Nag-trending kamakailan ang artist at architect na si Neill Christian Simon Onza, na tubong Abulug, Cagayan.
Paborito niyang medium ang oil, pero may kakaibang twist sa kanyang mga obra.
Sa unang tingin kasi ay aakalain na nakabalot sa plastic at may lubid pa ang kanyang mga paintings.
Pero “painting” din pala ang plastic at lubid.
Matatandaang noong May 13, 2021 ay nag-post si Neill ng portrait ng Kapamilya actress na si Kathryn Bernardo.
Doon ay sinabi niyang ang lubid at plastic na nakabalot ay painting din.
Kuwento ni Neill sa Facebook page ng Philippine Information Office (PIO), isine-share niya sa social media ang kanyang artworks para makita ng publiko ang isang bagay na hindi pa nila nakikita.
Aniya, “Yung illusion, pag nakikita nila yung painting, mapapaisip po sila kung totoong painting po ba yung tinitingnan nila or not.”
Ang Kathryn Bernardo painting ay pag-aari na ngayon ng mag-asawang Julius Babao at Christine Bersola.
Iniregalo ito sa kanila ng kasamahan sa TV5 na si Chinkee Tan, na isa ring author at entrepreneur.
Sabi ni Julius nang i-post niya ito sa kanyang Instagram account, “Amazing artwork. Grabe ang details."
Nai-feature din si Neill at ang obra niyang “Spoliarium” ng Philippine Information Agency Region II noong March 27, 2022.
Gaya ng Kathryn Bernardo painting, ang kanyang version ng "Spoliarium" ni Juan Luna ay nababalutan din ng plastic at may lubid.
Paliwanag niya, walang ibang kahulugan ang plastic at lubid maliban sa magbigay ng illusion.
“Saka para may twist din yung painting instead na kopyahin ko lang yung nasa reference photo.”
Bago naman niya naisip ang kakaibang konsepto ay sumubok muna siya ng iba’t ibang medium noong bago pa lang siya sa art industry.
“Watercolor, acrylic, graphite, charcoal, digital, pastel—halos lahat sinubukan ko. Pero eight years ago, nung na-try ko ang oil painting, dun ako nag-decide na i-give up na yung ibang medium at mag-focus na lang dito.”
Payo niya sa mga nagsisimulang artist, huwag maging jack of all trades dahil baka ang mangyari ay maging master of none.
“I think it is better to be good at something than to become mediocre at everything.
“Kung tingin nila napag-iiwanan na sila ng ibang artist ay huwag silang mainggit dahil lahat naman ay nagsimula sa pagiging baguhan.”
Employed ngayon si Neill sa Department of Public Works and Highways 2nd District Engineering Office sa Cagayan bilang Architect-1.
Noong nag-aaral pa siya sa University of Saint Louis Tuguegarao ay staff member siya ng The Louisian Courier, ang kanilang college organ, bilang junior artist.