Mario O’ Hara’s film, Bagong Hari, which was X-rated in 1986, gets special screening at the CCP


For the 7th edition of Cinemalaya, Mario O’Hara will direct a historical biopic titled Henerala, which will depict the life of national hero Gabriela Silang.


Maraming pangyayari na masasabing hindi inaasahan, ugnay sa pagpapalabas ng Bagong Hari ni Mario O’Hara, noong 1986, nang una itong ma-release sa commercial theaters, at nang ipalabas ito ulit ngayong 2011.

Ang pelikula ay isa sa napili ng SOFIA (Society of Filipino Archivists for Film) na bigyan ng kaukulang tribute, by way of a special retrospective screening, noong Sabado, March 12, sa Tanghalang Manuel Conde (Dream Theater) ng Cultural Center of the Philippines.

Noong Enero 1986 unang pinalabas sa mga sinehan ang nasabing obra ni O’Hara, ngunit hindi ito ang orihinal na petsang naitakda. Ito ay dapat pinalabas sa unang pagkakataon noong Disyembre 1985, bilang entry sana sa taunang Metro Manila Film Festival, na noo’y nasa ika-11 na taon.

Ang dahilan ng hindi pagkatuloy, bilang MMFF ’85 entry ng Bagong Hari, ayon kay O’Hara ay, "Na-[rated] X ng censors ang pelikula. Kailangang baguhin ang ending."

Ngayong 2011, naitakda ng SOFIA ang retro screening noong March 5, 2011. Pero sa hindi inaasahang kadahilanan, nagkaroon ng technical glitch sa venue na pagtatanghalan. At hindi lang sa Dream Theater nagkaroon ng problema, kundi sa iba pang CCP venues, dahil nagkaroon diumano ng short circuit, o may pumutok na transformer or something; in short, problemang teknikal, na agad ding nalutas.

Last Saturday, March 12, in-screen muli ang Bagong Hari ni Mario O’Hara, na mula sa panulat ni Frank G. Rivera, at nagbida, bilang inilunsad na aktor (action star) si Dan Alvaro, kasama sina Joel Torre, Carmi Martin, Perla Bautista, Robert Arevalo, Ruel Vernal, Toby Alejar, Glaiza Heradura, Vangie Labalan, actor-directors, Celso Ad Castillo at Joel Lamangan, at ang yumaong TV host at socialite, Ms. Elvira Manahan.

Sa mga nabanggit na artista at direktor, nakadalo sa special screening sina Dan Alvaro, Ms. Perla Bautista, at Robert Arevalo. Kabilang sila sa mga nagpasaya kay Direk Mario, sa panahon ng mga pag-aatubili at walang katiyakang pagtugon sa mga kaganapan, bilang committed artist sa industriya ng pelikulang Pilipino.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

AGE-OLD PROBLEM WITH CENSORSHIP. Madaling matukoy kung bakit nagka-problema ang Bagong Hari sa sensura noong mga panahong ’yon.

Una, isa itong violent film, at ang pagpapakita ng graphic violence (o tulad din ng pagpapakita ng "graphic sex" scenes) sa mga pelikulang lokal ay malinaw na dahilan para ma-disapprove ang pagpapalabas ng pelikula sa mga sinehan.

Ikalawa, may kuwento ang Bagong Hari, na bagama’t kathang-isip ng sumulat, ay tumutukoy sa tunggalian ng mga puwersang pulitikal sa lipunang Pilipino; na ang mga may-kapangyarihan (gobernador, alkalde, among others) ay naisalarawan sa isang paraang hindi positibo (ganid sa kapangyarihan, may mga private armies, mahilig sa "ostentatious display of wealth", atbp.), bagama’t may "bahid-katotohanan," saanmang anggulo tingnan.

Ikatlo, ang kahirapan ng buhay-Pilipino ay walang tinutukoy na katubusan. Ang bidang tauhan, si Addon Labrador (Dan Alvaro), ang kanyang batang kapatid (Glaiza Heradura), at maysakit na ina (Perla Bautista) ay nakasadlak sa kahirapan at kaapihan na hindi nila kagustuhan.

Action film ang Bagong Hari, kaya ipinakitang mahusay si Addon sa mga labanang pisikal, mula sa manu-manong suntukan, hanggang sa mala-wrestling na balian ng mga buto, at hanggang sa todo-patayan na, sa pamamagitan ng iba’t ibang sandata: bakal, balisong, at armalite.

Ang husay ni Addon sa labanan ang siyang ginamit ng mga malalakas na puwersang may salapi at kapangyarihan, kabilang ang anak (Joel Torre) ng gobernador (Elvira Manahan) na mayroong corrupt henchmen (Joel Lamangan and Robert Arevalo), na kalaban ng alkalde (Celso Ad Castillo) at private armies nito.

Sa umpisa’y nakatulong ang pananalo ni Addon sa isang madugong sagupaan, para maipa-ospital ang ina na nagkaroon ng ovarian cyst. Pero ang kumplikasyon ng pangyayari ay tungo sa kapahamakan, dahil si Addon ay anak sa labas ng isa sa mga henchmen na kalaban ng alkalde. Sa isang misyon para sa alkalde, si Addon mismo ang naatasan, bilang sniper, na "pumatay" sa sariling ama.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Na ang pagkalas sa samahan, dahil sa konsensiya, ay wala sa usapan. Tinugis pa rin siya ng anak ng gobernador, na katunggali niya, bilang pagtatanggol sa ex-girlfriend (Carmi Martin) na live-in partner ng abusive governor’s son.

Nang mapatay ni Addon at ng character ni Carmi ang anak ng gobernador, ang alkalde ang napagbintangan; iniutos ng gobernador na ito naman ang patayin ni Addon. Natapos ang pelikula sa pamamagitan ng pag-freeze sa mukha ng woman-culprit, at sa larawan ni Addon, na pinaulanan ng mga bala, tanda ng pagbabayad nito sa naging mga sala.

REDEEMING FACTOR. Sabi ni Direk Mario O’Hara, matapos ang screening, "Siguro, kasi, walang redeeming factor [daw], kaya nga na-X ang pelikula. Hindi namatay si Dan Alvaro, sa original na ending, e, kailangan daw mamatay. So ’yun ang dahilan."

Itinanghal ang Bagong Hari, humigit-kumulang isang buwan bago naganap ang People Power Revolution, sa EDSA (na nagluklok kay Mrs. Corazon C. Aquino, bilang bagong Pangulo ng Republika ng Pilipinas)

Samantala, ang orihinal na ending ng Bagong Hari, na ipinalabas din sa Dream Theater noong March 12, ay kaiba sa naipalabas sa mga sinehan noong 1986. Ipinakita dito, sa isang maikling eksena, na ang bidang tauhan ay namundok (suggesting sa pamamagitan ng hanging bridge at bulubunduking kinaroroonan nila ng batang kapatid; at posible ang pag-anib din niya sa kilusan ng maka-kaliwa, o left-wing).

Bago mag-EDSA Revolution, mayroon na ring itinatag na MTRCB o Movie and Television Review and Classification Board, simula noong October 1985, sa pamamagitan ng isang Presidential Decree ng dating Pangulong Ferdinand Marcos. Mayroong mga naitalagang miyembro ng board, mula sa industriya, sa pamumuno ng direktor at ngayo’y National Artist for Film, Eddie Romero.

Bagama’t may bagong decree, tila ito pa rin ang Censors’ Body (BRMPT) na pinamunuan ni Maria Kalaw Katigbak, na naging mahigpit na katunggali ng yumaong direktor at kaibigan ni Direk Mario na si Lino Brocka. Remember, the controversy sa pagkaka-ban ng Kapit Sa Patalim (Bayan Ko) nina Lino Brocka at screenwriter, Jose Lacaba, na humantong pa sa Supreme Court?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero, ugnay sa Bagong Hari, na ni-review ni Eddie Romero, sabi ni Direk Mario, "Walang kinat [o pinutol na eksena] si Mang Eddie. Basta, pinabago lang yung ending. Buti nga, walang [ipinadagdag na epilogue]... na ’sumali sila sa Bagong Lipunan at sila’y naging mabuting mamamayan...’

"’Yun ang uso noon, sa pelikula, e. Inilalagay sa ending yung nangyayari sa mga tao [left-leaning characters man o simpleng maton na mamamatay-tao]," pagbabalik-tanaw din ng direktor.

MR. AND MRS. MARCOS. Hindi naiwasang matanong si Direk Mario tungkol sa naging sitwasyon ng pagkakagawa niya ng Bagong Hari, ugnay sa pamumuno noon ng dating Pangulong Ferdinand Marcos, na mayroon powerful First Lady na si Imelda Romualdez-Marcos.

"Unang-una, I never identified anybody [in the film]," tugon ni Direk Mario. "So, there was no problem. I never had a problem with the Marcos administration..."

Si Imelda Marcos ba ang nasa isip nina O’Hara at ng writer niya na si Frank Rivera nang mag-create sila ng tauhan na tulad ng Gobernadora, na ginampanan ni Elvira Manahan, ang yumaong TV host (GMA-7’s Two For The Road, with Nestor U. Torre) at socialite-mother ng ABS-CBN at Star Magic head, Johnny "Mr. M" Manahan?

"I think [she had] the glamour of Mrs. Marcos," malinaw na pagtukoy ni Direk Mario. "Siyempre, hindi ba napakagandang tingnan, na yung public official ay maganda? So, siguro, unconsciously, naisip ko na i-cast si Mrs. Manahan because of Mrs. Marcos."

ELVIRA MANAHAN AND HER JEWELS. But without such "iconic" reference, maganda ang kabuuang impression ni Mario O’Hara kay Elvira Manahan kaya napili niya itong i-cast sa Bagong Hari.

"Madali naman ’yun, e. Kausapin mo lang [siya], sabihin mo yung gagampanan niyang role, basta substantial," ani Direk Mario. "Lumalabas din naman siya sa TV, and sa movies..."

Before appearing in Direk Mario’s film, Elvira Manahan was cast in Lino Brocka’s Burgis (1980), bilang socialite mom ng spoiled brat son niyang si Gabby Concepcion. In one hilarious sequence, Ms. Elvira had to bribe the school dean (Subas Herrero) para ipasa ang kanyang anak, by offering him a piggery!

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

At ang nakaka-aliw na kuwento ni O’Hara tungkol kay Ms. Elvira:

"I was so worried pag siya ang nasa cast," ani Mario O. "Kasi, ang gaganda ng jewels [niya], nasa hundred thousand [pesos]! E, wala kaming security [sa set]. Natatakot ako, na mag-isa siyang umuuwi, wala siyang kasama, driver lang.

"Kaya, sinabihan ko siya, ’Elvira, ’wag kang magdadala ng mga alahas masyado... Fancy-fancy na lang muna...’ E, ang mga isinusuot niya, puro totoo!"

MORE ANECDOTES. Nag-share din ng kani-kaniyang personal anecdotes, sa pakikipag-trabaho nila kay O’Hara, o pagsu-shooting ng Bagong Hari, ang iba pang artista ng pelikula.

Tulad ng veteran actress na si Perla Bautista, na sa isang eksena ay tumalon mula sa rooftop ng mataas na building, para magpatiwakal na udyok ng prinsipyo (anak niya sa labas si Addon; ang tatay ay isang makapangyarihang kanang-kamay ng gobernadora, na mismong anak ang naatasang pumatay).

Sabi ng aktres, "Ayokong magpa-dobol, kasi mataba ako, maliit yung dodobol sa akin. Five o’clock namin ginawa yung eksena, sa UDMC (United Doctors’ Medical Center) building; madulas ’yon, puwede akong gumulong pag talon ko. Nang pauwi na ako, doon ko na-realize na puwede akong gumulong pababa... doon ako nanginig! Nasa kotse na ako, pauwi, do’n ako nanginig nang araw na ’yon!

"At saka, yung eksenang inapi ako sa morgue," kuwento pa ni Ms. Perla. "Inalis lang yung patay, at inihiga ako do’n. Tapos, yung naghukay [at inilibing ang character, by the roadside], na nalalagyan ako ng lupa...

"Direk, ang galing mo! Kaya ko palang gawin ’yon!" wika ni Ms. Perla, sa natutuwang veteran director.

"Brutal bang masyado?" tanong ni O’Hara.

"Hindi, Direk! Gagawin ko, para sa ’yo," sagot ni Ms. Perla.

Also, isa pang premyadong veteran actor, si Robert Arevalo, nagsabing, "Alam n’yo, kahit kailan, hindi ako naguwapuhan sa sarili ko. ’Yun pala, ’pag bata ka nang konti, e, guwapo [ka] rin! Kaya magandang manood ng [ng mga lumang] pelikula..."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

FILM THROWN INTO THE RIVER. Ganito rin ang tinukoy ng lead actor na si Dan Alvaro nang pagsalitain ng mga manonood. "After 26 years, natutuwa rin ako, dahil bata pa tayo diyan, napapanood pa rin natin, kahit matagal-tagal na..."

May rumor (harmless man o hindi) na ang original prints ng Bagong Hari (o ang master negatives nito) ay itinapon ng producers ng Cineventures Films, of all places, sa Pasig River!

Direk Mario averred, "Ngayon ko lang narinig ’yan, ah. Siguro, merong problema na hindi sinabi sa akin [ang mga executive producers)] so pinabayaan ko na lang. ’Tapusin na lang natin yung film...’."

PR-columnist at publicist, Dennis Adobas, in turn said, "Ako ang nag-organize ng buong production; I got a producer for Mario O’Hara... the launching movie of my ward [then], Dan Alvaro, to action stardom. So, lahat ng kaya kong gawin, ginawa ko. But something happened along the way, which was too personal, at hindi ko na puwedeng sabihin. So, nag-hands off na ako sa project.

"Tungkol sa sinabing hinulog sa Pasig river ang mga prints, wala akong alam doon at hindi ko gawain yon!" dagdag ni Adobas, na ikinatawa ng audience.

"Ang masasabi ko lang, I was happy nung napanood ko yung finished product, dahil napakaganda. At yung na-envision kong magandang resulta ng pelikula ay nabuo, na-fulfill. Hanggang doon na lamang, at maraming salamat."

STRONG FEMALE CHARACTERS. New indie writer-filmmaker Eman Dela Cruz observed na ang mga tauhang babae sa mga pelikulang sinulat at dinirek ni Mario O’Hara ay malalakas o ma-puwersa; strong women characters, tulad nina Perla Bautista at Carmi Martin, sa Bagong Hari (1986); o sina Hilda Koronel, sa Insiang (1976); Hilda at Anita Linda, sa ’Hellow Soldier’ episode ng Tatlo, Dalawa, Isa (1974) ni Lino Brocka.

Likewise, puwedeng mabanggit ang mga tauhang ginampanan ni Nora Aunor, sa Tatlong Taong Walang Diyos (1976), Bulaklak Sa City Jail (1984), and Bakit Bughaw Ang Langit? (1981), among other Mario O’Hara opuses.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Oo, kasi, mga taga-Pasay ’yun, e," biro pa ni Direk Mario. "E, itong mga pamangkin kong babae (Janice and Denise O’Hara, both scriptwriters, for ABS-CBN), ang tatapang niyan!"

Walang kongkretong paliwanag ang premyadong direktor sa naturang obserbasyon, bukod sa pagbanggit din ni O’Hara ng mga natatanging eksena sa Bagong Hari, na aminado siyang noon lang niya napanood, sa kabuuan.

"I like that scene na... labanan ng inuman nina Carmi Martin at Dan Alvaro. "

In that scene, ipinakitang malakas uminom ng beer si Carmi.

"That wasn’t original, I think. Kaya lang, sa Pilipino [movies] wala pa tayong ganong klaseng eksena."

How did Direk Mario end up directing Joel Torre who was then a new and fast-rising actor at that time?

"Oh, yes, he was working for Peque Gallaga that time; I was doing ... Maruja (Lino Brocka’s 1978 version of Gumising Ka, Maruja, for Susan Roces’ Rosas Productions), and he was working, as AD (assistant director). I even told Lino, he was good..."

Mula noon, marami nang naging landas sa propesyon ang mga binanggit ni Mario O’Hara, kasama man o hindi sa Bagong Hari.

On his part, committed pa rin si O’Hara sa paggawa ng mga pelikulang makabuluhan, na malaki ang maibabahagi sa pagkatuto ng mga kabataang mag-aaral. Ito ngayon ang wari’y advocacy niya, tulad ng paggawa niya Ang Paglilitis Ni Andres Bonifacio para sa nakaraang 2010 Cinemalaya Filmfest (Directors’ Showcase).

At ngayong Hulyo 2011, sa ika-7 taon ng Cinemalaya Filmfest, para din sa naturang kategorya, ay nakatakdang gumawa si O’Hara ng isa pang historical biopic, ang Henerala, na tungkol sa buhay at kabayanihan ni Gabriela Silang, ang maybahay ng isa ring bayani ng Ilocandia, si Diego Silang.

Nagkausap na diumano sina Direk Mario at Katherine Luna, ang nadiskubre niyang aktres, via Babae Sa Breakwater (2004) na siyang magiging ’Henerala’ Gabriela Silang.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN