Mario O’Hara reveals his dream cast for Ang Paglilitis Ni Bonifacio


Veteran director Mario O’Hara (in photo) says that he wants to cast Diether Ocampo, Alfred Vargas, Angel Locsin and Kristoffer King in his Cinemalaya 2010 entry titled Ang Paglilitis ni Bonifacio.


Matapos ang pitong taon ay nagbabalik sa pagdidirek ng pelikula si Mario O’Hara. Ito’y sa pamamagitan ng Ang Paglilitis Ni Bonifacio, his entry to the Cinemalaya 2010 Open Category (para sa mga filmmaker na nakapagdirek na ng tatlo o higit pang pelikula).


It was in 2004 when Mario O’Hara’s last feature film, Babae Sa Breakwater, was released. Ang pelikulang ’yon ay naging entry ng Pilipinas sa Cannes International Film Festival (Directors’ Fortnight) nang sumunod na taon. It was topbilled by then newcomers Kristoffer King and Katherine Luna.


Para sa Cinemalaya 2010 ay napili ni O’Hara na gawin ang isang historical drama, na siya rin ang sumulat ng script. Ito ay tungkol sa dalawang kinikilalang bayani ng ating lahi: sina Gat. Andres Bonifacio at Heneral Emilio Aguinaldo.


Naniniwala ang premyadong writer-director na mahalagang mabatid ng madla ang katotohanan sa likod ng pagkakapatay kay Andres Bonifacio, na dito’y sangkot ang pangalan ni Emilio Aguinaldo, ang unang Pangulo ng ating Republika.


Sa Cinemalaya 2010 presscon na ginanap kamakailan sa Cultural Center Main Theater lobby, nabanggit ni O’Hara ang ilang bagay tungkol sa paksa ng kanyang napiling kuwento.


"Bakit dalawang bayani ang naging sangkot sa isang krimen? Bakit pinatay ng isang bayani, na dapat ay maging halimbawa ng mga Pilipino, ang isa pang bayani na dapat ding maging halimbawa natin? Sino ang bida, at sino ang kontrabida [sa kuwento]?" tanong ni O’Hara. Ang tanong, dagdag pa ni O’Hara, ay bunsod din ng pag-uusisa ng isa niyang pamangkin na kasalukuyang nag-aaral sa high school.


"Eventually, hindi lamang ang mga mag-aaral... I’m sure, karamihan [sa atin] ay hindi lubusang alam ang mga issues na involved (sa kuwento)... at kung paano naganap ang masasabi nating malagim na krimen—ang pagpatay kay Andres Bonifacio at sa kanyang kapatid na si Procopio," sabi pa niya.


Mahalaga ang mensahe ng kanyang gagawing pelikula dahil naniniwala rin si Mario O’Hara na, "dapat makilala ng mundo ang Pilipino sa pamamagitan ng isang kuwentong Pilipino."


Gaganapin ang sixth edition ng Cinemalaya Philippine Independent Film Festival simula July 9-18, 2010.


ON CASTING ’MAINSTREAM’ STARS. Earlier, na-interview ng Philippine Entertainment Portal (PEP) si Mario O’Hara hinggil sa bago niyang movie project. Dahil isa itong independent production, o indie, na ang pondo ay magmumula sa Cinemalaya seed grand (nagkakahalaga ng kalahating milyong piso) at karagdagang halaga mula sa magiging co-producer, aminado ang direktor na limitado ang kanyang options, lalo na sa casting.


Gayuman, mayroon siyang maituturing na "ideal" cast, para sa ilang pangunahing tauhan. Hindi pa man final, nabanggit ni direk Mario O’Hara ang kanyang choices: "Gusto ko si Diether Ocampo, para sa role ni Aguinaldo. Bagay na bagay siya, dahil chinito at mahusay umarte," sabi ni O’Hara. May nakausap na umano si O’Hara para kay Diether.


Sino naman ang gusto niyang gumanap sa papel ni Gat. Andres Bonifacio? "May possibility na si Alfred Vargas. ’Yung brother naman niya, na si Procopio, hindi pa sure, may mga kinakausap pa ako. Maganda ang role nu’ng brother, tiyak magmamarka ’yon sa manonood!"


Lately, nabanggit sa PEP na posibleng si Kristoffer King ang gumanap bilang Procopio. Si King ay nakilalang aktor sa pamamagitan din ng pelikula ni O’Hara.


Sino naman ang gaganap na Gregoria de Jesus, ang Lakambini ng Katipunan? "Ang gusto ko talaga si Angel Locsin!" banggit pa ni O’Hara. "Bagay na bagay rin siya para sa role. Gusto ko kasi, aktres na may magandang mukhang tulad ni Angel. She fits the role of Bonifacio’s Lakambini. Na mahusay ring umarte. At maganda ang feedback tungkol sa kanya; mabait daw at very professional."


Although hindi pa definite ang lahat, ang sigurado, kung matutuloy ang nais ng direktor, tipong ideal casting ang pagsasama ng mga nabanggit na artistang bubuo sa main cast ng Ang Paglilitis Ni Bonifacio. Samantala’y nananangan ang kilalang direktor sa kahalagahan ng kanyang materyal o kuwento na nais bigyang-buhay sa pamamagitan ng pelikula.


CONDEMNED AND BULAKLAK SA CITY JAIL. Noong Disyembre, 2009 ay binigyan ng kaukulang pagkilala ng International Circle of Online Noranians (ICON) at ng UP Film Institute ang dalawang obrang pampelikula ni Mario O’Hara, ang Condemned at Bulaklak Sa City Jail, pawang naipalabas sa bansa noong 1984.


Dalawampu’t limang taon na, mula nang unang maipalabas ang naturang O’Hara films, na tinampukan ni Nora Aunor, kaya naisagawa ang 25th anniversary screening ng mga ito. Kabilang din sa itinampok ang ’Merika (also released in 1984), also topbilled by Nora Aunor, and directed by Gil M. Portes.


Pawang magaganda ang reviews ng tatlong Aunor-starrers. Kabilang ang kritikong si Noel Vera sa nagsulat ng rave reviews sa mga ito ("Three Faces of Nora"). Aniya: "Portes’ ’Merika [tungkol sa buhay ng mga Pinoy immigrants sa U.S.] is Aunor at her most realist; Mario O’Hara’s Condemned (about sibling love and survival in so-called ’jungle’ city) is Aunor at her most baroque and noirish... a rich brew of sudden violence, baroque cruelty and sardonic dark humor; in Bulaklak Sa City Jail, O’Hara combines the stark realism of ’Merika with the noir elements of Condemned—in this case, a women’s prison in Manila."


Flattering pa rin ba para kay Direk Mario ang tinatanggap na papuri o pagkilala, para sa mga nagawang pelikula, matapos ang mahigit dalawang dekada? "Well, sa akin kasi, ang reward niyan is after doing it, when you already shoot it and after all the process, makita mo onscreen at makita mo ang effect. That’s the reward. I got the reward during the showing of the film," lahad niya. Hindi rin naman kinalimutan ng direktor na magpasalamat sa mga taong sangkot sa isinagawang tribute sa dalawa niyang piling pelikula.


Tulad noon, he felt amply rewarded until the present. "Oo, ang ganda ng reception noon, at sa ngayon," sabi pa niya.


Bukod sa pagiging director, kilala rin si O’Hara bilang isang accomplished actor sa radyo, telebisyon, pelikula, at entablado. Sa katunayan, mapapanood siya muli sa dula ng Tanghalang Pilipino ngayong Pebrero at Marso sa CCP. Ito’y ang Tatlong Maria, isang halaw mula sa Three Sisters ng mandudulang Ruso na si Anton Chekov. Si Rody Vera ang may likha ang naturang stage adaptation.


"Magpi-play muna ako, pero in-between, ngayong Pebrero, ’yung shooting namin ng Ang Paglilitis..." bangit pa ng respetadong actor-writer-director.



PROBLEMS WITH INDUSTRY ’POLITICS’ AND FILM PIRACY. Sa mga tulad ni Mario O’Hara at iba pang veteran filmmakers, o masters na maituturing, nagkakaroon ng inspirayon ang mga bagong manlilikhang pampelikula, lalo na ang mga indie filmmakers. Sadly, madalang pa sa patak ng ulan sa gitnang tag-araw ang pagdating ng mga pagkakataon upang gumawa ng makabuluhang pelikula para sa mahuhusay nating film artists. Mabuti na nga lang at mayroong tulad ng Cinemalaya na nagbukas pa rin ng oportunidad para sa ating film masters.


"Actually, oo, pero ang nangyayari din kasi... sa atin, pulitika ang nangyayari. Kung sino ’yung nakadikit, kung sino ’yung nakikipag-usap, araw-araw... di ba? Kung sino ’yung malakas ’magbenta ng sarili’ niya, gano’n. So, hindi ka na makakaasa ngayon. Maski nuong ’90s, naiba na ang takbo," pagtukoy pa ni O’Hara.


At ang naipunto niyang ugat ng kasalukuyang problema ng industriya ng pelikula sa ating bansa ay ang movie piracy. Aniya, "Ang talagang problema is piracy... ’yan ang malaking problema. Kung maaalis ang piracy, mabubuhay uli ang industriya. Pero sa ngayon, higanteng problema na, e."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN