Rocky Salumbides stars with girlfriend Eula Valdes in ZsaZsa Zaturnnah Ze Muzikal


Rocky Salumbides and Eula Valdes will topbill the seventh run of ZsaZsa Zaturnnah Ze Muzikal...Vack with a Vengeance. It will be staged at the Tanghalang Aurelio Tolentino at the CCP from February 18 to March 13, 2011.


Hindi makapaniwala ang male supermodel-turned-actor na si Rocky Salumbides na mapapasama siya sa cast ng ZsaZsa Zaturnnah Ze Muzikal...Vack With A Vengeance! Ito ang ika-pitong run ng nasabing award-winning original musical comedy mula sa Tanghalang Pilipino ng Cultural Center of the Philippines (CCP).

Now on its 24th season, ito nga ang pagbabalik ng isa sa pinaka-matagumpay na musical comedy play na mapapanood simula ngayong Biyernes, February 18 hanggang March 13, sa Tanghalang Aurelio Tolentino ng CCP, Roxas Blvd., Manila.

Ang real-life girlfriend ni Rocky na si Eula Valdez pa rin ang bida ng ZsaZsa Zaturnnah Ze Muzikal, bilang isang red-haired super heroine, at si Rocky ang gumaganap na Dodong, ang hunk na may puso at iniilusyon at pinapantasya ni Ada / Zaturnnah sa kuwento.

First time na makakasama ni Eula ang boyfriend na si Rocky, dahil iba’t ibang actors ang gumaganap sa role ni Dodong in the past productions nito.

Ka-alternate ni Rocky bilang Dodong sina Red Anderson at Prince Stefan, samantalang kasama rin sa cast sina Gabe Mercado (alternating with Joey Paras) as Didi, ang daldalerang assistant ni Ada / Zaturnnah sa beauty parlor nila; Pinky Amador (alternating with Kalila Aguilos) as Queen Femina Suarestella Baroux; at marami pang iba.

Kamakailan ay nakapanayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Rocky, at natanong namin kung papaano ba nai-offer sa kanya ang role ni Dodong?

"Tinawagan nila ako, nagre-rehearsal na sila," bungad ni Rocky. "’Yun na siguro ang pinaka-audition ko. Kasi, hindi talaga ako kumakanta, e. Kaya yung feeling na kakayanin ko ba ito, aaralin ko pa, rehearsals..."

Nase-share ba sa kanya ni Eula noon na magkakaroon ng re-run ang nabanggit na musical stage play?

"Hindi pa," aniya. "’Yung mga taga-CCP, nung tumawag, nagtanong sila kung gusto ko raw ba mag-Dodong [character na gagamapanan niya], si Eula ang nagsasabi na kaya ko naman daw yun.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"’Tsaka yung mga taga-CCP rin ang nagsasabi sa akin na bagay daw sa akin ang role. Kasi isang buwan pa naman daw ang preparasyon, mahaba daw, pero para sa akin kasi, yung isang buwan na yun, parang isang araw na lang yun eh."

Inamin ni Rocky na noong unang in-offer sa kanya ang project ay inayawan niya ito.

"Noong una, tinanong nila ako, sabi ko, ayoko talaga. Tumanggi na ako noong first audition. Kumakanta-kanta na, tapos, narinig nila ang boses ko... Ayoko na after noon!

"After noong first rehearsal, tinanong ko sila, ’Puwede na po ba ako?’ Ang sagot sa akin, ’Hintayin natin si Sir Chris [Millado, the director], kasi wala pa siya. Siya ang mag-aaprove.’ Wala kasi siya nu’ng nag-audition ako. Sabi ko, ’Okay...’

"Pag-uwi ko ng bahay, muni-muni. Isip-isip. Sabi ko, ayoko silang mapahiya. Naniniwala sila sa akin, tapos, ako pala, walang ibubuga! Ayokong maging gano’n. Iniisip ko, tatanggihan ko na. So, ayun, tinanggihan ko na."

Tumanggi agad siya kahit na wala pang kasagutan kay Direk Chris?

"Hindi ko pa naririnig yung sagot, sabi ko kay Eula, ’Ayoko na!’ Sabi ni Eula, ’Hindi mo alam kung ano ang tinatanggihan mo.’

"Hindi ko kasi alam kung ano ito, e. Hindi ko alam kung ano ang magiging outcome nito para sa akin. Hindi ko alam kung ano ang magiging outcome ng showbiz para sa akin. Kumbaga, lahat, sinubukan ko lang. So, lahat, ang bilis, hindi ako handa. Alam mo yun?

"Kumbaga, hindi mo alam ang bala na ibabaril sa ’yo, yung gano’ng feeling. So, nag-play safe ako na huwag ko na lang gawin."

Natakot ba siya?

"Oo naman! Tao lang ako. Hindi ako lumaking teatro. Hindi ako lumaking nag-workshop sa TV. Wala! Basketball lang ang alam kong gawin.

"Ang iniisip ko, ang tao, kaya nabubuhay ’yan, through curiousity at ’tsaka learning, so infinite lahat yun. So, sabi ko, bakit ko ile-let down yung constant opportunity, ’tsaka yung matututunan ko sa teatro, matanggap man ako o hindi."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Noong unang nakarating sa Tanghalang Pilipino na tumanggi siya, ano ang naramdaman ng mga tao sa CCP sa desisyon niyang yun?

"’Yun na nga, sabi nila, hindi ko raw alam kung ano ang tinatanggihan ko. Tapos, sinasabi nila, ’wag daw akong mag-alala, aalagaan daw ako ng company.

"Noong narinig ko yun, nag-isip na ako. Kasi, kung sila, may nakikita sa akin... Hindi lang naman si Eula ang nagsasabi, e, marami sila... Sabi nila, may nakikita silang potential sa akin, kailangan ko lang daw i-develop, kailangan ko lang ilabas...

"So, kung naniniwala sila sa akin, ngayon siguro, maniniwala ako sa sinasabi nila, at ang igaganti ko sa kanila ay pag-aaralan ko na lang mabuti kung ano ang dapat kong gawin."

ACCEPTING THE ROLE. Paano siya nagbago ng kanyang desisyon: from "no" to "yes"?

"’Yun na nga, ayoko naman kasing... basta lumabas na lang ang desisyon na yun."

Hindi naman ba siya napilitan dahil girlfriend nga niyang si Eula ang bida ng nasabing comedy musical play?

"Ah, hindi naman," aniya. "Labas yung personal namin ni Eula sa mga ganitong desisyon ko sa career. Iba yung maibibigay ng teatro, e, iba yung maibibigay nito, e. Yun nga lang, ang bayag ko, hanggang leeg talaga, kailangan ko pang tumalon para bumaba! Hahaha!

"Sobrang tensiyon talaga!" bulalas ni Rocky.

Hanggang sa finally ay tinanggap na nga ni Rocky after all ng alinlangan at takot sa pagganap sa nasabing role. Ano ang reaction ng Tanghalang Pilipino nang tinanggap na niya?

"Kaya ko naman daw pala," sagot niya. "Kailangan ko lang pag-aralan daw at kailangan kong maniwala sa sarili ko. "

Wala ba siyang tiwala sa sarili niya?

"Lumaki kasi akong hindi ako guided na, ’Ito yung talent mo!’ Lumaki kasi akong, trabaho. Family. Kapatid. Nanay. Yun lang. Labas sa akin ang ganitong mundo.

"Kahit sa modeling, hindi ko alam na magiging model ako. Hindi ko alam na magiging artista ako. Wala talaga! Noon, ang dream ko lang ay maging part ng Philippine team ng football o basketball.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kasi, yung mother ko, national football player. Soccer player. Lumaki akong yun ang nakita ko so yun ang gusto ko. Softball [player] pa yung si mama, marami... Very athletic si mama, du’n ako naka-focus palagi, tapos, nu’ng na-injure ako, nabago na lahat...

"Mga sumunod na taon, doon na ako nagsimula sa modeling," pagtatapos ni Rocky.

Ang ZsaZsa Zaturnnah Ze Muzikal ay kuwento ng misadventures ni Ada, isang bading na beauty salon owner na nagta-transform sa isang sexy superhero na si ZsaZsa Zaturnnah na sasagip sa masasamang kalaban ng kanilang bayan.

Mula sa novel ni Carlo Vergara, ang nasabing play ay mula sa direksiyon ni Chris Millado. Kabilang rin sa cast sina Kalila Aguiluz, Wilma Doesnt, among others.


Para sa tickets, tumawag sa CCP Box Office (tel. 832-3704) at TicketWorld outlets nationwide (891-9999). Call Tel. No. 832-3661 or 832-1125 local 1620/1621.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN