Patikul depicts the struggle for education amidst armed conflict in Mindanao


In the Cinemalaya entry Patikul, Marvin Agustin (left) plays the self-sacrificing principal of an elementary school in Mindanao while Allen Dizon plays a father who will do everything to ensure that his son will get the education that he needs.


Marami nang napanalunang award si Joel Lamangan, bilang direktor, pero ang latest ang una niyang parangal, bilang digital indie filmmaker.

Nanalo siyang Digital Movie Director of the Year, para sa Sigwa, sa Star Awards for Movies ng PMPC (Philippine Movie Press Club) noong June 21.

"Maraming salamat. Ito po ang una kong award, bilang direktor, sa isang digital movie," banggit ni Direk Joel sa kanyang acceptance speech sa naturang awarding na ginanap sa Resorts World Manila. "Iniaalay ko rin po ito sa lahat ng mga nominated directors. Mahuhusay po silang lahat. Bagay po sa kanilang lahat ito."

At lubos na pinasalamatan ni Direk Joel ang lahat ng may kaugnayan sa pelikulang Sigwa, na naging kalahok noong isang taon, sa Cinemalaya Filmfest 2010, Directors’ Showcase category.

Hindi niya nakalimutang banggitin ang kanyang mga producers, Stanley and Pelita Peralta Uy ng Beginnings at Twenty-Plus, Sineng Totoo Prods. & Star Express, at ang buong cast ng pelikulang may kuwentong tumalakay sa mga kaganapan sa panahon ng Martial Law (early ’70’s) at ang naging epekto niyon sa ilang kabataang mag-aaral na nagtaglay ng ideolohiyang "left-leaning" (o laban sa pamahalaang Ferdinand Marcos).

"Kundi dahil sa kanila, hindi mabubuo ang pelikula," ani Joel. "Kundi dahil sa aking pakiusap na sila’y sumama sa isang pelikulang bagama’t walang gaanong kita, ay magagawa, dahil sa pagtutulong-tulong nila, na naniniwala sa sinasabi ng pelikula.

"Puwede ko pong i-mention lahat sila: Tirso Cruz III (himself an honoree that night, as best supporting actor), Zsa Zsa Padilla, Pauleen Luna, Megan Young, Lovi Poe, Jim Pebanco, Allen Dizon... sina Gina Alajar, Marvin Agustin at Dawn Zulueta.

"At ang mga nasa likod po nito: si Monino Duque (cinematographer), Dennis Evangelista (line producer), Egay Littaua (production designer); ang akin pong mga crew.. kundi po dahil sa kanila ay hindi ko po magagawa ang pelikula..."

Ang unang pananalo ni Joel Lamangan ng best director award ay mula rin sa Star Awards for Movies ng PMPC, taon 1995, para sa pelikulang Pangako Ng Kahapon (1994) ng Viva Films.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

PATIKUL. This year, kasali uli si Joel Lamangan, sa 7th Cinemalaya Philippine Independent Film Festival and Competition (Director’s Showcase), sa pamamagitan ng isang socio-political drama tungkol sa masalimuot na sitwasyon ng mga Pilipinong Kristiyano at Muslim, sa katimugang (south) bahagi ng Pilipinas.

"Patikul is the name of a town in Sulu, ravaged by the war in Mindanao," sabi ni Direk Joel sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kamakailan.

"It’a about the people in the South; the children being deprived of having education because of the war between the military and Muslim rebels [the dreaded Abu Sayyaf], while the parents do not have any choice because ayaw na ng mga teachers na magturo.

"So, the parents united in order to defend the rights of the children for education. They got teachers from Manila, para lang magtuluy-tuloy ang pag-aaral ng mga bata.

Kumpara sa Sigwa at Deadline, with its heavy political undertone, Patikul is more of a "social film."

"It’s also political," sabi rin ni Joel. "It’s only the treatment that’s different. But we presented the truth; kung ano ang nangyayari ngayon sa south, sa Mindanao."

ADVOCACY FILM. Bukod sa pagdidirek ng mainstream commercial movies at teleseryes, nakikilala rin ngayon si Joel Lamangan sa pamamagitan ng kanyang so-called "advocacy" films, o independently-produced digital movies.

Kabilang dito ang mga obrang Dukot (2006), about extra-judicial killings; Sigwa (2010), on the First Quarter Storm; Deadline (2011), about abduction and murder of journalists and media people; at itong latest, Patikul (2011), a story about resiliency and the struggle for literacy amidst the long-standing conflict in Mindanao.

Ang screenplay ng Patikul ay mula kay Kristoffer Brugada, first-prize winner ng 2010 Don Carlos Palanca Memorial Award for Literature (Full-length screenplay category).

May pakikipanayam ang PEP kay Kristoffer, sa pamamagitan ng e-mail, hinggil sa mga problema o isyung tinatalakay sa kuwento ng Patikul.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Paano tinalakay ng pelikula ang mga isyung panlipunan at mayroon bang mga kongkretong solusyon sa mga ito?

"Karamihan sa mga eksenang isinulat sa script ay base sa totoong buhay. Galing ito sa mga dokumentaryong ginawa namin noon, at talagang naganap sa tunay na buhay. Ito siguro ang paraan kung paano namin in-address iyong isyu, sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga totoong pangyayari, gaya na lamang ng kuwento ng principal (na napugutan ng ulo; played by Marvin Agustin), ang mga pagre-review sa quiz bee, atbp.

"Hindi nagbigay ng konkretong solusyon ang pelikula dahil, tingin ko, gobyerno dapat ang magbigay ng konkretong solusyon sa mga problemang ipinakita namin; gaya ng mga dokumentaryong pinagbasehan namin ng kuwento nito, ang goal ng pelikula ay maipakita ang nakapanlulumong sitwasyon ng mga guro at estudyante sa Jolo, Sulu, sa gitna ng giyera sa Mindanao.

"Sa pamamagitan nito, nais sana ng pelikula na maipakalat sa publiko, at maging sa gobyerno, na marami sa ating mga kababayan doon ang naghahangad ng kapayapaan at mainam na edukasyon para sa kanilang mga anak."


Sa iyong palagay, magiging mainam bang kagamitan ang pelikulang tulad ng Patikul, sa tamang pagsalamin sa mga pang-kasalukuyang kaganapan ng mga minorya at marginalized sectors sa ating lipunan, sa kabuuan?

"Media has always been a powerful tool in presenting situations of the marginalized sectors and minority groups. Marami sa ating mga pelikula noon ang nakapagbukas ng isipan ng mga manonood sa kasalukuyang sitwasyon ng ating bansa, gaya na lang ng mga pelikula nina Lino Brocka (Kapit Sa Patalim), Mike de Leon (Batch ’81 at Sister Stella L.) at Ishamel Bernal (Manila By Night), na lumaban sa martial law noon; ngayon, ang mga pelikula ni Direk Joel Lamangan ang isang paraan na ginagamit natin, para maipakita ang mga isyung kinakaharap natin bilang isang bansa ngayon.

"Sa pelikulang Patikul, nais naming maipakita sa publiko na kailangan nating tulungan ang gobyerno sa pagkakaroon ng isang mapayapang bansa, na tayo mismo, kailangang kumilos at hindi laging iaasa sa gobyerno ang pagbibigay-solusyon sa problema ng Pilipinas.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Alam na nating mahirap tayong bansa, Third World [country] tayo, at marami ang corrupt sa ating gobyerno; kung hindi tayo kikilos, tiyak malulugmok tayo sa kahirapan at kaguluhang kinasasadlakan natin ngayon," ani Kristoffer.

ON-THE-SET LEARNING PROCESS. Ang dalawa sa character actors na sina Jim Pebanco at Gilleth Sandico, ay may mga patotoo sa naging seryosong pag-trato ng lahat sa pagbubuo ng isang makabuluhang pelikula, tulad ng Patikul.

"Meron kaming teacher sa set who taught us the Tausug dialect," sabi ni Jim, na ginampanan ang papel ni Hadik Abubakar, isang amang Muslim na sa karukhaan ay hindi nakayang maipagpatuloy ng anak na si Kahled Abubakar (Jeon Macatangay) ang pag-aaral ng kanyang anak sa Elementarya.

Karamihan sa mga mamamayan ng Patikul town ay mga trabahador sa coffee farm; kape ang pangunahing produkto sa bayang iyon sa Mindanao.

"Mahirap ang salita ng mga Tausug," banggit pa ni Jim hinggil sa liping minoryang isinasalarawan sa pelikula. "Ang ginagawa ko, pinapakinggan ko muna kung paano idini-deliver [ng speech teacher]."

Para naman kay Ms. Gilleth, magandang karanasan ang naging pagsasama-sama ng mga artistang kabilang sa cast; walang malalaki o maliliit na artista sa set.

"Parang laging may camping sa set. Si Glaiza [de Castro, bilang Teacher Elsie Goleta], strike anywhere, kasa-kasama namin, sa camping set, bonding, tabi-tabi kami [sa tent]... tahimik sila, nag-i-internet ’pag walang take; kahit maalikabok, sama-sama pa rin kami..."

Ginagampanan ni Gilleth ang papel ni Yolly Balmes, kapatid na babae ng principal, Michael Balmes (Marvin Agustin), na walang awang pinugutan ng ulo ng mga kumidnap na miyembro ng Abu Sayyaf. Ang kanilang ina, si Mrs. Balmes, ay ginampanan ni Lui Manansala.

Ano ang masasabi nila sa naging pagta-trabaho ng buong cast sa pelikula ni Joel Lamangan?

"Takot sila kay Direk, dahil sobrang serious niya," sabi ni Gilleth, who has found a friend in Jim Pebanco. "Friend ko talaga ’yan; kahit ilaglag niya ako, hindi ko siya ilalaglag. Nahihiya naman ako kay Direk Joel, ang dami kong utang na loob diyan, ang daming ibinibigay na trabaho sa akin. Kaya nang sinabi ng EP [executive producer] sa akin, ’Gilleth, please, i-consider mo [ang role], si Joel [ang magdidirek], wala ka nang choice, ’o, sige...’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"May kahirapan [ang working condition]," ayon kay Jim, "pero kailangang maging madali, kasi laging nagmamadali ito. Pero masasanay ka sa style niya; at dapat masanay, hindi dapat pini-personal..."

MAIN CAST. Bukod kina Marvin Agustin, Jim Pebanco, Gilleth Sandico, Glaiza de Castro, at Jeon Macatangay, ang main cast ng Patikul ay kinabibilangan nina: Allen Dizon, as Amman Al Mutawi; anak niya si Martin delos Santos (Fahad Al Mutawi) at asawa si Dimples Romana (Jamila Al Mutawi).

Ang isa sa mga kaklase ni Fahad, sa Mababang Paaralan ng Kan-Ague (ang elementary school sa Patikul) ay ai Alelie Sharif, na ginampanan ni Angelie Nichole Sanoy. Ang kanyang nanay ay si Ciara Sotto, as Tarhata Sharif.

Ang Principal sa Kan-Ague ay si Sir Michael Balmes, ginampanan ni Marvin; tulad niya, Principal din sa kabilang bayan si Richard Quan (Jun Alejandro).

Ang iba pang teachers sa Kan-Ague ay sina: May-I Fabros (Teacher Millet), Rubi Rubi (Teacher Cora), at Sue Prado (Teacher Myrna Lerios), na kailangang talikuran ang pagtuturo, labag man sa kalooban, matapos mapatay ang kanyang kapatid na lalake.

Sa gitna ng magulong sitwasyon sa Mindanao, naroon ang mga tauhang ginampanan nina Rico Barrera (Taruk, rebelde), Bongjon Jose (Mr. Hadji Milla, ang may-ari ng coffee farm); Allan Noble (army general, pinuno ng mga sundalo); at Benjie Felipe (mayor ng Patikul town).

Bilang advocacy film, may mahalagang mensahe ang Patikul: "Kahit ano’ng mangyari, even amidst violence, we should value education..." sambit din ni Direk Joel.

Magsisimulang itanghal ang Patikul, bilang isa sa apat na kalahok sa Director’s Showcase entry ng Cinemalaya. Gagaganapin ang 7th edition ng Cinemalaya mula July 15 hanggang July 24, 2011, sa mga venues tulad ng Cultural Center of the Philippines (CCP) at Greenbelt 3 Cinema.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN