Kabilang ang isang “bulul” na mula sa Ifugao sa nabenta mula sa koleksiyon ng Béatrice and Patrick Caput sa auction na ginanap sa Paris noong October 21, 2022.
Ang bulul ay inukit na estatwa sa isang pirasong kahoy. Kilala rin sa tawag na "rice gods," ginagamit ito ng mga Ifugao sa Cordillera para protektahan ang kanilang mga palayan.
Sinasabi ring naghahatid ang bulul ng suwerte.
Bago ilagay sa mga palayan, nagsasagawa muna ng ritwal ang mga Ifugao at binubuhusan ng dugo ng baboy o manok ang bulul.
Iba't iba ang posisyon ng pigura nito: merong nakatayo na nakadiretso ang mga kamay, merong naka-fold, at merong nakaupo na nakatukod sa tuhod ag mga kamay.
Ang auction ay isinagawa ng Christie’s, isang world-renowned art and luxury business na itinatag noong 1766.
Nabenta ang bulol sa halagang 630,000 euros o halos PHP36.1 milyon.
Mas mataas ito kumpara sa estimated value na nakatala sa auction page ng Christie’s na nasa pagitan ng 200,000 to 300,000 euros o PHP11.4 milyon hanggang PHP17.2 milyon.
Naging malaking factor sa pagtaas ng presyo ng nasabing bulul ay ang pinagmulan nito at kung sinu-sino na ang naging owner.
Batay sa datos ng Christie’s, ang unang nagmay-ari sa naturang bulul ay si William Gambuk Beyer noong 1918.
Anak si William ni Henrey Otley Beyer, ang itinuturing na “Father of Philippine Anthropology.”
Si Henrey Otley Beyer ay isang American anthropologist na inilaan ang malaking bahagi ng kanyang buhay sa Pilipinas sa pagtuturo ng Philippine indigenous culture.
Marami siyang natuklasang mga lumang ceramics na ginagamit ng mga sinaunang Pilipino sa pagluluto at food storage sa mga lalawigan ng Batangas, Mindoro, Marinduque, Palawan, Quezon, Bicol, Samar at Leyte.
Sa Pilipinas na rin siya binawian ng buhay.
Ang bulul na pag-aari ni Henry ay nabili naman ni Alain Schoffel sa Paris noong 1970.
Pagkatapos ay napunta ito sa pag-iingat ng Béatrice and Patrick Caput noong 1989.
Naging bahagi rin ito ng exhibit sa Musée du Quai Branly-Jacques Chirac sa Paris noong 2013.
Ayon sa pagtatasa ng Christie’s, ang nasabing bulul ay isang “masterpiece of Ifugao art which dazzles by the universality of its form.”
Nagpapahayag din umano ang estatwa ng “indisputable timelessness.”
Pinuri ng Christie’s ang lumikha sa bulul dahil sa simpleng abstract interpretation nito ng human figure na kitang-kita ang powerful serenity.
Napakaganda rin umano ng quality nito, na kahit lumang-luma na ay maituturing na isang modern art.