Taun-taon, mga machong lalaki na nakabihis-babae at naka-full make-up ang nakikibahagi sa isang parada sa Minalin, Pampanga tuwing Bagong Taon.
Tinatawag ang kaganapang ito bilang Aguman Sanduk (Fellowship of the Ladle) Festival, na muling isinagawa noong Bagong Taon, January 1, 2023. Dalawang taon kasi itong itinigil bunsod ng pandemya.
Ang festival ay isang tradisyon: ang mga kalalakihan ay rumarampa, suot ang damit ng kanilang lola, ina, asawa, o kapatid na babae.
Bitbit nila ang mga sandok at palayok, at layon nilang mag-entertain at maghatid ng saya sa mga tao.
Isa itong tradisyon na higit siyam na dekada nang isinasagawa sa Minalin.
A MEANINGFUL EVENT THAT STARTED IN 1931
Sabi ni Minalin Tourism Officer Romel Tubig Jr. sa Inquirer.net, nagsimula ang Aguman Sanduk noong 1931, at nangyari ang unang festival noong Bagong Taon ng 1932.
Madetalye ang binigay na historical context ni dating Vice Mayor Edgar Yambao sa Sunstar.com interview niya noong 2018.
Nagkaroon daw kasi noon ng tagtuyot sa kanilang bayan.
Naapektuhan ang mga ani ng mga residenteng magsasaka kaya kinulang ang food supply.
Naisipan ng Aguman Alang Tutul, isang grupo ng mga prominenteng kalalakihan sa Minalin, na magluto ng arroz caldo o “lelut manuk” para pagsaluhan ng lahat.
Pero hindi lahat ng residente ay nabigyan ng arroz caldo.
Kaya naisipan ng mga miyembro ng Aguman Alang Tutul na magbihis babae, bitbitin ang mga sandok at palayok na ginamit sa pagluluto ng lugaw, at pumarada sa buong bayan para pasayahin ang mga tao.
Simula noon ay naging tradisyon na ito. Itinataon nila ang parada tuwing January 1 bilang pasasalamat sa masaganang ani ng nakaraang taon at upang humiling ng mas masaganang bagong taon.
Bukod sa cross-dressing macho men, inaabangan din ang parada ng makukulay na float at street-dance performances ng bawat barangay.
BACK IN THE STREETS AFTER TWO YEARS
Dahil naantala ng dalawang taon sanhi ng COVID-19 pandemic, doble ang excitement ng mga residente nang i-resume ang tradisyon noong Bagong Taon.
Sa report ni Tonette Orejas ng Inquirer.net, isa si Jericho Maniego, 20, ng Barangay Sto. Domingo sa mga nakiisa sa selebrasyon, gamit ang duster ng kanyang lola.
Bukod sa iba pa niyang kapamilya, si Jericho ay sumasali na sa festival simula pa noong siya’y 15 anyos, at masaya siyang muli itong nagbabalik.
“I’m happy the tradition is back. We are happy being together like this. We need to stay positive,” ani Jericho.
Ang highlight ng festival ay ang pagtanghal sa Best in Street Performance, Best Float, at Best Muse o Reyna Ning Sanduk.
Grand champion ng 2023 festivities ang Barangay Sta. Rita para sa kanilang first-place victories sa Best in Street Performance at Best in Float categories.
Samantala, si Fernando Canlas mula sa Barangay Catalina ang hinirang na Reyna Ning Sanduk.
Ang 51-year-old security guard, na nag-all out sa pagsuot ng isang mahabang gown at tiara, ang kinoronahan ng golden “lakal” o bamboo ring na karaniwang makikita sa kusina at ginagawang patungan ng mainit na kaldero.