Kabilang si Maria Oggay, mas kilala bilang Whang-od, sa recipients ng 1st HIYAS Award for the Indigenous Art na ipinagkaloob ng Cultural Center of the Philippines (CCP) noong September 2022.
Si Whang-od ang pinakamatandang nabubuhay na "mambabatok" o traditional tattoo artist mula sa tribong Butbut sa Kalinga.
Ipinagkakaloob ng CCP ang Hiyas Award bilang pagkilala sa mga indibidwal at organisasyon sa Luzon na nagpakita ng pambihirang trabaho at serbisyo para sa makasining at pangkulturang adhikain; at nasa unahan ng pagsasaliksik, pagpapaunlad, paglilinang, at pagpapalaganap ng sining at kultura sa Luzon sa loob ng 15 taon o mahigit pa.
Pinasalamatan ni Whang-od, na ngayon ay 105 taon na, ang mga taga-Kalinga sa pagpili sa kanya bilang isa sa mga ginawaran ng parangal.
Fifteen years old pa lang si Whang-od nang magsimulang mag-tattoo sa mga indigenous people ng Butbut, Buscalan, Kalinga.
Bahagi ng kanilang tradisyon ang paglalagay ng tattoo sa mga Butbut warriors na nangangalaga sa village.
Bagaman at wala nang mga Butbut warriors ngayon, ipinagpatuloy ni Whang-od ang tradisyon ng paglalagay ng tattoo sa mga turistang bumibisita sa Buscalan.
May kasabihan ang mga bumibisita sa Buscalan na hindi kumpleto ang naging biyahe kung hindi nakapagpalagay ng tattoo kay Whang-od.
Noong 2017 ay nanomina rin siya para sa National Living Treasures Award (Gawad Manlilikha ng Bayan) at ginawaran ng Bantayog Award.