Brillante Mendoza’s Captive will compete in the 62nd Berlinale


Angel Aquino (left) and French actress Isabelle Huppert (right) in one of the highlights of Brillante Mendoza’s film, Captive.


Ang bagong pelikula ni Brillante "Dante" Mendoza, ang Captive (dating may title na Prey), ay bahagi ng main competition ng 62nd Berlinale o Berlin International Film Festival sa Germany.


Ang pelikula ay Main Competition entry sa BIFF, from February 9-19, 2012.


Kasama ni Direk Brillante na dadalo sa prestihiyosong international filmfest ang kanyang screenwriter na si Boots Agbayani Pastor.


Bida sa Captive ang French actress na si Isabelle Huppert; kasama ang ilan pang award-winning Filipino actors, tulad nina Ronnie Lazaro, Raymond Bagatsing, Sid Lucero, Angel Aquino, Rustica Carpio, Mon Confiado, among many others; at mula sa teatro, sina Che Ramos at Bea Garcia.


Ang kuwento ng Captive ay tumatalakay sa issue tungkol sa rampant kidnapping ng mga Pinoy civilians [and some military personnel] at mga dayuhan (foreigners), by the dreaded Muslim rebel group, ang Abu Sayyaf.


Ugnay naman ang issue sa malaon nang suliranin ng pamahalaan, hinggil sa hindi-matapus-tapos na giyera sa Mindanao, sa pagitan ng mga Muslim Abu Sayyaf at mga sundalong Pilipino.


"I’m happy. Nag-paid off lahat ng hard work," masayang banggit ni Direk Brillante sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).


"Ang mga artista, mga staff (ng Captive), they’re all very committed... they really gave their all!"


Ayon kay Direk Dante, nakipag-trabaho siya sa humigit-kumulang na dalawang daang artista at mga tauhan ng produksiyon sa bago niyang pelikula.


Samantala, kulang-kulang na 50 aktor at aktres ang kasali sa principal at minor cast ng Captive.


"So far, it’s my biggest film," sabi pa ni Direk Brillante.


LESSONS LEARNED. Ano ang mga makabuluhang aral sa buhay at sa pagtugon sa propesyon niya ang natutunan ni Brillante Mendoza sa paggawa ng isang three-and-a-half-hour film, na bago sa talaan ng kanyang mga likha, o filmography, bilang isang filmmaker?


"Marami. Every project (for me) is a learning experience," sabi niya.
"Natututo tayo, sa mga artista, mga staff... hindi ka naman talaga titigil sa kung papa’no ka gagawa nang mas maayos at maganda, everytime you make a film.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


"Natutunan ko ’yung mag-handle ng napakalaking production, ng napakaraming artista."


Ang Captive ay nabuo sa loob ng isang buwan (principal photography), noong January, 2011.


Undisclosed ang set nito, dahil maselan ang subject matter, at walang media coverage, upang protektahan ang pangunahing aktres at iba pang mga dayuhang aktor na kasali sa pelikula.


Nang matapos, natagalan ito sa post-production, dahil sa haba ng running time.


Sa abroad din ito kinailangang lapatan ng tunog at iba pang elementong nais ni Direk Brillante, sa ikagaganda ng pelikula, na isang Filipino-French co-production.


"Of course, [of] international calibre ito, kasi I’m dealing with international actors and producers.


"So, ang learning ko, kaya natin [ang ganitong malaking pelikula], kung talagang pipilitin.


"At ang mga Filipino actors, they can really work, kahit kanino pa man (sila isama)," sabi pa ni Direk Brillante.


May katotohanan ang kanyang punto, lalo sa kasalukuyan, na mismong isang Hollywood production, ang The Bourne Legacy, ang isinu-shoot sa bansa, with Filipino actors (Madeleine Nicolas, Ermie Concepcion, Lilia Cuntapay, among others) in the cast.


HOSTAGES SPEAK OUT. Hinggil sa proseso ng pagkakasulat ng kuwento at dulang pampelikula ng Captive, nakapanayam din ng PEP ang may akda, o screenwriter ng big-budgeted "indie" film, si Butch Agbayani Pastor.


"Walong beses kong ni-revise [ang script]," bungad ni Butch. "Ang daming changes, revisions; ’idagdag ito, tanggalin ’yan...’


"Kasi, unti-unting dumating ’yung information, e. Hindi namin nakuha agad ’yung mga information (about the subject) nu’ng umpisa.
"Tapos, nu’ng naisulat na, may mga dumating na naman, kaya may constant updating kami," sabi rin ni Butch.


"’Yung mga [naging] hostages dati, nang nabalitaan nila na gagawin ang pelikula, about their experiences, lumabas sila at nagsalita. Nag-come out sila!"


Nagka-trababo na rin sina Direk Brillante at Butch Pastor, sa mga unang obra ng Cannes Filmfest ’09 award-winning director, tulad ng Masahista (2005), Brillante Mendoza’s debut feature; Kaleldo (2006), at pangatlo, sa Captive (2012).

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


Ang unang pelikula ni Mendoza, na naging Main Competition entry sa Cannes, noong 2008, ang Serbis, ay inumpisahan ding sulatin ni Butch Pastor, ngunit tinapos ni Armando "Bing" Lao, a multi-awarded screenwriter-director.


Si Bing Lao din ang may akda (screenwriter) ng Kinatay (2009) na nagpanalong Best Director kay Brillante Mendoza, sa 62nd Cannes International Film Fest noong 2009.


Mahalaga ang naging collaboration nina Direk Brillante at dalawa niyang manunulat na nabanggit.



For one, si Bing Lao, sa kanyang film manual at writing workshops, ang nag-introduce ng mga kuwentong kung tawagin ay "ostensive" o true-to-life based; na ngayo’y collectively termed as "found stories."



Ang Captive, pagsang-ayon din ni Butch Pastor, ay isang "ostensive" material, na marami ding inputs ang nagmula kay Lao.
"After nang first edit ng film, nag-consult kami kay Bing," pag-inform din ni Butch.


"Meron siyang mga suggestions, comments, na kinunsider namin. Worth considering ang mga ’yon; totoong may weight."


CAPTIVE’s CHANCES WHEN SHOWN LOCALLY. Gaya nang nakagawian, unang ipapalabas abroad (through the Berlinale), ang Captive, bago ito i-premiere sa ating bansa; o kung sakaling magkakaroon ng commercial theatrical run.


Hindi lahat ng mga pelikula ni Brillante Mendoza ay nagkaroon ng regular run, sa local theaters, but he’s hopeful with Captive.


"Well, hopefully, yung suporta ng mga manonood, particularly, mga estudyante (sa Pilipinas), makuha namin," saad ni Brillante.
Pero matapat ang premyadong direktor sa pagsasabing hindi ang malaking kita sa box-office ang kaniyang pangunahing layunin sa paggawa ng pelikula.


"For personal reasons, na hindi para maraming manood lang," sambit ni Direk Dante.


"Sa akin, lahat ng na-achieve ko, hindi personal, e. Kung ano’ng na-achieve ko, gusto ko ma-achieve din ng ibang Filipino filmmakers.
"Na kung ano ang na-achieve ko, puwedeng mangyari din sa kanila.
"So nagpe-pave way lang ’yung mga ginagawa ko.


"Kaya gusto ko ding maraming manood sa pelikula, para sa ibang independent filmmakers.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Hindi ’yung parang kinu-commercialize ko (ang pelikula ko). It’s not that.

"Kaya, lately, ang ginagawa ko, nagre-reach out ako sa mga estudyante, pinapapanood ko sila, para lalo nilang ma-appreciate ang alternative cinema.


"Pag maraming estudyante ang manonood, ibig sabihin, may mangyayari sa ginagawa ko.


"At the end of the day, gusto mong may (magandang) resulta ang mga ginagawa mo.


"Natutuwa ako dahil kahit papa’no, may nangyayari sa mga ginagawa kong sakripisyo," seryosong sambit pa ni Direk Brillante.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN