REVIEW: Isay Alvarez, Leana Tabuñar, and Aicelle Santos give convincing performances in Katy! The Musical

Isay Alvarez (left) and Tirso Cruz III (right) are some of the stars who are part of Katy! The Musical, which will run until August 4 at the Meralco Theater.



Hindi nawala sa aking hinagap ang Katy! the Musical, mula nang ipakilala ito ng direktor na si Joey Reyes sa Talentadong Pinoy. Si Direk Joey ang nagsulat ng libretto ng naturang musical play, at sa nasabing TV5 show ay ipinakanta niya sa mga batang contestant ang isa sa mga kanta dito.

Ang awit na iyon ay ang "Minsan Ang Minahal ay Ako," na tungkol sa damdamin ng isang dating sikat na artista matapos siyang makalimutan na ng mga dating tagahanga. Nakaaantig ang awitin, at hindi ito malilimutan ng sinumang makaririnig.

Isa lamang ang "Minsan Ang Minahal Ay Ako" sa mga dahilan kung bakit dapat panoorin ang Katy! The Musical, na muling ipinalalabas ngayon sa Meralco Theater mula July 26 hanggang August 4. Espesyal ito dahil ipinapakita nito ang kasaysayan ng sining pan-teatro sa Pilipinas, mula sa bodabil hanggang sa pagdating ng pelikula.

Nasa sentro ng palabas ang buhay ni Katy de la Cruz, mula sa pagkabata niya hanggang sa pagsikat niya bilang Queen of Filipino Jazz. Ipinakita rin ang mga pinagdaanang hirap ni Katy, tulad na lamang ng pagpipilit na isabuhay ang kanyang sining noong sinakop ng mga Hapon ang Pilipinas.

Tatlong aktres ang gumanap sa papel na Katy: sina Leana Tabuñar bilang batang Katy, si Aicelle Santos, at Isay Alvarez. Pare-parehong magagaling ang nasabing mga artista, at kagila-gilalas isipin na nakuha ng tatlo ang pare-parehong kilos at istilo ng pagkanta, kaya naman naging kapani-paniwala na iisang taong lamang ang kanilang ginagampanan.

Tunay ding magagaling ang mga kasamang artista ng tatlo, lalo na sina Tirso Cruz III bilang ama ni Katy; Gian Magdangal bilang asawa ni Katy na si Peping; at si Dulce bilang Olivia, na karibal ni Katy.

Ngunit kahit na kapuri-puri na ang tema at mga artista ng Katy! The Musical, hindi pa rin lubos na perpekto ang palabas na ito. Halimbawa, maraming problemang teknikal na naganap sa produksyong napanood ng manunulat na ito noong July 25.

Bukod pa rito, hindi naging malinaw ang ilang transition ng bawat eksena, lalo na noong Act II. Masyadong mabilis ang pagpapakita ng ilang aspeto ng buhay ni Katy dito, na tila hindi na konektado ang bawat eksena sa isa't-isa. Kung maka-rebolusyon si Katy noong panahon ng Hapon, tila nakalimutan na niya ang pag-iisip na ito sa sumunod na mga eksena.

Kung iisipin, mahirap naman talagang ipakita ang mahigit 80 taon na buhay ni Katy sa isang mahigit na dalawang oras na palabas lamang. At lalong magiging mahirap ito kung limitado lamang ang budget para sa produksyon.

Ayon kay Robert Seña, executive producer ng Katy! The Musical, hindi naging madali ang pagre-restage ng palabas dahil tila raw pang-pelikula ang script. Kung hindi raw limitado ang kanilang pondo ay kaya nilang malutas ito sa pamamagitan ng moving sets, at iba pang production magic.

Ito ang nagpapakita kung bakit kailangan ng mga local theater productions ng sponsorship mula sa mga pribadong tao at kompanya. Dahil matagal nang hindi maaasahan ang pamahalaan sa pagpopondo ng sining, umaaasa ang mga proyektong teatro at iba pa sa suporta ng ilang tagapondo.

Halimbawa, ang nasabing produksyon ng Katy! The Musical ay naganap sa pag-iisponsor ng One Meralco Foundation, ang social development arm ng Meralco.

Kung mas marami pang magpopondo sa mga lokal na produksyon ay patuloy na aangat ang sining sa Pilipinas.


Katy! The Musical is produced by Spotlight Artists Center and One Meralco Foundation. It will run from July 26 to August 4, 2013 at the Meralco Theater, Pasig City.

To purchase tickets online, visit Ticketworld.


ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN