Brillante Mendoza honored as Outstanding Kapampangan


According to award-winning director Brillante Mendoza, his life in Pampanga influenced his filmmaking. In fact, his films Kaleldo and Manoro used Kapampangan as its primary language.


Umalis ng bansa noong December 12 ng gabi si direktor Brillante "Dante" Mendoza para um-attend sa 6th Dubai International Film Festival. Sa naturang filmfest ay kabilang sa competition ang Lola na dinirek ni Brillante this year, matapos niyang tanghaling best director sa Cannes Film Fest, para sa Kinatay (Journey Into Darkness), noong Mayo, 2009. Tinanghal ito bilang Best Film sa Muhr AsiaAfrica section ng Dubai IFF.

Bago umalis pa-Dubai ay binigyan ng special recognition si Brillante Mendoza, bilang natatanging achiever sa larangan ng sining-pampelikula, sa kanyang hometown (San Fernando, Pampanga) noong hapon ng December 12, 2009. Ginanap ang tribute sa activity area ng SM City-San Fernando. Isinabay ang okasyon sa unveiling of the symbolic Christmas lantern na siyang hudyat sa pagsisimula ng week-long lantern festival na dito’y pamoso ang nasabing Pampanga town.

Bilang honoree, may Brillante Mendoza Film Festival sa SM-San Fernando, kung saan pinalabas ang ilan sa mga pelikula niyang gumamit at nagpasulong ng Pampango dialect, tulad ng Kaleldo at Manoro noong 2006, at Masahista na unang pelikulang dinirek ni Brillante Mendoza, noong 2005. Mayroon ding exhibit ng mga trophies at iba pang pagkilalang natamo ni direk Brillante, dito at sa ibang bansa, sa nasabing mall.

Malalaki ang litrato ng direktor na nasa tarpaulin, showing him in different significant tourist spots of his hometown (dubbed "Brillante Mendoza’s San Fernando"), tulad ng dating Lahar-infested area na nagkaroon ng panibagong imahe ng progreso, ang Metropolitan Cathedral, at mismong SM City in San Fernando, kung saan kasamang nag-e-enjoy ng Kapampangan foods ni direk Dante ang ilan niyang kaibigan at production staff (art director Harley Alcasid, Jun de Guzman, Tony del Rosario, Chris Garrido, among others). Nakalista rin sa isa sa mga ito ang filmography at iba’t ibang local and international awards/recognitions na natamo ni Brillante Mendoza, bilang filmmaker at movie producer.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa ginanap na seremonyas, dinaluhan ng mayor ng San Fernando (Hon. Mayor Oscar Samson Rodriguez) ay katuwang na honoree ang isa pang daughter of Pampanga, si Ms. Nicolette Henson, na ikinararangal din ng kanyang mga kababayan bilang achiever sa larangan ng pagmu-modelo. Masaya ang okasyon na dinaluhan din ng ilan sa mga kapamilya ni direk Brillante Mendoza (siblings Lourdes Mendoza, Yolly Mendoza Punsalan, Gloria Mendoza; brothers Rey and Romeo Mendoza, nieces and nephews and a close relative, Ms. Carmelita Aquino).

"Nakaka-flatter!" natutuwang banggit ni Brillante Mendoza nang hingan ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ng komento bago siya ipakilala ng kanilang butihing alkalde (Mayor Oscar Rodriguez). "First time ito, sa SM...nakaka-flatter, kasi nanggaling ako dito; Kapampangan ako, tapos ang magbibigay sa ’yo ng recognition, sila [mga Cabalen]..."

OUTSTANDING KAPAMPANGAN. Bilang Kapampangan, isa ito sa nakagawiang pagbabalik ni Direk Brillante sa kanyang ugat, o roots, na mayroong mainit na pagtanggap. "Not the first time," aniya. "Maraming recognition, at suporta silang naibibigay... na ’yung previous films ko, dito ko ginagawa, gano’n din ang support nila."

Bunso sa pitong magkakapatid si Brillante Mendoza. Ayon sa kanyang ate Gloria, isa siyang menopausal baby (born on July 31, 1962). Nag-aral si Direk Dante sa San Isidro Elementary School, isang pam-publikong paaralan, tapos, sa Assumption High School, isang exclusive Catholic school, na parehong nasa San Fernando, Pampanga. Grumadweyt daw siya, with honors, at noon pa ma’y mahilig na sa arts subjects.

"I remember, palagi akong nananalo [noon] sa mga drawing-drawing, until high school," nangingiting pagbabalik-tanaw pa ni Direk Brillante.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

In college, he finished Fine Arts, major in Advertising, at the University of Santo Tomas College of Architecture and Fine Arts, year 1982. Ipinagbubunyi rin ng kanyang alma mater (UST) ang maraming parangal na natatamo ng direktor, sa larangan ng pelikula, sa iba’t ibang international film festivals, na ang pinaka-prestihiyoso ay ang Best Director award na natamo niya sa Cannes Film Fest (sa France) sa taong ito.

Bilang pangunahing Pilipinong direktor, malaking impluwensiya sa sining ni Brillante Mendoza ang pagiging isa niyang Kapampangan. "My life in Pampanga influenced my films," saad din niya. "I base most of the characters and incidents in my films on real-life experiences. I recognized my roots. For me, it is easier to capture truth if you are honest with yourself. Since I want to show truthfulness, not only with my characters but also with the stories in my films, I cannot think of any other way except to start and talk about where and how I grew up..."

Bilang isang Pilipino, at bilang isang Kapampangan, ang mga pelikula ni Brillante Mendoza (partikular ang Kaleldo, Masahista, at Serbis) ay malinaw na salamin ng mayamang kultura o kasarinlang lubos niyang nauunawaan at tinatanggap, sa taglay nitong mga kahalagahan.

"Kapampangan movies will be something about food, cooking and the people who love to eat, and are interested in cooking," kuwelang banggit din ni Direk Brillante. "It should be about people who want to be; who want the most about life despite their difficult situations. It should be about ambition, without necessarily being ambitious..."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

YEAR-END ASSESMENT. Hindi magiging kumpleto ang interview kay Direk without his own assessment of his career achievements sa lilipas na taong 2009 at prospects for the Philippine movie industry, para naman sa taong 2010.

"Ang magandang nangyari," ani Direk Brillante, "’yun ngang [pagkapanalo, bilang best director] sa Cannes, ’yun ang pinaka-maganda; ’yung paggawa ko ng Kinatay at Lola, na nakapasok sa dalawang major festivals (Cannes and Venice International Film Fests, respectively). Happy ako sa dalawang pelikula..."

Para kay Direk Brillante, sa taong papasok ay malamang pa rin ang pagsulong ng independent cinema industry, sa punto ng pagtanggap at pagkilalang natatamo ng mga produkto nito sa iba’t ibang world film festivals. Pero hindi ganito ang sitwasyon hinggil sa mainstream cinema sa Pilipinas.

"Ang problema sa mainstream, kapag hindi na-reinvent...[parang] wala lang, ganyan na lang siya," opinyon din ng director. "Kasi posibleng magsawa rin ang mga tao, eventually.. Ang importante diyan, dapat, even the actors, magkaroon sila ng respeto sa sarili nila. Kasi if they keep on doing the same things, wala sila [halos] ginagawa for the industry, e. Kung pagpapayaman lahat ang ginagawa nila, parang wala lang. ’O, magpakayaman-yaman tayo, dahil ginagamit tayo ng industriya, magpakayaman-yaman tayo!’

"In the end, wala silang naitutulong, wala silang naiko-contribute, as actors, or as artists. Na posibleng babalikan ka naman nila, at sasabihin, ’Napapasaya ko naman ang mga tao...’ Ano ’yun? Ano’ng essence nu’n?" tanong niya. "E, kahit naman siguro mag-karnabal ka diyan, mapapasaya mo din ang mga tao, ’di ba? In other words, wala siyang ipinag-iba sa karnabal..."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

May kaibahan, para kay direk Brillante, ang maging committed artist at patron ng komersiyalismo, sa larangan ng pelikula.

"Hindi naman sa sinasabi kong hindi tama, pag hindi committed [artist], pero may effort ka to do something deeper and more meaningful, significant in alternative cinema. Ang maganda kasi sa independent [films], wala ’yung commercialism [as primary consideration].

"Sa mainstream kasi, ang primary consideration, commercialism... pagpapayaman ng both parties, ng producers at talents. Walang consideration na tumulong... to uplift [the standards] o para sa audience to understand better; na magkaroon ng kultura ang mga manonood."

Habang nasa ganitong sitwasyon ang lokal na industriya ng pelikula, hindi pa rin lubos ang kasiyahan ng isang Pilipinong direktor, kahit may pagkilalang naipagkakaloob ngayon sa maraming pelikulang Pilipino, na mas tinatanggap ng foreign audience kaysa karamihang manonood na Pilipino. Dahil dito’y nasasayang ang mga makabuluhang mensahe ng mga seryosong paksa ng mga kuwento, na sana’y mas malaya at detalyadong natatalakay sa pamamaraang makasining.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN