Robin Padilla on Daniel: “Siya ang pinakamalaking pag-asa ng Padilla.”


Walong entries ang naglalaban-laban para manguna sa 39th Metro Manila Film Festival at halos lahat ng kasama ay nangangarap na makasama sa Top 3.


Si Robin Padilla ang bida sa action film 10,000 Hours na loosely based sa buhay ni Senator Panfilo Lacson.

Sa totoong buhay, si Lacson ay nakusahan sa pagiging mastermind sa pagpatay sa publicist na si Bubby Dacer at ang driver niya na si Emmanuel Corbito.

Nag-issue ang korte ng arrest warrant para kay Lacson ngunit nagtago siya mula January 2010 hanggang March 2011. Lumantad si Lacson nang ibasura ng Court of Appeals ang double-murder case laban sa Senator.

Sa pelikulang 10,000 Hours, Senator Gabriel Alcaraz ang pangalan ng karakter ni Robin.

(To learn more about the MMFF 2013 entry 10,000 Hours, CLICK HERE)

Anong pelikula ang nakikita ni Robin na maaaring maging mahigpit na kalaban ng 10,000 Hours sa pagiging top grosser?

Opinyon niya, “E, siyempre yung pambata, hindi natin maano ‘yan, Pasko ‘yan, e.

“Ang atin lang pakiusap sa mga manonood, katulad ng sinabi ko kanina, nakasalalay rin naman sa oras na ‘to ang kinabukasan nating lahat.

“Kung meron man tayong oras para mag-enjoy, matawa, meron din tayong konting oras para sa ating kaalaman.

“Para alam naman natin kung ano ang nangyayari sa paligid natin, hindi tayo yung para tayong tanga. Medyo, panahon na rin.”

PERSONAL PERSPECTIVE. Sa naging pahiwatig niya, ano na ang tingin niya sa gobyerno ngayon pagkatapos niyang gawin ang pelikula?

Deklara ni Robin, “Well, wala naman akong ano… ang sinasabi ko lang palagi, ang sistemang ito, bulok.

“Itong sistema na iniikutan natin ngayon, e, talagang kahit na sino riyan, wala talagang pupuntahan.

“At katulad ng paulit-ulit kong sinasabi sa pelikula, paano mo rerespetuhin ang isang sistema na kasama ang kurakot sa Saligang Batas?

“Yun nga ang discretionary fund, na para sa akin, hangga’t hindi natatanggal yun, kahit sinong maupo, kahit ako, PNoy [President Noynoy Aquino] ako, kahit na sino pang bata niya, napakahirap.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Paano naman, meron ka ng kickback, beinte-porsiyento, paano masasabing matino ka?”

May gusto ba siyang iparating sa lahat?

“Well, una, na sana, tayong taongbayan, huwag na tayong pumayag sa sistema.

“Isa-isa na pong sinasabi ng Supreme Court na hindi talaga makatwiran ang paggastos ng pera ng bayan—isa-isa na ‘to.

“Itong pagkamulat na ‘to, kapag hindi pa natin ‘to sinundan, ay baka maantala, magkalokohan na naman.

“Sana ito, dire-diretso na, hindi natin puwedeng isaalang-alang kung kani-kanino ang kinabukasan natin.

“Sa atin lang nakasalalay ang kinabukasan ng anak ninyo. Itong nangyayaring ito, kapag tayo ay pumikit pa rito, ewan ko na.”

Posible kayang mag-endorso pa rin siya ng pulitikong tatakbo sa eleksiyon kung pareho pa rin ang sistema?

Sabi niya, “Ako, ang pakiusap ko, mawala na, talagang mag-resign ang mga senator.

“Talagang ako, hindi nagbabago ang aking panawagan na mag-resign silang lahat.

“‘Di ba, sinabi ng Supreme Court, illegal ang paggastos ng pera ng bayan? Ano ang ibig sabihin noon?

“E, di mali lahat ang ginawa ng mga senator. Kung ikaw ang senator, ano pa ang gagawin mo? Nakakahiya naman yun.”

EXPECTATIONS. Matunog na si Robin ang isa sa mga posibleng manalo ng Best Actor sa MMFF 2013. May “expectations” ba siya na maiuwi nga ang tropeo?

Lahad niya, “Maganda ang tanong kanina kung Best Actor o Box-Office.

“Ako, box-office, kasi yung producer natin, mahirap madala.

“Kapag ‘yan, dumiretso… okey rin naman ang Best Actor, kung ibibigay.

“Pero, para ipangampanya natin, hindi na. Ako, okey na ‘ko rito, kumita ang pelikula.

“Yung Best Actor, ibigay natin sa bata ‘yan. Ang daming bata riyan, mas makakatulong sa kanila yun.”

YOUNG PRODUCERS, CO-ACTORS. Kumusta katrabaho ang mga young stars at ang mga batang producers ng pelikula?

Sabi niya, “Well, ako, natutuwa ako, kasi medyo naabutan ko kasi paglabas ko ng kulungan, yung inabot kong mga bata… late, walang kuwentang kausap, di ba?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Yung mga bata ngayon, naiba—yung henerasyon ngayon, nakakatuwa—sila Neil [Arce, producer], yung mga batang artista ngayon.

“Ako, natutuwa ako sa magalang, hindi nale-late, okey yun.”

ON DANIEL PADILLA. Ang pamangkin ni Robin na si Daniel ay may pelikula rin ngayon sa MMFF 2013.


Si Daniel ay kasama ni Kathryn Bernardo sa horror movie na Pagpag, Siyam na Buhay.

Paglilinaw ni Robin, “Hindi natin puwedeng sabihing katapat.

“Iba ‘yang si Daniel. Lahat kami, naka-suporta sa anak ko, parang siya yung may dala-dala ng bandila.

“Lahat kami, lalo na ako, hindi natin kukumpentensiyahin yun, susuportahan natin yun hanggang sa dulo.”

Posible kaya niyang sabihin na pagkatapos manood ng 10,000 Hours ay mag-Pagpag naman ang manonood?

“Hindi, panoorin nila ang dalawa, panoorin nila para makita nila ang Padilla blood talaga.

“Masaya kaming lahat doon, sa batang yun.”

Nakikita niya ba na si Daniel talaga ang susunod sa yapak niya?

Aniya, “Sa akin kasi, mas malaking figure si Daniel.

“Yung media ngayon, hindi na natin puwedeng ikumpara sa media noon, ito, buong mundo.

“Kahit saan ako makarating, hanggang Lebanon, noong magpunta ako ng Lebanon, isa lang ang hinihingi ng tao, si Daniel.

“Para sa akin, wow! Hindi ko puwdeng sabihin na humalili sa akin, magkakaiba kami.

“Sa ngayon, siya ang pinakamalaking pag-asa ng Padilla, lahat kami, nasa kanya.”

Pero, iba rin naman ang nagawa ni Robin sa industriya.

Pananaw ni Robin, “Magkaiba, e. Sa entertainment, hindi ko naabot ang nagawa niya sa edad niya na ‘yan.”

Pero sa pelikula, ilang beses na rin niyang napatunayan ang pagiging box-office star niya.

Sabi ni Robin, “Siguro sa box-office, oo, hindi pa niya naabot, pero, ang kasikatan, wow, ako, bilib ako roon.”

May nagsabi naman na kaya rin daw nakilala nang husto si Daniel ay dahil may Robin Padilla.

Sabi naman ni Robin, “Padilla, Padilla… ano, e, magkaiba kaming tao.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Iba siya, iba ako, iba si Daniel. Mas marami pang ipapakita ang batang yun, marami pa.”

ON BELA PADILLA. Sa unang pagkakataon ay makakasama rin ni Robin sa pelikula ang pamangkin niyang si Bela Padilla.

Aniya tungkol kay Bela, “Itong batang ‘to, lumaki sa amin, kaya naging magaan ang lahat ng bagay.

“Nagulat lang ako noong nag-eksena kaming dalawa, sabi ko, siguradong mananalo siya.

“Ilang beses ko ng pinanood ang pelikula, napakahusay, madadala ka sa eksena.”

Sa huli, kinumpirma ni Robin ang posibilidad na magkaroon siya ng guesting sa Adarna, ang primetime series na pinagbibidahan ng anak niya na si Kylie sa GMA Network.

Ayon kay Robin, “Basta ibigay lang yung role na hinihingi ko.

“Kasi, ayokong mamatay. Siyempre, may kanya-kanya tayong nililinyahan, di ba?

“Nandoon tayo sa oras ngayon na yung pinipili nating mga role, e, sa edad ko na.

“Hindi tayo puwedeng magpanggap na bata, kasi iba na ang panahon.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN