Bong Revilla on movie with Vic Sotto and Judy Ann Santos: "Pang-number one ang pelikula."


Ayaw daw magpa-pressure ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. kung tatanghalin nga bang highest-grossing film o number one sa takilya sa nalalapit na Metro Manila Film Festival (MMFF) 2012 ang pelikulang pinagbibidahan nila nina Vic Sotto at Judy Ann Santos na Si Agimat, Si Enteng Kabisote at Si Ako.

Pero confident daw siya sa kalidad ng nabuo nilang pelikula. Ito ang entry ng limang film companies – Imus Productions, OctoArts Films, M-Zet TV, APT Entertainment at GMA Films – sa MMFF na magbubukas sa Disyembre 25.

“Well, about number one, ang sa akin diyan basta ginawa namin ang lahat para mapaganda yung pelikula.

"Nasa tao na iyon para husgahan ang pelikula. Pero ang masasabi ko, pang-number one ang pelikula.

“Punong-puno, hitik na hitik sa saya, sa drama, sa aksyon, sa special effects, so nandun lahat.

"Kung ano yung hahanapin mo, nandiyan. Siyempre sa comedy si Vic, di ba? Kita n’yo naman kung gaano kagaling magpatawa. E, nahahawa pa ako sa pagpapatawa na iyon. Dati rin naman akong komedyante sa Idol Ko Si Kap," pagtukoy niya sa defunct GMA-7 sitcom.

“Si Judy Ann may timing din siya [sa comedy]. Tapos may aral pa kayong mapupulot dito about the environment, pangangalaga sa kalikasan,” paliwanag ni Sen. Bong.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang media si Sen. Bong sa pocket presscon ng Si Agimat, Si Enteng at Si Ako para sa kanya kasama sina Sam Pinto at Jillian Ward na ginanap kaninang tanghali, Nobyembre 29, sa Annabel’s restaurant sa Tomas Morato, Quezon City.

Aware naman daw si Sen. Bong na every year ay patindi nang patindi ang kumpetisyon sa MMFF. Talaga namang nag-hit ang una nilang pagsasama ni Vic sa Si Agimat at Si Enteng Kabisote noong MMFF 2011. Kaya mas pinaganda raw nila itong bagong pelikula.

“Of course, kailangan mas maganda itong makita nila ngayon than the first one. We have to surpass yung una naming ginawa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"At sa tingin ko naman yung pinagsamahan namin ni Vic na ipinangako namin sa mga nanood ng una naming pinagsamahan ay natupad.

"At sinabi nga namin, mas maganda, mas pinasaya, mas pinalaki. Yung lahat ng ipinangako naming iyon tinupad namin.”

Masaya siya sa pagsasama ulit nila ni Vic at nadagdag pa nga si Judy Ann.

“At least dito, yung kumbinasyon namin ni Vic plus Juday yun ang talagang flag-bearer niyan. So, yun ang magpu-push ng pelikula, doon iikot ang istorya sa aming tatlo.”

ADMIRING VIC. Malaking karangalan nga raw kay Sen. Bong na maka-tandem ulit si Bossing Vic. Mas hinangaan raw niya ito ngayon.

“Si Vic, nakita ko talaga yung kalooban niya, e. Talagang may puso siya, magaling na tao at malapit sa masang Pilipino lalong-lalo na sa mga bata. Nakita ko yun.

"At saka may isang salita. kung ano yung napag-usapan namin noon, di ba natupad kung ano yung pinag-usapan namin.

“Nag-aantayan nga kami, e, kung matutuloy itong Agimat at Enteng balik-tambalan. So, nangyari ito.

"Mero'n talaga siyang isang salita. Dahil kung ano magkakalaban na naman kami. But it’s always a friendly competition. Kaya lang ang tinignan natin diyan yung word of honor. Mero'n si Vic noon. Kaya saludo rin ako sa kanya.”

WORKING WITH JUDAY AGAIN. Natutuwa nga si Sen. Bong dahil nagkaroon ulit sila ng pagkakataon ni Juday na magkasama sa trabaho sa Si Agimat, Si Enteng Kabisote at Si Ako. Pangalawang pagsasama pa lang daw nila ito, ang una ay sa pelikulang Minsan Ko Lang Sasabihin.

“That was 15 years ago yata. Bata-bata pa kami. Pareho pa kaming malusog noon. Pero mas seksi kami ngayon at mas maganda siya at mas pogi ako,” biro niya.

Ano kaibahan ng pagsasama nila ni Juday noon at ngayon?

“Hindi siya nagbago. Kung ano yung bait niya noon, hanggang ngayon mabait pa rin siya kaya siya mahal ng mga fans niya. Siyempre mas magaling na artista siya ngayon. Yun ang pagkakaiba, magaling na siya noon, mas gumaling pa ngayon.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

AI AI DELAS ALAS. Originally, si Ai Ai delas Alas sana ang kasama nila sa pelikula. Pero bigla ngang nag-backout ang Comedy Queen at napunta ang slot nito kay Judy Ann.

Gayunpaman, binigyan ng bagong character si Juday sa pelikula at hindi nito kinuha ang role dapat ni Ai Ai.

Wala bang sama ng loob si Bong kay Ai Ai dahil pagkatapos mag-backout sa pelikula nila ay sumama naman ito sa entry ng Star Cinema, ang Sisterakas, kasama sina Kris Aquino at Vice Ganda?

“Wala naman, wala naman. Naiintindihan natin siya dahil sa Star Cinema siya. Alam naman natin na yun ang kanyang mother company. We respect her decision. Yung istorya kay Ai Ai iba yun. So, gumawa ulit kami ng bagong istorya for Juday.”

REVILLA’S CHRISTMAS. Natanong din ng PEP si Sen. Bong kung ano ang pakiramdam niya na nalipat na sa December 23 ang Parade of Stars mula sa nakaugaliang December 24?

“First time na nabago iyan, no. Sa akin, it doesn’t matter parehas din lang iyon. Nasanay na rin tayo ng 24 dati na pagka-ano... hahabol sa Noche Buena.

"Pero ngayong 23, which is better for everyone na hindi yung after the parade ilang oras na lang kailangan makauwi ka na. At least ngayon you have more time to spend also with your fans after the parade sa 23 at more time naman sa family sa 24.”

Ano ang plano ng pamilya nila sa darating na Pasko?

“Yung tradisyon na ginagawa namin every Christmas. Ang 25 para sa ibang tao. Ang pinaka-Pasko sa amin yung pagkatapos ng New Year. Doon kami nag-e-exchange gift. Hindi katulad ng iba every 25, kami sa [January] one.

"Yung Pasko, sa mga kaibigan iyan, sa mga tao. Tradisyon na ng pamilya namin iyan.”

HIS REAL AGIMAT. Dahil siya nga si Agimat, sa totoong buhay ba may itinatago siyang agimat kaya matagumpay siya sa lahat ng pinapasok niyang field?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ang agimat ko ay Panginoon. Sa Kanya, dasal lang pati kay Mama Mary. Tama yung sinabi n’yo na lahat ng pasukin ko ay successful tayo at hindi tayo pinababayaan. Kaya I’m very, very thankful.

"E, ano pa ba ang hihilingin ko pa, di ba? Ang ano na lang kung ano na lang yung pwede nating ibalik sa tao, e.

“Kaya iyong Indio," pagtukoy niya sa upcoming teleserye niya sa GMA-7. "Na ginagawa ko sa Channel 7 pambayad ito sa mga fans ko na hindi makapanood ng sine, sa telebisyon na lang dahil sa mahal ng sine.

"Yun naman ang ginawa ko pambayad sa kanila. Yun ang sorpresa ko sa kanila.

“Sakripisyo rin on my part dahil siyempre ang dami ko ring trabaho. Bilang senador, hindi ko pwedeng pabayaan iyang trabaho kong iyan. Kaya kahit anong pagod ko nandiyan ako lagi sa senado.”

Kuwento naman ni Sen. Bong na minsan na siyang nagkaroon ng totoong agimat.

“Minsan na akong nagkaroon. Mero'n ako para iwas sa aksidente, iwas sa bala. Pero ang pinaka-agimat talaga sabi ko nga ay ang Panginoon. Yun naman talaga ang pinakamatinding agimat na pwedeng magkaroon ang isang tao.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN