MMFF REVIEW: El Presidente: The Emilio Aguinaldo Story and the First Philippine Republic

Jeorge "ER" Estregan leads the cast of the Metro Manila Film Fest entry El Presidente: The Emilio Aguinaldo Story and the First Philippine Republic.


Hindi madaling gumawa ng pelikula o magsadula ng istorya ng mga totoong tao, lalo na yung mga galing sa mga aklat ng kasaysayan.

Ito ang makikita sa El Presidente: The General Emilio Aguinaldo Story and the First Philippine Republic.

Sa pagnanais na magmukhang tunay na bida ang karakter na nasa titulo, may ilang mga personalidad—na hinugot pa naman mula sa mga aklat ng kasaysayan at naisali sa pelikula—ang maaaring hindi masyadong nabigyan-katarungan o maaaring nailarawan pa nga ng mali.

At dahil dito, maaari ring mahamon kung paano binigyang-buhay ni Direktor Mark Meily ang mga tauhan sa El Presidente.

Pero dapat bigyang-diin na ang El Presidente ay pelikula ng pangunahing aktor at isa sa mga namuhunan sa pelikula na si Laguna Governor Jeorge “ER” Estregan, kasama si Direk Mark, na siya ring writer nito.

Kaya’t kung paano nailarawan ang mga tauhan, kung paano tumakbo ang istorya ng rebolusyon sa Pilipinas, at kung paano nabuo ang sinasabing unang republika ng bansa ay base sa kanilang sariling pagkakaintindi sa kanilang nakuhang impormasyon.

Aminado rin naman ang pelikula sa credits nito na “inspired” ito ng librong isinulat mismo ni Emilio Aguinaldo—na nararapat lang dahil dahil tungkol naman kay Aguinaldo ang pelikula.

Bilang Emilio Aguinaldo, sinikap ni ER na gampanan nang maayos at magpakita ng iba’t ibang sukat ng emosyon sa pagganap.

Ngunit may mga sandali talaga sa kanyang pagganap na ang katauhan pa rin niya bilang si Asiong Salonga ang makikita.

Marahil dala pa rin ni ER ang karakter na ginampanan niya mula sa kanyang kontrobersiyal na pelikula noong nakaraang 2011 Metro Manila Film Festival na Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story.

Matitinding pagganap naman ang ipinakita ng mga suportang artista sa pelikulang ito ni ER.

Walang itulak-kabigin sa husay sa pag-arte nina Sid Lucero, Ronnie Lazaro, Baron Geisler, Yul Servo, Emilio Garcia, Wendell Ramos, Epy Quizon, Joonee Gamboa, at lalung-lalo na nina Cesar Montano bilang Andres Bonifacio at Christopher de Leon bilang Heneral Antonio Luna.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kadalasan nang nakakabagot panoorin ang kahit na anong dula, dokumentaryo, o pelikula tungkol sa kasaysayan—lalo na kung higit pa sa dalawang oras at kalahati ang itinatakbo nito.

Pero dahil sa galing sa pagganap nina Montano at de Leon, nabigyan ng kinakailangang kulay at emosyon ang isa sanang nakakabagot na paglalahad ng buhay ng isang itinuturing na importanteng tao sa kasaysayan ng Pilipinas.

Karapat-dapat si Cesar na matanghal bilang pinakamahusay na pangalawang aktor sa nakaraang gabi ng parangal ng MMFF 2012. Epektibo niyang nagampanan ang papel ni Andres Bonifacio, ang mainitin ang ulo ngunit makabayang Supremo ng Kataas-taasan, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan.

Si Christopher naman ay halos walang hirap sa pagganap bilang ang istrikto, mahusay, at madisiplinang si Heneral Luna. At sa kanyang pagiging mestizo pa, masasabi ngang tila si Christopher na mismo ang tunay na buhay na Luna.

May mga di-kilalang talento rin na ginamit si Direk Mark na dapat batiin dahil sa epektibong pagganap.

Katulad ng gumanap na sundalong unang tumaga kay Heneral Luna sa eksena ng pagkamatay nito.

Hindi kilala ang aktor, ngunit makikita sa matipid ngunit epektibong pagpapagalaw ng mukha nito ang nararapat na emosyon ng isang sundalong punung-puno ng pagkamuhi ngunit di tiyak sa ginawang pagpatay kay Antonio Luna.

May mga nakapanghihinayang ding karakter sa pelikula.

Katulad ng magkapatid na Epy at Ronnie Quizon. Kahit na maikli lang ang naging papel ni Epy bilang Clemente Zulueta, kapansin-pansin ang husay sa pag-arte na ipinakita niya. Dapat sana’y mas hinabaan pa ang papel niya.

At katulad din ng maraming karakter sa pelikula, nawala na lang bigla sa istorya ang ginampanan ni Ronnie na si Apolinario Mabini, ang tinaguriang “Utak ng Rebolusyon.”

Nagmistula namang dekorasyon lang sa pelikula ang gumanap na unang asawa ni Emilio na si Cristine Reyes. Wala ni katiting na linya si Cristine bilang Hilaria del Rosario.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

May mapapansin ding hindi pagkakatugma sa makeup nina ER at Nora Aunor sa eksenang unang pagtatagpo nina Emilio at pangalawang asawa nitong si Maria Agoncillo.

Mas matanda silang tingnan sa una nilang pagkikita, kaysa noong matagal na silang mag-asawa’t nagbabalak nang tumakbo si Emilio bilang presidente ng Unang Pamahalaang Commonwealth.

May naisulat din ang mga librong pangkasaysayan na hindi kanais-nais na mga detalye tungkol kay Aguinaldo na nilagpasan, di binigyang-pansin, o tuluyang hindi binanggit sa pelikula para mas magmukhang bayani ito.

Katulad ng biglaang pag-alis niya at ng kanyang Kabinete patungong Hong Kong matapos silang bayaran ng mga Kastila, habang patuloy na inaaresto at binibitay ang mga naiwan nilang tauhan.

Ang pagpasailalim niya sa gobyerno ng Estados Unidos matapos na mahuli sa Palanan, kahit na patuloy sa pakikipaglaban sina Heneral Miguel Malvar at Heneral Macario Sakay.

Ang pagpapagamit niya sa mga Hapon para hikayatin ang mga Pilipino na tanggapin ng mga ito ang pamamahala ng mga Hapones nung Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Ngunit sa kabila ng mga nalagpasang detalye sa buhay ni Aguinaldo at ilang butas sa pelikula, maayos namang nailarawan ni Direk Mark ang tipo ng estadong pulitikal noong panahon ni Aguinaldo.

Ipinakita na noon pa ma’y wala na talagang pagkakaisa ang mga Pilipino, lalo na ang mga lider na may kani-kaniyang personal na mithiin.

Sa katunayan, sa kabuuan ng pelikula, ito lang yata ang katotohanang hindi hahamunin o pagtatalunan ng mga hindi sang-ayon kung paano naisapelikula nina Direk Mark at Gov. ER ang mga kilala’t importanteng personalidad sa kasaysayan ng Pilipinas.

At bilang isa sa mga pelikulang kalahok sa Metro Manila Film Festival sa taong ito, nararapat lang na itratong isa nga lang pelikula, isang kathang-isip, ang El Presidente.

Yun lang, at wala nang iba.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN