paul, na mahina ang puso at kinailangan ng blood transfusion araw-araw. Hindi naglaon ay pumanaw rin si Vincent Paul matapos ang limang buwan.

Sinabi pa ni Senador Sotto, "He was born but he never left the hospital. The Makati Medical Center said he died because my wife used contraceptives. Even her doctor admits to the fact, Dr. [Carmen] Enverga Santos."

PLAGIARISM? May ilang nakisimpatiya sa isinalaysay ni Senador Sotto. Sinabi nilang nakakatakot nga ang contraceptives para sa kalusugan. Marami rin ang nagsabing nakakatakot ang contraceptives para sa budhi.

Karamihan sa mga kampi sa senador ay mga saradong Katoliko na sumusunod sa turo at patakaran ng Simbahang Katoliko. Ayon sa huli, hinding-hindi nito mapapayagan ang RH Bill, bilang kasalanan daw ito sa Diyos.

Sa ibang banda, marami rin ang tumuligsa sa senador. Sinabi ng mga ito na bagamat nakikisimpatiya sila sa sinapit ng pamilya ng senador, wala namang scientific basis ang pagkonekta nito sa nangyari sa anak at sa contraceptives.

Ang mas mahalaga pang isyu, ayon sa kanila, ay ang katungkulan ng senador sa taong-bayan. Hindi raw tama na sa halip na kapakanan ng bayan ang maging basehan ng pagpu-posisyon nito sa RH Bill ay makitid na personal experience niya ang pinanggagalingan nito.

Kung pagbabasehan daw kasi ang populasyon ng Pilipinas na palaki nang palaki, at ang numero ng mahihirap na palaki rin nang palaki, hindi raw makatarungang ipagbawal ang pagtuturo ng family planning, na kasama sa gustong mangyari ng RH Bill.

Ngayon ay mayroon namang nagsasabing may isa pang problema ang senador: ang naging emosyonal na talumpati nito laban sa RH bill ay tila may mga parteng ginaya sa isang U.S.-based blogger.

Ayon kay Alfredo R. Melgar, may-akda ng blog entry na “Sotto’s Reckless Method of Legislation is Inexcusable” sa website na filipinofreethinkers.org:

“His scientific proof was copied entirely and almost word-for-word from an article by a blogger calling herself ‘Sarah, the Healthy Home Economist.’”