REVIEW: Rachelle Ann Go in London production of Miss Saigon

Rachelle Ann Go is very seductive as the "Sex Toy from Hanoi" in Miss Saigon.



LONDON, UK—Isa sa mga dahilan ng pagpunta namin ng London ay para manood ng West End revival ng smash hit musical na Miss Saigon.

Matagal na kaming naibili ng ticket nito ng isang kaibigan namin at na-excite kami dahil ito ang international theater debut ni Rachelle Ann Go.

Taong 1989 nang unang i-mount ang Miss Saigon sa London na pinagbidahan ni Lea Salonga. Twenty-five years later ay ibinalik ito sa London ng producer na si Sir Cameron Mackintosh.

Mahigit dalawang dekada man ang lumipas ay fresh pa rin at hindi luma ang dating nito. Isang updated at upgraded version para sa bagong audience ang napanood namin sa Prince Edward Theatre.

Ang Miss Saigon ay kuwento ng Vietnamese teenage bar girl na si Kim na na-in love sa American G.I. na si Chris sa taong 1975.

Pinaghiwalay sila ng Fall of Saigon, pero nagkaroon ng bunga ang kanilang pag-iibigan at bumalik si Chris ng Vietnam para sa kanyang anak kay Kim.

Sa direksyon ni Laurence Connor at choreography ni Bob Avian, gustung-gusto namin ang lighting ni Bruno Poet.

Sa may front row ng teatro kami nakaupo at pakiramdam namin ay nasa loob talaga kami ng isang pipitsuging bar sa Vietnam.

Ang Saigon nightclub na Dreamland ang setting nito, kaya ang daming nagaganap na kahalayan sa entablado.

Adult-themed ang musical at sa simula (“The Heat is On”) ay sari-saring simulated sexual acts ang nangyayari sa stage sa pagitan ng mga Vietnamese prostitutes at American soldiers.

Ang Fil-Am na si Eva Noblezada ang Kim sa bagong London production, pero nu’ng gabing manood kami ay hindi si Eva kundi ang alternate niyang si Tanya Manalang ang gumanap bilang Kim.

Bago pa kami lumipad pa-London ay may mga narinig na kaming hindi kagandahang komento tungkol sa performance ni Tanya as Kim.

Napatunayan naming totoo ang mga ‘yon after namin siyang mapanood.

To put it bluntly ay underwhelming si Tanya bilang bida ng musical na nagpasikat at naging dahilan para maging international star si Lea Salonga.

Lumulubog si Tanya sa mga eksena at kadalasan ay nilalamon siya ng co-actors niya.

Unang-una na ay walang star appeal ang galing ng Maynila na si Tanya (si Eva ay galing ng Amerika).

Kapos siya sa height at kapos na kapos din sa stage presence. Pagdating sa itsura ay kulang na kulang din siya, mas may dating pa ‘yung ibang bar girls na kasama niya.

Kaya kahit isang saglit ay hindi kami napaniwala na mapapaibig niya at mabibighani sa kanya ang guwapo at matipunong sundalo na si Chris, na ginampanan ni Alistair Brammer.

Merong ilang eksenang binago ang choreography at blocking from the original. Ang “Sun and Moon” scene noon nina Lea at Simon Bowman (original Chris) ay mas wholesome.

Sina Tanya at Alistair ay naghahalikan sa may hagdan at umupo pa si Kim sa lap ni Chris at medyo uminda-indayog habang nakapatong dito.

Kung iba ‘yon ay malamang sensual ang dating ng eksena. Ngunit para sa akin, walang chemistry sina Tanya at Alistair kaya hindi ako naapektuhan.

Hindi namin naramdaman ang sidhi ng pag-iibigan nina Kim at Chris. Kumbaga sa apoy ay wala itong init at hindi nakakapaso.

Maging sa boses at akting ay hindi rin outstanding si Tanya. Sa taas ng standard na sinet ni Lea as Kim (na napanood namin sa Manila production nito noong 2000) ay nabigo si Tanya na abutin ‘yon.

Sa mahal ng tiket sa Miss Saigon (yung sa amin ay £86 pounds na equivalent to around P6000 pesos) ay manghihinayang ka kung si Tanya ang mapapanood mong Kim.

Sa totoo lang ay mas star pa ang dating sa kanya ni Julia Abueva, na part lang ng ensemble at understudy nila ni Eva.


*************************

Kung hindi kami na-impress kay Tanya, bawing-bawi naman ‘yon ni Rachelle Ann Go na napakahusay bilang palabang bar girl na si Gigi Van Tranh.

Opening scene pa lang ay kitang-kita na ang stage presence ni Rachelle Ann. Iba talaga ‘pag star, lumulutang at umaangat kahit supporting cast member.

Very sexy si Rachelle bilang "Sex Toy from Hanoi" at very seductive sa mga American soldiers.

Kapag nasa eksena si Rachelle ay sa kanya mababaling ang atensyon mo imbes na sa bidang si Tanya.

Never nasapawan ni Isay Alvarez (original na Gigi) ang star wattage ni Lea, pero iyon mismo ang nagawa ni Rachelle dahil effortless niyang natalbugan ang non-star na si Tanya.

Markado ang pag-awit ni Rachelle ng “Movie in My Mind” na may kasamang patak ng luha. Umaapaw ang kanyang emosyon at damang-dama mo ang karakter niya.

Bukod doon ay malakas ang sex appeal ni Rachelle lalo na kapag suot niya ang kanyang bikini.

Nakakabilib ang transformation niya dahil napakalayo ng maharot na si Gigi sa mahinhin at conservative na si Rachelle Ann.






Pagdating sa boses at pag-arte ay liyamado rin si Rachelle, kaya mae-enjoy mo ang mga eksena niya at iwi-wish mong hinabaan pa ang role niya at dinagdagan ang exposure niya.

Pati yung moment niya sa “The American Dream” production number ni Jon Jon Briones (gumaganap bilang The Engineer) na nagpo-pose lang siya sa loob ng cadillac habang naka-blonde wig at fur coat ay may ningning ang presensiya niya.

Nakakamangha si Rachelle sa kanyang international theater debut. Inangkin niya nang husto ang entablado at wala siyang sinayang sa kanyang hindi kahabaang exposure sa Miss Saigon.

Sobra kaming na-proud sa kanya dahil ibinandera niya ang galing at talentong Pinoy dito sa London!



*************************

Bukod kay Rachelle, isa pang cast member ng Miss Saigon na sobrang ipagmamalaki mo bilang isang Pinoy ay si Jon Jon Briones na gumaganap bilang The Engineer.

Beterano na ng Miss Saigon si Jon Jon. Bahagi siya ng original ensemble nito 25 years ago at maraming beses na siyang nag-Engineer sa iba’t ibang Miss Saigon productions, kabilang na sa Manila na naging alternate siya ni Leo Valdez sa nasabing role noong 2000.

But this time ay bidang-bida si Jon Jon sa West End revival at deserving siya rito dahil hindi matatawaran ang kanyang husay.

May puso ang pagganap niya bilang may-ari ng cheap night club na Dreamland na puntahan ng mga American soldiers na gustong magparaos.

Siya ay switik, mukhang pera at ginagamit ang mga alaga niyang pokpok para sa pansarili niyang interes, pero taong-tao ang karakter niya at mahahabag ka rin sa kanya.

Pangarap ng ambisyosong bugaw na Engineer ang makapunta ng Amerika kaya gagawin niya ang lahat para magka-visa at makaalis sa magulong Saigon.

Nakakaaliw siya but at the same time ay mapanganib. Tila mas malaswa at mas balahura ang bagong interpretation ni Jon Jon sa role na unang ginampanan ng British actor na si Jonathan Pryce, kaya mas benta ang mga pakwela niya.

Perfect si Briones sa nasabing papel, na tama lang na isang Asian ang gumanap sa halip na isang Caucasian actor na katulad ni Pryce.

Star na star si Jon Jon sa grand production number niya na "The American Dream." Mapapa-wow ka sa husay niya at gugustuhin mong tumayo para bigyan siya ng standing ovation after his show-stopping number.

Sang-ayon kami sa mga review na tila si Briones na ang the best na gumanap bilang The Engineer.



*************************

Isa pang Asian actor na standout sa Miss Saigon ay si Kwang-Ho Hong na gumaganap bilang si Thuy, ang Vietcong na may gusto kay Kim at sa kalaunan ay naging opisyal ng militar.

Malakas ang star appeal ni Kwang at ang guwapo niya sa entablado. Panalo rin ang boses at akting niya as Thuy (na unang ginampanan ni Robert Seña).

Angat ang stage presence ng Korean musical actor and concert artist na si Kwang sa mga eksena niya. Very intense ang number nila ni Kim (“You Will Not Touch Him”).

Macho at ang ganda rin ng boses ng English actor na si Alistair Brammer bilang G.I. na kapareha ni Kim na si Chris.

Si Alistair ay gumanap rin bilang Jean Prouvaire sa 2012 film na Les Miserables.

Ang Australian actress na si Tamsin Carroll ang gumaganap bilang Ellen, ang American wife ni Chris. Ang ganda ng bagong dagdag na song na “Maybe.”

Naitawid ito nang maayos ni Tamsin at mas madarama mo sa nasabing kanta ang pinagdaraanan ni Ellen bilang kinaliwang maybahay.

May kurot sa damdamin ang “Bui Doi” na inawit ni Hugh Maynard bilang best friend ni Chris na si John. Powerful ang boses ni Hugh. Isa ‘yon sa emotional highlights ng show, kahit may pagka-corny ang video clips ng mga batang Amerasian na ipina-flash sa screen.

Much-awaited ang helicopter scene sa bandang ending. Sa may harapan kami nakaupo kaya mas dama namin ang eksena sa lakas ng hangin mula sa chopper.

Ang tagpong ‘yon ang isa sa most memorable moments ng hit musical na ito na nilikha nina Alain Boublil at Claude-Michel Schönberg (ang acclaimed tandem na may gawa rin ng Les Miserables).

Alistair Brammer deserves special mention para sa amin dahil yung scene (“The Confrontation”) kung saan madamdaming ipinagtapat ni Chris kay Ellen ang namagitan sa kanila ni Kim sa Vietnam ang kaisa-isang eksenang umantig at nagpaluha sa amin sa buong palabas.

Ang hindi nagawa ni Tanya Manalang bilang Kim ay nagawa ni Brammer bilang Chris sa kanyang heartfelt dramatic highlight.

Nagbukas nung May 21, mapapanood pa ang Miss Saigon sa Prince Edward Theatre sa London hanggang April 25, 2015.

Miss Saigon is a musical worth watching again. But truth be told, ‘di hamak na mas nag-enjoy kami sa Here Lies Love kesa rito.


(To read review of Here Lies Love featuring Mark Bautista, CLICK HERE)




Ed's Note: The "PEP Review" section carries the views of individual reviewers, and does not necessarily reflect the views of the PEP editorial staff.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN