Rindido depicts the dark side of life experienced by Overseas Filipino Workers


"Base ito sa mga naririnig kong kuwento, ng mga nakilala ko at mga kakilala nila, sa maraming taon kong pagta-trabaho sa abroad," says indie director Noriel Jarito about his film Rindido .


Bilang indie filmmaker, nakahiligan ni Noriel Jarito ang gumawa ng mga pelikula, karamihan ay short films na ang kuwento ay tungkol sa mga Overseas Filipino Workers (OFW).

Dahil matagal siyang nag-trabaho sa Middle East, partikular sa United Arab Emirates, o Saudi Arabia, noong kalagitnaan ng ’90s hanggang sa mga unang taon ng bagong milenyo (2000’s), malawak ang karanasan ng 39-year old director at writer sa buhay-OFW.


May hawig ba sa sarili niyang mga karanasan ang kuwento ng Rindido?

"Base ito sa mga naririnig kong kuwento, ng mga nakilala ko at mga kakilala nila, sa maraming taon kong pagtatrabaho sa abroad," sabi ni Direk Noriel.


Ang mga karanasan ni Noriel at ng kanyang mga kapwa OFW ang napili niyang talakayin sa kanyang unang feature-length film, Rindido. Ito ay kuwento ng isang karaniwang manggagawa sa Saudi Arabia at sa masaklap na kapalarang sinapit nito.


Nasa unang linggo ng kanyang commercial theatrical run ang Rindido, simula noong January 26, sa ilang napiling digital cinema sa Metro Manila. Magkakaroon din ito ng mga pagtatanghal sa iba pang bahagi ng Pilipinas.

Umaasa si Noriel na tangkilikin ng maraming OFWs ang una niyang full-length indie film, na nabigyan ng R-18 rating ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).


Ito rin ang tanging entry sa MMFF 2010 Indie Film Tribute na nabigyan ng rating na R-18, dahil sa mga maseselang eksenang seksuwal sa pagitan nina Chanel Latorre at dalawang leading men, sina Vic Tiro at mismong si Direk Noriel.

Kung tutuusin, palasak ang kuwento ng Rindido, tungkol sa hirap na dinaranas ng mga manggagawang Pinoy, na tinitiis ang lungkot nang mawalay sa kanilang mga mahal sa buhay sa Pilipinas. Makaraan ang ilang taon, babalik sila ng bansa, sa pag-asang magiging masaya ang reunion nila sa kanilang pamilya, pero kabaligtaran ang magaganap.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

SYNOPSIS. Sa Rindido, si Efren—ginampanan mismo ni Noriel, na siya ring sumulat ng screenplay at namahala sa cinematography—ay minalas dahil napasukan ng mga gawaing ilegal ang kanyang pagta-trabaho. Naging sanhi iyon ng kanyang pagkatanggal. Wala siyang ipon pagbalik ng Manila at ninakawan pa ng mga gamit pauwi ng bahay. Nagkataon pa na ang dinatnan niyang tagpo sa tinutuluyang tenement ay ang kanyang common-law wife (Chanel Latorre) na kayakap ang kalaguyo nito (Vic Tiro).

Ang buong kuwento ng Rindido ay sumentro sa unang bugso ng damdaming naramdaman ni Efren, pagkakita sa kalaguyo ng kanyang kinakasamang babae. Ang paghuhuramentado niya’y nabigo, pero dito umusbong ang nai-planong paghihiganti, sa kanyang kinakasama at sa lover nito.


Ang Rindido ay napili bilang isa sa Metro Manila Film Festival 2010 Indie Tribute entries, noong December 2010. Masaya si Noriel sa pagtanggap ng mga nakapanood ng kanyang debut film.

Ayon sa reviewer-critic na si Butch Francisco, "Rindido is a fresh take on the OFW problem."


Bilang pelikulang tumatalakay sa "OFW phenomenon," ayon naman sa writer-publicist na si Bibsy Carballo, "Rindido breaks the OFW phenomenon because it exposes the negative realities of the OFW experience."

Ipinakita ng pelikula ang karaniwan na nating naririnig o nababalitaan, tungkol sa pangangaliwa ng asawa ng mga OFW workers. Ang kaibahan dito, hindi legal ang pagsasama ng nag-iibigan, pero mayroong pagmamahal na namamagitan, para maging kapani-paniwala ang mga motibasyon ng kanilang karakter.

Sa parte ng babaeng si Lani (Latorre), hindi siya nangaliwa by choice. Naging biktima siya ng sitwasyong sinapit at isa ito sa mahalagang sangkap ng kuwento.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bakit napili ni Noriel na ikuwento ang masaklap na karanasan ng isang male Pinoy OFW?

"Marami tayong naririnig, tungkol sa magandang buhay ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa abroad," sabi niya, sa interview ng PEP (Philippine Entertainment Portal). "Pero hindi rin maikakaila, na merong dark side ang pagiging OFW. Yung pagiging malungkot ng marami sa kanila, na nawawalay sa pamilya, may iba na yun ang nagiging dahilan para masangkot sa mga gawaing illegal.

"Sa kuwento ng Rindido, ’yun ang ipinakita ko, para mamulat din ang marami sa isa pang aspeto ng reyalidad," banggit pa ni Noriel Jarito.

Tulad din ng iba pang mga pelikulang indie, na naglalarawan ng kahirapan ng buhay-Pilipino sa ating bansa, ang pelikulang ito ng baguhang filmmaker ay may mahalagang mensahe ukol sa pangingibang-bayan o migration; na hindi ito ang solusyon sa poverty o patuloy na kahirapang patuloy na umiiral sa ating lipunan.

FILMOGRAPHY. Bilang filmmaker, si Noriel Jarito ay may kalipunan ng mga nagawang short films at halos lahat ng mga ito’y tungkol sa OFW experience. Ang mga ginawa ni Direk Noriel between 2008 and 2010 ay ang mga sumusunod:

Bat’Man (Bakit Naman?) A 20-minute short film, which won 2nd Prize sa Gawad Para Sa Alternatibong Pelikula at Video ng Cultural Center of the Philippines (CCP). It tells of the OFW experience among Hong Kong-based Pinoys.

OFW: Bagong Bayani, o Baliw Na Bayani? A finalist in the Viva-PBO (Pinoy Box-Office) Digitals competition.

Ex-OFW. A 15-minute short film. Nakabilang sa Cinema Rehiyon na kumakatawan sa probinsiya ng Samar.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Si Direk Noriel ay tubong Pambujan, Northern Samar. May asawa siya at ngayo’y naninirahan sila sa Mandaluyong City.

As an OFW in the ’90s, Noriel worked in Saudi Arabia as a graphic designer and layout artist for print publications. Nagtrabaho rin siya, at one point, for an international advertising agency. Pero hindi ang true story niya ang tinalakay sa Ex-OFW.

"Mas gusto ko talagang gumawa ng pelikula [on the OFW experience], kaya dito ko ginamit ang mga naipon ko sa pagtatrabaho sa abroad," sabi ng baguhang filmmaker.

Ang dalawa pang maiikling obrang pampelikula ni Noriel ay:

One Frightening Week. A 15-minute short feature that tackles incest between a father and his daughter, while his wife was working in Hong Kong.

’Nak Ng... OFW! A 15-minute short narrative feature that juxtaposes the homesickness experienced by OFWs and the family members they leave behind.

POTENTIAL STAR. Nang tanungin si Direk Noriel tungkol sa bida ng kanyang pelikula na si Chanel Latorre, sinabi niya, "Magaling siyang umarte at hindi mahirap katrabaho. Very professional, hindi maarte, kahit sa mga maseselang eksena."

Bilang newcomer, the 24-year old sexy actress Chanel has the makings of another Nanette Medved. May mga anggulo si Chanel na nakakahawig ng ngayong inactive nang si Ms. Medved.

Matatandaan na sa simula ng acting career ni Ms. Medved, noong late ’80s at early ’90’s ay lumikha agad ito ng magandang impression sa pagganap, na maging ang yumaong National Artist na si Lino Brocka ay napahanga. Humantong ’yon sa Brocka-Medved collaboration, in films like Biktima (1990) and Sa Kabila ng Lahat (1991) kung saan nagtamo ng acting award (Gawad Urian best supporting actress) ang Brocka discovery.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Matutuwa ako kapag nag-succeed din si Chanel sa pelikula," sabi naman ni Direk Noriel. "Deserving siya na magtagumpay dahil may pangarap siya, at nagsisikap para dito."

As filmmaker, dugtong niya, "Hindi ako palasugal, pero natutuwa ako na nabuo namin ang pelikula, mula sa sariling kayod at sa tulong ng aking co-actors."

Bukod kina Chanel Latorre at Vic Tiro, kasama sa pelikula sina Banjo Romero (bilang pulis), Jek Jumawan (bilang drinking buddy) at Lotlot Bernardo (bilang female hostage).

Matapos ang premiere ng pelikula noong December 19 sa Robinsons Galleria ay ang commercial run nito, na may guaranteed booking sa 10 local theaters, bilang suporta ng MMFF Executive Committee.

Ang susunod na mga plano ni director Noriel Jarito ay ugnay rin sa kanyang mga obrang tungkol sa OFWs. Balak niyang i-compile ang kanyang short films at itanghal din ito sa mga sinehan. Ang kanyang Ex-OFW ay balak din niyang gawing full-length feature.

Gagawin din niya ang comeback project ng action star na si Jeric Raval.

"Nag-iisip din ako ng kuwentong may magkahalong action at sex scenes; halimbawa, isang nagbabakasyong OFW na makakaniig ang na-miss na girlfriend, pero may tragic consequences. Okay lang kung R-18 uli ang rating, basta magpapakita ito ng totoong nangyayari at nararanasan ng mga kababayan nating nagtatrabaho sa abroad," sabi ni Noriel Jarito.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN