Hindi na nakaiwas sina Aljur Abrenica at Kylie Padilla nang nakita sila ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na magkasama sa event ng Mowelfund na PinilakangTabing.
Dito ipinagdiwang ang 92nd anniversary ng movie industry, na ginanap sa Cultural Center of the Philippines nung nakaraang Miyerkules, June 22.
Napansin namin na mag-isang dumating si Aljur sa CCP, pero nang umalis ito, magkasama na sila ni Kylie.
Nang sinalubong si Aljur ng media, umiwas na ang young actress at mabilis itong nakasakay sa kotse ni Aljur.
Kasama rin nila na umalis si Bela Padilla, na malapit din kay Kylie.
Kinukuwento ni Bela na nagkakasama sila ni Kylie sa mga gathering ng pamilya at napapag-usapan naman daw nila si Aljur, pero ayaw na niyang i-share kung ano ang kanilang napapag-usapan.
"Minsan, oo, napapag-usapan namin. Pero hindi naman ganung topic ang pinag-uusapan namin, lalo na pag nandiyan ang buong pamilya. Sobrang conservative sila, saka top secret yun," natatawang sagot sa amin ni Bela.
Ganun pa rin ang sagot ni Aljur tungkol sa relasyon nila ni Kylie.
"Sa ngayon po kami ni Kylie, exclusively dating. Wala na po akong ibang nakakasama kundi siya lang."
Ito rin daw ang nagbibigay sa kanya ng inspirasyon kahit sinasabing "exclusively dating" lang sila.
"Sobrang inspired ako sa kanya. Sana inspired din siya sa akin. Ngayon kasi, wala namang problema, magaan naman lahat. Kumbaga, ako ngayon ini-enjoy na lang yung pagkakataon," seryoso niyang pahayag.
ROBIN PADILLA. Tingin din daw niya ay wala na silang problema kay Robin Padilla, ang ama ni Kylie, dahil nakakarating naman daw sa beteranong aktor ang madalas na paglabas ng anak at ni Aljur.
Nagpapaalam daw siya sa mga kasamahan ni Kylie, at inaasahan niyang nakakarating ito kay Robin.
"Wala namang problema sa nakikita ko, e.
"Si Tito Robin, sa pagkakakilala ko po sa kanya, sobrang malawak naman ng pag-unawa niya. Sa nakikita ko, napaka-understanding niyang tao," sambit ni Aljur.




0

