Nora Aunor to star in Brillante Mendoza film with Lovi Poe and Bembol Roco


PHOTO BY WILLIAM REYES

Hindi inaasahan ni Nora Aunor na magiging masaya at fulfilling para sa kanya--at sa mga dumalong fans--ang natuloy na niyang guesting sa programang Moments ng Net 25.

"Ang galing-galing ni Gladys [Reyes]! Hindi ko ine-expect; ang saya-saya [niyang mag-host]!" ani ng Superstar ng makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) matapos ang taping ng programa.

"Sanay na sanay siya [sa paghu-host]... nakakatuwa naman," pansin pa ni Ate Guy sa pagiging "hasa" o seasoned talk show host ng nakilalang kontrabida sa mga teleserye at pelikula.

Naganap ang taping ng nasabing talk show noong March 8 sa Studio ng Net 25 na nasa loob ng New Era College ng Iglesia Ni Cristo (I.N.C.) sa Diliman, Quezon City.

Muling sinuportahan ang guesting ni Nora Aunor ng mga representative officers and members ng iba't ibang fans clubs ni Ate Guy; partikular ang GANAP at Federation of Nora Aunor Followers, na ngayo'y Nora Aunor Worldwide na raw ang collective name.

Sa guesting ni Ate Guy ay kasama rin niya sa studio ang kanyang personal manager (Boy Palma) at fans club coordinator na si Albert Sunga. Magiliw ang lahat ng staff at iba pang kaugnay sa produksiyon ng Moments sa guesting ng superstar.

Matapos ang March 8 taping ni Nora sa Moments ay naging abala na rin siya sa ilang pangangailangan, hinggil sa gagawin niyang pelikulang ididirek ni BrillanteMendoza.

Ayon sa PEP source, nakapag-workshop na si Ate Guy kasama ang ilan sa magiging co-stars tulad nina Lovi Poe, Mercedes Cabral, at Bembol Roco. Sa April 15 ang simula ng shooting ni Nora para sa indie film na may working title na Thy Womb.

Dumalo rin si Nora Aunor sa Golden Screen Awards ng Enpress noong Sabado ng gabi, March 24, sa Teatrino, Greenhills. Recipient ang Superstar ng Gawad Lino Brocka Lifetime Achievement Award.

Nakatakdang ipalabas sa April 28 at May 5 ang two-part episode ng Moments, hosted by Gladys Reyes, with Nora Aunor as special guest. Ipapalabas ito sa Net 25 at 7 p.m.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

DRESSING ROOM "TSIKA" WITH GLADYS. Bago magsimula ang taping proper ay nadatnan ng PEP.ph sina Gladys Reyes at si Nora Aunor habang mine-make up-an.

Sa pagsipot ni Nora, finally, ay napawi na ang lahat ng sama ng loob at issue sa parte ng Moments at ng actress-host nito.

Nauunawaan naman daw ni Gladys ang mga problema sa parte ng artista na nais i-guest, at ng production staff.

Halos hindi matapos ang pagme-make up sa dalawa, dahil maraming pumapasok sa dressing room, na gustong mabati at makapagpakuha ng picture with Guy and Gladys.

Okay lang naman sa Moments host na hindi sila magkaigi ni Ate Guy sa pagpapa-make-up, dahil sa mga kaibigang na-excite sa hindi pang-karaniwang pagkakataon sa programa.

"O, sige, sige, 'moment' niya 'yan, with Ate Guy," pagpayag pa ni Gladys sa mga request ng pagpapa-picture kasama ang Superstar.

At maging si Gladys, tuwang-tuwang makasama sa picture-taking si Nora. Hindi pa siya naka-heels sa dressing room, kaya magkasing-height lang pala sila ni Ate Guy!

"Pareho kaming long-legged, ha!" biro ni Gladys, na sinesegundahan ni Nora, mula sa dressing room hanggang sa interbyuhan nila sa studio.

"SAMPALAN" SCENE WITH ATE GUY. Bago magsimula ang taping proper ng Moments nang bandang alas-sais ng hapon ay nakapanayam ng PEP.ph si Ms. Gladys.

Nakasama na ba ni Gladys si Ate Guy in the past?

"Hindi pa po [kami nagkasama], pero gumanap po akong young Dina (Bonnevie), sa Tinik Sa Dibdib, isa pong pelikula ko noon. Yun lang. Never pa [kaming nagka-eksena ni Ate Guy]" pagbabalik-tanaw ni Gladys.

Taong 1985 nang gawin ni Nora ang Tinik sa Dibdib under Viva Films, sa direksiyon ni Leroy Salvador; bata pa nga noon si Gladys Reyes.

Maging sa television soap ay hindi pa rin daw nakasama ni Gladys ang Superstar.

"Hindi, e. Nag-Spotlight [GMA-7 drama anthology] ako noon, pero hindi ko nakasama si Ate Guy. Never pa akong nagkaroon ng chance," sabi rin ni Gladys.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Siyempre, iba talaga pag nakasama mo si Nora," aniya pa. "[At] yung mga poste talaga ng industriya, like, of course, [aside from Nora] si Ate Vi [Vilma Santos], Sharon [Cuneta], Maricel [Soriano], Lorna [Tolentino]...

"Si Lorna, nakasama ko na po. Of course, si Maricel. Si Sharon... 'Ninang' Sharon namin 'yun, sa wedding," banggit pa ni Gladys, who is married to actor, Christopher Roxas [Jean Christopher Sommereux in real life].

"Siyempre, looking forward tayo," banggit din ni Gladys.

"Sabi ko nga, pag tinatanong ako, 'Sino pa ba yung gusto mong sampalin [sa pelikula o TV drama]?'

"Sampalin, in a way, na gusto kong maka-eksena, na may 'sampalan' scene... Siyempre, [dahil] hindi rin naman kami nagkakalayo ng height, ang gusto kong maka-eksena ay si Ate Guy!"

Natawa si Gladys pagkabanggit dito.

"Pero, siyempre," pasubali din niya, "magagalit sa akin ang Noranians!

"Siguro, first time na mandadaya ako ng sampal 'pag si Ate Guy ang ka-eksena ko!"

But, knowing Ate Guy, hindi siya papayag na "dayain" ang eksenang sampalan!

Sa interview proper, nang mapag-usapan ang partikular na topic, sabi nga ni Nora kay Gladys, "Totohanin mo na [ang sampal, kung sakali]...'"

Kaya nagtawanan ang mga studio audience at fans. Pati si Gladys.

BONDING MOMENTS. Every week ay isa raw masayang "bonding moment" with her invited guest ang nagaganap sa show.

Hindi muna nasimulan ang unang gap, dahil muling pinagkaguluhan ang presence ni Nora na nakihalubilo muna sa kanyang fans; signed autographs and posed for souvenir pictures with them.

Sa main set, muling tsinika ng PEP.ph si Gladys, habang naghihintay ng kanyang cue.

And the actress took time to mention her other shows, bukod sa Moments.

"Meron po akong Wako-Wako sa ABS-CBN," pagtukoy ni Gladys. "Haping-happy naman po ako. Very contented."

Sa Net 25 ang Moments; sa ABS-CBN at Wako-Wako; at sa TV5, "Tapos, Juicy [entertainment talk show]," sabi ni Gladys.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kumusta ang family?

"Ay, yun nga po, e. Priority naman po natin 'yan, e.

"Ayun, in love na in love pa rin siya sa akin, at in love din ako sa kanya!" sabi ni Gladys, referring to her husband, Christopher Roxas, with whom she has three kids.

FIRST LOVE. Nakatakdang ipalabas sa Net 25 two-part episode ng Moments nina Gladys at Nora.

Sa mahabang tsikahan ng dalawang celebrities, na tuwang-tuwa sa isa't isa, ay na-tackle ang halos lahat ng aspeto ng pagiging artista, karaniwang tao, at ina ni Nora Aunor.

May ipinakita ring eksklusibong video clips nina Ian de Leon, Nora's biological son with Christopher de Leon; at Kenneth and Matet De Leon, two of Nora's adoptive children; and Guy's long-time friends, kabilang sina Kuya Germs (German Moreno), Ricardo Lee, and a veteran scribe.

May kuwelang pagbanggit sa size ng paa ni Nora, na sabi niya'y "Size two po...". At ang tungkol sa phenomenal Guy and Pip tandem (Nora and Tirso Cruz III), with video clips ng matagumpay na pagsasama ng dalawa sa mga pelikula at iba pang okasyon sa buhay ng superstar.

"Kasi, first love ko si Pip..." pagbabalik-tanaw rin ni Nora, nang mapag-usapan ang tungkol sa kakaibang charisma ng tambalan sa fans, lalo noong early '70s.

Hindi muna kumakanta ngayon si Nora, pero naging game si Gladys who sang a few lines of "Kahit Konting Awa" (theme song ng The Flor Contemplacion Story na pinagbidahan ni Ate Guy).

LESSONS LEARNED. Isang mahalagang punto naman ng usapan sa show ang tungkol sa pagiging kapwa survivors nina Nora at Gladys, at ng iba pang taga-showbiz.

Bilang survivor sa showbiz, ano ang pinaka-importanteng lesson na natutunan ni Nora Aunor sa pagiging artista?

"Ay, siguro... ah, sa pang-kalahatan? [Na] hindi dapat makalimutan kung saan ka nanggaling. 'Yan ang pinaka-importante sa akin," sagot ni Nora.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Dapat matutunan mo ang lahat ng bagay... ah, ako kasi, minsan, hindi ako nag-iisip, ano?" natawa si Guy. "Ah, hindi. Nag-iisip naman ako."

Patuloy niya: "Siguro 'yung pagmamahal. Importante sa akin yung pagmamahal (at) pagtitiwala... Yung respeto [ng tao] sa iyo.."

Ani Gladys: "Nandu'n na lahat yun, e. 'Pag sinabing respeto, nag-a-agree naman talaga sila [ng salitang 'pagmamahal']."

ADVICE TO NEW ARTISTS. Hindi man lahat ng mga new generation stars or artists ay makaka-trabaho niya, ano ang mensahe o maipapayo ni Ate Guy sa mga ito bilang "isang poste ng Philippine showbusiness"?

"Mahalin lang nila ang trabaho nila," simpleng tugon ni Nora.

"Nu'ng araw, nakakalimutan ko rin yun, e," nangiti siya. "Kaya nga, kadalasan, nale-late ako [o hindi nakakasipot sa commitments]...

"Hindi ko naman binabale-wala [ang trabaho], naiintindihan naman nila... pero hindi rin pala dapat [na gano'n].

"Kasi yung mga tao, 'pag pinaghintay mo sa set, nakangiti nga lang sa 'yo, pero hindi mo alam na nakapagbigay ka ng sama ng loob sa kanila."

MESSAGE TO LOYAL FANS. At sa mga tagahangang hindi nagbabago ang pagmamahal, ano ang mensahe ni Nora sa kanila?

"Alam na nila lahat 'yon. Lagi kong sinasabi sa kanila," magiliw ding pagbanggit ni Nora.

"Kaya ang pinaka-importante sa lahat, na gusto kong maibalik, yung boses ko. [Dahil] yun talaga ang nagustuhan nila sa akin."

Hindi pa nga raw siguradong makakapag-perform si Nora, sa pamamagitan ng pagku-concert; kailangan pa niyang bumalik uli sa America(sa Boston, Massachussetts) para sa kaukulang voice therapy at surgery matapos ang nasimulang treatment noong Enero 2012.

Bagay na ikinalulungkot pa rin ng mga tagahanga.

"Ako rin, nalulungkot," sabi ni Guy. "Matagal na akong hindi nakaka-kanta, ilang taon na, mula nang mawala yung boses ko [in 2008].

"Kaya 'yan ang talagang gusto kong mangyari, na bumalik na [ang singing voice ko], para sa kanila."

Masaya naman ang sagot ni Gladys dito, ayon din sa napag-usapan nila ni Ate Guy, earlier that afternoon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero, sabi mo nga, malapit na! At maririnig na nating muling umawit si Ate Guy!

"In the meantime, pagtiyagaan n'yo na muna ako!" kuwela sambit din ni Gladys.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN