Itinanghal na big winner ang performing group na Omega de Salonera ng Surigao del Norte sa ginanap na showdown fest ng Sinulog Festival 2023.
Inuwi nila ang premyong PHP1 milyon sa Sinulog Ritual Showdown event sa South Road Properties, Cebu City nitong January 15, 2023, Linggo.
Sila ang nagkampeon sa dalawang major categories: ang ritual showdown category (free interpretation) at street dance category.
Pero nakaagaw-pansin sa mga manonood ang paglabas ng giant golden eagle during their performance.
Sa social media, bida ang higanteng props na ito dahil tunay na napamangha ang mga manonood.
Pero mas nakakamangha kung paano ito nilikha. Ang mga construction workers sa isang komunidad sa Surigao del Norte ang nagkaisa para mabuo ito.
Di nakapagtataka kung kaya’t ang Omega de Salonera rin ang naging Best in Costume dahil sa mga ginamit na props, tulad ng giant eagle.
Itinanghal din ang grupo bilang second placer sa Best in Musicality.
GIANT EAGLE MADE BY CONSTRUCTION WORKERS
Tinawag ang giant eagle na “product of love” ni Omega de Salonera leader Jey Rence Quilario, a.k.a. Senior Agila, ulat ng Cebu Daily News.
Nagtulong-tulong daw kasi ang construction workers sa kanilang lugar sa Sitio Kapihan, Barangay Sering sa bayan ng Socorro sa kanilang probinsya para mabuo ito.
Gawa ang agila mula sa plywood at EVA foam o foam rubber, na karaniwang ginagamit bilang sports equipment padding, na inilalagay sa upuan ng bisikleta, boxing gloves, helmets, hockey pads at iba pa.
Base sa paglalarawan ni Senior Agila, buhay na buhay ang bayanihan sa kanilang komunidad sa pagsali nila sa kumpetisyon.
Naglalaan ng oras ang kanilang mga kamiyembro sa paggawa ng ng mga props at costumes pagkatapos nilang mangisda at magtrabaho sa bukid.
Nagtatawag si Agila gamit ang isang installed speaker system sa kanilang komunidad sa oras ng paggawa ng props.
Inabot ng dalawang buwan para matapos ang golden eagle at iba nilang costume at props na ginamit.
Ang pondong ginamit para sa kanilang materials ay nanggaling sa bulsa ng kanilang komunidad na binubuo ng 5,000 miyembro, ayon pa sa Cebu Daily News.
Ito ang unang beses ng sumali ang Omega de Salonera sa Sinulog Fest.