Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Carmina Villarroel sa presscon ng Amazing Cooking Kids kahapon, April 7, sa 17th floor ng GMA Network Center. Si Carmina ang host ng cooking show na ito na nagtatampok sa 12 batang contestants mula 9 to 12 years old.
Tinanong ng PEP kay Carmina kung ano ang pakiramdam na solo siyang host ng show. Kagagaling lang niya from hosting the morning program Love ni Mister, Love ni Misis, kung saan sila ng kanyang partner na si Zoren Legaspi ang mga host.
"Ito na nga, binalikan ko na nga yung SiS, e, 3-2-1, di ba?" sabi niya. "Tatlo kami dati [sa SiS]. Sa Love ni Mister, dalawa kami. Ngayon, mag-isa na lang ako.
"Siyempre nung nawala yung ano [Love ni Mister, Love ni Misis], siyempre nakakalungkot. Pero siyempre, thankful din simply because parang we had our chance. Nag-enjoy naman kaming pareho [ni Zoren], marami naman kaming napasaya. Pero ganun talaga, e.
"Ang mga shows talaga come and go, ganun. And with GMA pa, parang they always want something new...and we understand that. Malungkot, but okay na rin.
"Actually, hindi pa nga tapos yung Love ni Mister, in-offer na nila sa akin ito [Amazing Cooking Kids], e, na-excite ako. Sobra talaga akong na-excite na, 'Okay, halika na, let's go!' Na parang hindi ko masyadong naintindihan na tapos na pala yung Love ni Mister."
Tumagal ng pitong buwan ang morning program nina Carmina at Zoren.
Nalungkot ba si Zoren sa pagkawala ng Love ni Mister, Love ni Misis?
"E, kasi alam mo naman ang mga lalaki, parang walang emosyon!" natatawang sabi ni Carmina. "Di ba, kasi ang mga babae, mas ma-senti, mas emotional. E, ang mga lalaki, hindi naman.
"Ang babae, 'Ay, mami-miss ko yung ganun, yung ganito!' E, ang mga lalaki, walang ganun, e. But sa kanya, mas more on tinitingnan niya ang positive side na, 'You know, honey, hayaan mo na, we had our time, nag-enjoy tayo,' ganyan-ganyan.
"Na, 'At least man lang, nabigyan tayo ng chance na tayong dalawa.' Mas on the positive side siya, e. Kaya siguro hindi rin ako ganoon nalungkot kasi magkasama naman kami sa bahay, puwede kaming magdaldalan doon, yung ganun."
WEDDING PLANS. Paano na yung balita na magpapakasal sana sila ni Zoren sa first anniversary ng show nila?
"Ay, oo nga pala, ano? Buti na lang ipinaalala ninyo sa akin yun. Oo nga. Malay mo naman pagkatapos nito, may ibang show na ulit na doon na yung continuation," sabi niya.
Nasa isip pa ba nila ang plano nilang yun?
"Oo, pero minsan nalilimutan na nga namin na, 'Ay, oo nga pala, ano?' Kasi nga, di ba, katulad ng palaging sinasabi namin, kasi we don't feel na there's something missing. Kaya talagang, ayun, sana ngayon, bilang pinaalala n'yo naman, 'Ay, oo nga, ano?' Parang ganun."




0

