Ginaganap ang “2022 Manggahan Festival” sa provincial capitol grounds ng Jordan, Guimaras, simula May 14, 2022 at matatapos sa May 22.
Bahagi ito ng pagdiriwang ng ika-30 taon mula nang maging full-fledged province ang Guimaras.
Tampok dito ang mahigit 30 tonelada ng matatamis na mangga.
Ayon kay Liberty Ferrer, officer-in-charge ng Guimaras provincial tourism office, “We return this Manggahan festival to support the recovery of our micro, small and medium enterprises [MSMEs].”
Tampok din ang “mango-eat-all-you-can” kung saan, sa halagang PHP100, ang isang bisita ay bibigyan ng pagkakataon na kumain ng kahit ilang mangga sa loob ng 30 minuto.
Sampung toneladang mangga ang inilaan ng Provincial Office of Agricultural Services (POAS) para sa eat-all-you-can festival, na isasagawa lang tuwing weekend.
Magkakaroon din ng bike fun ride and motocross 4x4 challenge, job fair, at entertainment pagsapit ng gabi.
Ibibida naman sa online events ang audio-visual presentation na nagpapakita ng pamana, kultura, tradisyon at turismo ng lalawigan na tinawag na “Panakayon.”
Kilala ang Guimaras bilang "Mango Capital of the Philippines" kung saan tinatayang may nakatanim dito na mahigit 50,000 puno ng mangga.