Mon Confiado plays gay psychotic killer in Pilantik


The suspense thriller Pilantik was supposed to be topbilled by Bb Gandanghari but the role of the gay psychotic killer went to Mon Confiado.


Pagkalipas ng ilang taon na pagiging mahusay na character actor, bidang-bida na si Mon Confiado sa Pilantik, isang gay suspense thriller na initial presentation ng LCP Productions ng producer na si Mr. Lito Pascual.

Matagal-tagal na rin sa industrya si Mon Confiado, at hindi matatawaran ang husay at pagka-natural nito sa larangan ng pagganap. Isa siya sa ating underrated actors, na sa wakas ay nabibigyan na ng mga makabuluhang papel sa independent (o "indie") cinema.

Bagama’t brusko at lalaking-lalaki si Mon na napapanood natin sa movies bilang kontrabida, adik, hitman, goon, killer, holdaper, rapist, etc., sa Pilantik ay bading ang role nito—at malaking hamon ito para sa kanyang pagiging isang tunay na magaling na artista.

Hindi nga lang kasi gay role ang ginagampanan niya dito kundi isang misteryosong gay na pumapatay ng lalaki!

Ang veteran TV director na si Argel Joseph ang direktor ng Pilantik. Ilang dekada na rin sa industriya si Argel, mula sa hit suspense thrillers sa TV noong 1980s, kabilang na ang Pinoy Thriller at Regal Shockers.

Nakapagdirek rin si Direk Argel ng Lovingly Yours Helen (TV series na tumagal ng ilang taon sa TV, at ang movie version noong 1984) at ang Roman Rapido noong 1983.

Dinirek rin ni Direk Argel sa GMA-7 ang ilang episodes ng ESP at Joaquin Bordado (both 2008), Songbird, SRO Cinemaserye Presents, at Obra (2009 lahat).

Going back to Pilantik, kasama ni Mon sa cast sina Maria Isabel Lopez, Pen Medina, Chris Martinez, Jordan Castillo, Alvin Bondoc, Keith Cabanez, Bong Russo, Valeri Velez, Sofia Lee, Mengie Cobarrubias, and Shalala (of Walang Tulugan show ni German Moreno).

Introducing dito si Adonis Pascual, at may special participation si Jao Mapa na may nakakalokang kissing scene with Mon. Sa bandang ending lang nag-appear ang character ni Jao, pero markado ang role.

Natanong ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Mon kung paaano napunta sa kanya ang Pilantik role. Kuwento nito, "Ang gusto kasi ni Direk Argel na gumanap na bading for the role, e, barako daw, para may acting challenge.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kasi, kung bading din [ang kukunin] walang acting dun. Ang gusto niya, macho image, pero makaka-deliver ng acting piece. Mabigat kasi ang role!

"Very emotional at physical. Siyempre, aside sa femininity ng karakter which includes nakadamit pambabae, wig, heels, make-up, kissing scenes, dapat mukhang babae siya kaya nagpapayat ako para convincing na bading talaga ako."

Bukod sa pag-diet upang pumayat, pinaghandaan talaga ni Mon ang naturang "role of a lifetime."

"Kailangan, handa ka rin sa mga fight scenes, dahil suspense thriller ito. At kasi, psychotic yung character, pumapatay at muntik mapatay.

"Ibinaon ako ni Direk sa lupa, at bumangon. Halos makain ko ang putik during the shoot. Napaka-challenging talaga ng karakter ko dito na usually kontrabida ako! Ha-ha-ha!" natatawang lahad ni Mon.

Isa si Mon Confiado sa naniniwalang malaki ang tulong na nagagawa ng indie films sa kasalukuyang estado ng Pelikulang Pilipino.

"Ang mga indie films ngayon ang bumubuhay sa Pinoy movie industry," pahayag ni Mon. "Ito rin ang nagbibigay ng break sa mga underrated actors na katulad namin. I’m a true indie film supporter! Mabuhay ang indie films! Kaya nagpapasalamat kami sa mga sumusuporta."

SYNOPSIS. Bata pa si Ysmael ay pumipilantik na ang mga daliri. Taglay na nito nang siya ay isilang ang kahinhinan ng katauhan niya.

Siya ay nagdanas ng kalupitan sa kanyang ama-amahan. Dinurog ang kanyang mga daliri, higit sa lahat ang buong katauhan. Hanggang sa naging saksi pa siya sa pagkabaliw ng inang minamahal.

Lumaking galit, muhi at sira na ang isipan. Handa na itong pumatay at maghiganti sa kanyang kaapihan!

Ang screenplay ay likha ni Ding Dela Cruz, producer si "Tolits," cinematographer si Arnie Alvaro, cameraman si Arvin Bustos.

OTHER PROJECTS. Last year, lumabas din si Mon sa indie films na Dukot (ni Direk Joel Lamangan), Tulak (ni Direk Neal Tan), Bigasan (ni Direk Joven Tan), Estasyon (ni Direk Cesar Apolinario), at Himpapawid (ni Direk Jon Red).

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nakatakda rin siyang gumawa ng tatlong entries for Cinemalaya 2010. Una ay ang Magkakapatid (directed by Kim Homer Garcia), Two Funerals (directed by Gil Portes), at Sigwa (directed by Joel Lamangan). Ipapalabas nga ang tatlong pelikulang ito sa Cultural Center of the Philippines ngayong July.

