Mahigit 1.1M views na ang "Tyrannosaurus Rex Jr." joke ng stand-up comedienne na si Jeleen Cubillas na pinost ni Red Ollero sa Facebook noong Mayo 17, 2023, Miyerkules.
Four minutes and 25 seconds ang video clip ng stand-up comedy ni Jeleen kung saan isinalaysay niya, “Yung anak ko, mahilig siya sa dinosaurs. Palakpakan naman natin.
“Hindi siya matalino pero mahilig siya sa dinosaurs. Baka nag-expect kayo. Mahilig siya sa dinosaurs and minsan habang naglalaro kami ng dinosaurs niya, naisip ko lang.
“Namalayan kaya nung mga dinosaurs na magiging extinct na sila? Namalayan kaya nila yun?
“Or was it more of like… may kumalat na sakit. Tapos nung una akala nila hanggang two weeks lang.
“Hanggang sa naging two months. Tapos naging two years. Tapos nagtaas na yung presyo ng bilihin. Tapos nagkagera.
“Siguro hindi nila namalayan, ‘no, kasi malaki ang tiwala nila sa kanilang lider.
“He’s a strong, slightly tyrannical leader! Ito si Tyrannosaurus Rex. Junior.
“Kaso biglang may dumating na asteroid! ‘Oh, no! Tyrannosaurus Rex Jr., ano pong gagawin natin?’
“‘Nasaan siya? Nasa party?’”
WHO IS JELEEN CUBILLAS?
Da Hu si Jeleen Cubillas? Cynthia?! Ano ang background niya?
“Food Tech po ako sa UP Diliman. 2013 po ako grumadweyt,” sabi ng 31-anyos na comedienne sa eksklusibong panayam ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) nitong Mayo 24, Miyerkules, sa La Collina bar, Molina St. cor. Quintos St., Brgy. Poblacion, Makati City.
“Nagamit ko po ang pinag-aralan ko for two years. And then nagka-family po ako, ganyan. And then I decided na mag-web developer, so self-taught web developer po ako.
“Until now nagwe-web dev pa rin ako.”
Paano siya naging stand-up comedienne? Calling niya, passion?
“Actually, sinubukan ko lang po siya nung pandemic. Kasi, di ba, nung pandemic, parang medyo isolated tayo,” pagsisiwalat ni Jeleen.
“So, parang naghanap tayo ng hobbies, ganyan. Yung iba, naging plantita. Yung iba, nag-bake. Ako, sinubukan ko yung stand-up comedy noong 2021 through open mic.
“Kasi ang mga comedian, bago sila makuha sa shows, bago sila ma-book… nagte-test muna sila ng jokes sa open mic.
“So ayun, sinubukan ko lang siya once and then nagustuhan ko naman, and very encouraging ang community actually.”
SUPPPORTIVE FAMILY
Suportado ba siya ng kanyang husband considering na six years old pa lang ang nag-iisang anak nila?
Tumango si Jeleen, “In fairness naman po… Hindi madali, kasi minsan siyempre gabi yung gig, tapos siya ang maiiwan sa bata.
“Pero in fairness supportive naman po.”
Iyong irreverent humor niya ay batay ba sa personal niyang karanasan?
“Opo. Mostly based on experience, saka parang… sa stand-up comedy naman po kasi, parang lahat ng jokes namin, they’re based on truth,” pagmamatuwid ni Jeleen.
“They’re kinda exaggerated ganyan, minsan. Or we optimize it for laughter. So hindi totoo lahat.
“Pero it has to be something that resonates with you personally. Kasi siyempre paano mo siya ide-deliver kung hindi siya based sa truth.”
Bahagi si Jeleen ng grupong Comedy Manila, kung saan mahigit apatnapu (40) ang members.
"TYRANNOSAURUS REX"
Ano ang reaksiyon niya sa pagba-viral ng kanyang Tyrannosaurus Rex joke?
Napangiti si Jeleen, “Nakakatuwa po na tumatak sa mga tao. Actually before… si Red [Ollero] kasi ang nag-post ng video… two years na siya.
“Matagal ko na po siyang joke. Actually pandemic ko pa siya ginagawa. Tapos parang… never akong nag-post ng video clips online.
“Kasi takot talaga ako. Kasi yung mga material ko, medyo ano siya talaga, e.
“Ahhmm, madami sa amin sa Comedy Manila, clean comedians. Wholesome. Hindi sila nagta-touch ng taboo subjects.
“Ako, medyo taboo talaga yung topics ko kaya hindi talaga ako nagpo-post. Pero nung pinost ni Red, may halong takot.
“Pero… yes, may bashers. Pero madami ring naka-appreciate.”
JOKE ABOUT MOIRA AND JASON
Pasabog din iyong “religious” joke niya patungkol sa estranged couple na sina Moira de la Torre at Jason Marvin Hernandez, lalo pa’t usap-usapan ang mystery woman ni Jason.
Read: SOFT LAUNCHING: Jason Hernandez posts “harana” photos with mystery woman
Kagaya nina Moira at Jason ay born-again Christian si Jeleen. Hindi ba niya alintana na baka ikagalit ng mga kapwa niya born-again ang pagdyu-joke niya sa mga ito?
“Actually, medyo nagalit po yung tatay ko! Ha! Ha! Ha!” pagbungisngis ng comedienne.
Born-again Christian din ang kanyang ama.
Pagpapatuloy ni Jeleen, “Nag-message siya sa akin. And actually, yung uncle ko po sa Novaliches, pastor.
“Nag-message po siya, tapos in-explain ko na hindi naman si Jesus yung punchline dun.
“Yung punchline is that… a lot of celebrities, pag involved sila sa scandal, nagre-rebrand sila into Christian.
“Tapos blank slate na uli, parang ganun.”