Si Emel Espiritu, 29, mula sa Baguio City, ang itinuturing ngayon na isa sa pinakasikat na hyperrealist artists.
Ang kanyang estilo na hyperrealism (realism in art characterized by depiction of real life in an unusual or striking manner) ay talagang kamangha-mangha dahil kuhang-kuha niya ang mga detalye ng kanyang subjects na kadalasan ay larawan ng mga matatanda, at mapagkakamalang printed photographs.
Nakapanayam si Emel ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong April 11, 2022.
Pagbabahagi niya, “Fisheries po ang kinuha kong course noong college sa Central Luzon State University. Dito po kasi sa CLSU, wala namang fine arts na course, puro agriculture.
“Kung sa ibang university naman ako kukuha ng fine arts, malayo at di kaya ng gastos.”
NAGALIT ANG AMA SA KANYANG DESISYON
Hindi natapos ni Emel ang kurso dahil ang gusto niya talaga ay maging artist.
Hindi nagustuhan ng kanyang ama ang paghinto niya sa kolehiyo para sundin ang kanyang pangarap na maging artist.
“Nagalit siya...”
Interestingly, ang kanyang ama ang nagturo sa kanya na mag-drawing noong elementary pa lang siya.
“Doon na talaga nagsimula ang interes ko sa arts. Bata pa lang ako, ito na ang pangarap ko.”
Nagpursige siya para sa kanyang passion.
“Para may pambili ako ng painting materials, naglako ako ng pandesal, gamit ko ang bike sa pagtitinda.
“Nag-delivery boy din ako sa isang factory sa Maynila. After two weeks, pag nabayaran na ako, bibili ako ng materials at uuwi na ako sa Baguio para mag-paint.”
PRACTICE AT ONLINE TUTORIALS
Dahil wala siyang formal training sa art, hinasa ni Emel ang sarili sa pamamagitan ng YouTube tutorials.
Naglaan din siya ng mahabang oras sa pagpapraktis.
“Halos 24 hours ako noong kung magpraktis para lang matuto ako. 'Tapos nagre-research din ako.
“Pero yung praktis talaga, matiyaga ako. Araw-araw, paggising ko at makapag-almusal, sisimulan ko ng alas siyete ng umaga, matatapos ako alas kuwatro ng hapon.
“Magpapahinga ako, tutulog sandali tapos praktis uli ako ng alas otso ng gabi hanggang 12 midnight.”
Dahil nagtitipid din siya sa materials, may mga pagkakataon na, “Pag pangit yung gawa ko, binubura ko yung nasa canvas para magamit ko uli. Hindi ako tumitigil hangga’t hindi ako satisfied sa gawa ko.”
Kalaunan, na-develop ni Emel ang estilo na gusto niya—ang pagguhit ng hyperrealist portrait.
Year 2013, sinimulan na niyang i-share sa social media ang kanyang mga obra.
Marami ang nakapansin sa ganda ng kanyang mga gawa kaya agad nakilala ang pangalan niya sa art community.
Ang broadcast journalist na si Julius Babao—na bukod sa pagiging art collector ay tumutulong din sa promotion ng mga baguhang artist—ang nakabili ng pinakaunang obra ni Emel.
FAVORITE SUBJECT ANG OLD PEOPLE
Paboritong subject ni Emel ang larawan ng mga matatanda.
Aniya, “Very challenging kasi.
“Matsa-challenge ka na i-drawing yung kanilang mga gatla, kulubot at mga nunal sa mukha. Yung kanilang posing, facial hair, expressions, lalo na yung mga mata.
“Naghahanap talaga ako ng maraming kulubot at detalye sa mukha. Yun ang gustung-gusto ko.”
Pagbabahagi pa niya, ang unang hyperrealist portrait na ginawa niya ay sa kanyang lolo.
“Ayaw kasi niyang magpa-picture, kaya sabi ko, ‘Lolo, ido-drawing kita.”
Natatawa pa niyang kuwento, “Nang matapos ko, nainis siya. Sabi sa akin, ang dami na raw pala niyang kulubot!”
Mahigit 30 hyperrealist portraits na ang nagawa ni Emel.
“Yung isang artwork, natatapos ko yun sa loob ng isang buwan.”
MAHIYAIN, PINAG-IISiPAN PA ANG EXHIBIT
Hindi binanggit ni Emel kung magkano ang presyo ng kanyang mga obra.
Aminado siyang minsan ay mabigat sa kanyang kalooban na ibenta ang mga iyon.
“Iniisip ko na lang po, kailangan ko rin ng budget. Saka makakagawa naman uli ako.
Bukod naman sa pagiging sikat sa social media, madalas siyang maitampok sa mga TV news at vlogs.
May clamor na rin mula sa mga mahihilig sa art na mag-exhibit na siya para actual na makita ng iba ang kanyang paintings at ang kanyang husay.
“Yung exhibit, pinag-iisipan ko pa po. Mahiyain po kasi ako.”
May payo naman siya sa mga aspiring artists: “Number one is diskarte. Kailangan na alam mo kung paano mo ilalatag sa canvas yung subject mo.
“Importante rin ang technique. 'Tapos yung tamang kulay, yung timing ng ipapahid mo. Yung oil paint kasi, madulas iyan. Pag nilagyan mo nang nilagyan ng thinner iyan, papangit iyan.”
At batay sa kanyang naging karanasan, dugtong niya, “Kailangan din na interesado ka talagang mag-drawing. At gagawan mo ng paraan iyan para may maibili ka ng materials.”