Busy as a bee si Mon dahil sisimulan rin nito ang Kuliglig, isa pa ring suspense-thriller, directed by Argel Joseph pa rin, at isa pang Cesar Apolinario film tungkol naman sa dancing inmates ng Cebu.

"May isa pang very challenging role na dapat kong paghandaan, ’yung Stringer [Direk Cesar Apolinario ulit] dahil I have to lose weight up to 110 lbs., pero I think, one year in the making ito o baka lagpas pa. Ang hirap magpapayat, na dapat mukhang buto’t balat, dahil one year ako na hostage ng Abu Sayaff sa story."

MEANT FOR BB. Samantala, sa panayam recently kay Mon sa Jojo A. All The Way, inamin nito na originally pala, ang gay role nito sa Pilantik ay dapat kay Bb. Gandanghari, pero sa mga palad nga niya napunta sa huli.

"Actually, idea ito ni Direk Argel Joseph. Ang role na ito, supposedly, e, para kay Bb Gandanghari, originally. Pero naisip ni Direk Argel na kung gay yung role at gay yung gaganap, parang pareho lang... Bagama’t magaling si Bb, siyempre, pero ang gusto ni Direk na gaganap sa role na ito, e, barako. Yun ang kakaiba sa pelikulang ito na yung gaganap ay hindi gay," sabi ni Mon.

ON KISSING SCENE WITH JAO MAPA. Hindi rin puwedeng mawala ang kissing scene niya dito sa isang kapwa niya lalaki. At ’yun nga ay si Jao Mapa! Paano siya nag-prepare sa laplapan scene nito with Jao?

"Yes, may kissing scene. Pero as a serious actor, lagi kong sinasabi, being an actor, hindi tayo makakapili, na kung ano ’yung hinihingi ng script... O kung ano ’yung karakter mismo. Kung ang aking gaganapan, e, gay, definitely, dapat na makita yun ng audience.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Walang preparation. In fact, yong scene na ’yon, e, binigla kami ni Direk Argel. Wala yun sa script. Hindi ko alam kung sinadya yon dahil baka hindi ko na tanggapin yung role. Hahaha! Baka kasi ’pag may kissing scene, biglang, ’Ayoko na, Direk!’

"Actually, naglolokohan nga lang kami ni Jao Mapa during that scene, e. Gano’n talaga, e, artista ka. Kapag naman babae rin ang kaeksena natin, ’di rin tayo pumapalag, ha-ha-ha!

"Sa Hollywood, marami naman ang gumagawa noon, e. Si Dustin Hoffman sa Tootsie. Marami... Yung Brokeback Mountain... May kissing scene din, the late Heath Ledger ’yan. "

Proud si Mon sa elements of suspense and thrill ng kanyang pelikula.

"Si Direk Argel kasi, bukod sa pagiging isa sa mga hari ng telebisyon, ang forte niya eh may pagka-suspense. Ito ang kanyang kauna-unahang indie film.

"Alam naman nating pagka indie film, e, hindi masyadong malaki ang mga budget sa paggawa ng pelikula, pero dahil si Direk Argel, e, sanay sa telebisyon, napalabas niya na napakaganda, kala mo napakalaking pelikula.

"Actually, ang tawag niya diyan, e, ’main-die’ film. Mainstream and indie film, pinagsama. Nagpauso e, no? Ha-ha-ha. Ganyan kami magpa-uso! Hahaha!

"Saludo tayo kay Bb Gandanghari at kaibigan natin ’yan pero, iba talaga ang indie film, e. Siyempre, ako lagi kong pino-promote ang mga indie films. Lagi kong sinasabi na suportahan natin ang indie films kasi, actually, ito ang bumubuhay sa industrya ng Pelikulang Pilipino ngayon."

Ang slogan sa poster nila—Kapag daliri niya’y pumilantik, ingat ka kayo, mga lintik!

"Ang character kasi ni Pilantik, e, parang tagapagtanggol ng mga gays. May pagka-gano’n ang character niya. Nagagalit siya sa mga umaapi at nanlalamang o nanggagamit. Kaya ito, palagay ko, e, makaka-relate ang marami nating mga kapatid at mga kaibigan nating nasa third sex.

"Sa totoo lang, after ko ngang gawin ito, parang ang dami ngang nagduda sa akin, e! Ha-ha-ha. Sabi ko nga, nung sinu-shoot namin ’yan, ang hirap palang maging bading... O maging babae!

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kasi, ang bigat nung flase eyelashes. Ang hirap ng wig, ang hirap ng make-up, at pinatakbo ako ni Direk nang naka-heels, of course, kasi, hinahabol ako ng pulis."


Na-nominate na noon si Mon as best supporting actor for Luksong Tinik ni Jose Javier Reyes at Babae sa Bintana ni Chito Roño, pero nanalo lang siya sa noong 2008 for the 56th FAMAS Awards as best supporting actor for Faces of Love ni Eddie Romero sa papel na bading na lawyer na problemado sa love life.


"Ngayon lang tayo medyo napapansin. Dahil nga sa paniniwala nila. And dahil nga sa pinaniniwalaan tayo sa mga ganyang klaseng mga proyekto," pagwawakas ni Mon Confiado.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN