Watch Now

Martial law detainee Joel Lamangan says he will watch Darryl Yap's movie about the Marcoses

by Gorgy Rula
Jul 25, 2022
joel lamangan darryl yap word war
Veteran director Joel Lamangan (left) on controversial director Darryl Yap (right): "Ang ayaw ko lang ng isang kabataang kagaya niya, ang bagong direktor ay magiging instrumento sa pagbubulag sa katotohanan... Dapat hindi nagbubulag kundi nagtatama ng kung ano ang totoo. Ang sinasabi ko lang, kung may kuwento ka man, dapat ay kuwentong nakabatay sa totoo. Yun lang naman ang sinasabi ko."
PHOTO/S: YouTube / @viva_films on Instagram

Nakarating sa veteran director na si Joel Lamangan ang sagot ng controversial director na si Darryl Yap sa mga binitiwan niyang pahayag sa launching ng ML@50 na ginanap sa Quezon City Sports Club noong Huwebes, July 21, 2022.

Isa sa panelists si Direk Joel sa launching ng ika-50 taon ng martial law. Sa kanyang talumpati, nabanggit niya ang pelikulang Maid in Malacañang na idinirek ni Darryl.

Ang Maid in Malacañang ay tumatalakay umano sa huling tatlong araw ng pamilya Marcos sa Malacañang, pagkatapos ng mahigit 20 taon sa puwesto ng dating diktador at Pangulong Ferdinand Marcos, bago nila nilisan ang Pilipinas dahil sa makasaysayang EDSA People Power Revolution noong 1986.

Bahagi ng pahayag ni Direk Joel tungkol sa pelikula: “Lahat ng kawalanghiyaan ay sinasabi. Dini-distort ang kasaysayan.

“Hindi itinuturo ang totoong nangyari. Nais magbago ng pangalan. Nais lokohin ng lahat ng ating mamamayan.

“Nakita ko ang rushes… ang mga tao raw nagpunta sa Malacañang na naka-sulo. Wala naman kaming sulo nung araw. Ala namang sulo! Hindi totoo yun! Ano yun, lamay?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Puro kasinungalingan, puro katarantaduhan ang mga sinasabi. Huwag natin paniwalaan. Ilagay natin sa ating balita. Ilagay natin sa ating dula, sa ating sining, sa ating pelikula ang totoo.

“Tulungan natin ang ating mga kabataang malaman kung ano ang katotohanan. Ayokong dumating ang panahong na mabura na ang ating mga pinaghirapan.”

DARRYL YAP'S REACTION TO JOEL LAMANGAN'S STATEMENT

Sinagot ni Direk Darryl sa kanyang Facebook account noon ding July 21 ang naging pahayag ni Direk Joel.

Nakasaad dito: "Malaki ang respeto ko kay Direk Joel, maaaring magkaiba kami ng perspektibo tungkol sa mga bagay-bagay pero nasa iisang industriya kami—

"kung gagantihan ko rin ng pagmamataas ang mga sinabi niya, magmumukhang nakikipag-away ako sa isa sa mga haligi ng industriya.

"pero mainam rin na paalalahanan siya na, hindi lang siya ang anak ng Diyos at ng Bayan, hindi lang siya ang may kwento at hindi lang ang mga kwento nya ang may kwenta.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"sinabi pa niya na ang ginamit na pagpoproduce ng pelikula ay pera ng taumbayan, VIVA ang nagproduce nito— kung saan dun din sya gumawa at patuloy na gumagawa ng pelikula.

"kung tunay nga ang kanyang kumbulsyon at paghihimagsik; bilang isa sa mga mataas na Direktor, yayain nya ang mga nagsasabing 'katarantaduhan' ang pelikula ko at wag silang magtrabaho sa Viva—kasi baka pera ng taumbayan yan, nakakahiya naman sa mga prinsipyo nila.

"yan eh, kung talagang yan ang ipinaglalaban at paninindigan niya yung mga sinabi niya kanina.

"ngunit magkaganon man, hindi siya makakarinig sa akin ng pangmamaliit, dahil sino ba ako kumpara sa kanya— sana maalala niya na Joel Lamangan na siya, hindi siya dapat nababahala sa isang Darryl Yap lang."

JOEL LAMANGAN REACTS TO DARRYL YAP'S STATEMENT

Nang nakapanayam ng writer na ito si Direk Joel sa radio program namin sa DZRH noong Biyernes, July 22, nilinaw niyang wala siyang galit sa direktor ng Maid in Malacañang.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Pahayag ng premyadong direktor, “Ako naman ay hindi galit kay Darryl Yap. Dahil bata pa 'yan, e. 1987 pa lang siya ipinanganak.

"Hindi pa niya alam kung ano ang nangyari noon. Sanggol pa lang siya, hindi pa niya alam kung ano ang nangyari diyan.

Kung sino man ang kinakalakihan ni Darryl Yap at nakakita sa nangyari nung panahon na yun ay dapat naturuan kung ano ba talaga ang mga bagay-bagay na 'yan.

Ngayon, hindi ko naman siya… hindi ko nga sinabi kung sino ang direktor. Sinabi ko lang yung Maid in Malacañang. Wala akong sinabi ng tungkol sa kanya.”

Ano ang reaksiyon ni Joel sa sinabi ni Darryl na malaki ang respeto nito sa kanya kaya hindi raw ito makikipag-away sa itinuturing na isa sa mga haligi ng movie industry.

“Nirerespeto ko rin naman siya, e,” tugon ni Direk Joel.

“Kaya lang, ang ayaw ko lang ng isang kabataang kagaya niya, ang bagong direktor ay magiging instrumento sa pagbubulag sa katotohanan. Dahil hindi maganda yun.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

"Walang pupuntahan ang kanyang ginagawa kung mapupunta siya doon. Dapat hindi nagbubulag kundi nagtatama ng kung ano ang totoo.

Ang sinasabi ko lang, kung may kuwento ka man, dapat ay kuwentong nakabatay sa totoo. Yun lang naman ang sinasabi ko.

Tama, magkuwento ka. Tama, maggawa ka ng ano mang gusto mong gawin.

"Pero dapat bilang isang nakakatanda sa kanya ay sinasabi ko na kung ano mang kuwento ang gagawin mo, dapat ay hindi bubulag sa kung ano ang totoo.”

May mga nagsasabi kay Direk Joel bakit nagri-react na siya ngayon gayong hindi pa naman niya napapanood ang kabuuan ng pelikula ni Direk Darryl.

Paliwanag ni Direk Joel, “May nakita akong picture na galing doon sa palabas na yun, kagaya ng mga nagpunta doon sa Malacañang na nakasulo. E, nandun ako sa Malacañang nung panahon na yun.

“Hindi naman ganun. Walang napagkukunan ng sulo. Walang sulo nung panahon na yun.”

maid in malacanang

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Sabi pa ng direktor, “Ang sinasabi nila na ang mga sumugod doon sa Malacañang ay may hawak na sulo. At ang pumanhik dun sa gate sa Malacañang ay mga akyat-bahay daw.

"Aba! Hindi totoo yun! Isa ako sa nandun. Nasaktan ako. Hindi totoo yun, ha! Hindi totoo!

“Kaya hindi dapat gawing ganun. Kung ganoon ang ginawa nila, maaaring ang buong istorya ay maaaring ganun.

“Sabi ko, ang dapat ang kasaysayan ay hindi man dapat… ang istorya na ibinatay sa kasaysayan ay hindi man dapat batay sa kasinungalingan. Yun lang naman ang mga sinabi ko.”

Ayon kay Direk Joel, papanoorin niya ang pelikulang ito ni Direk Darryl, at dapat ay pawang katotohanan lang ang ilalahad kahit sinasabing ito ay salaysay ng tatlong maids na nanilbihan sa Malacañang.

“Sana yung point of view na 'yan ay tama. Yung point of view na 'yan ay magsasabi ng katotohanan tungkol sa nangyari. Hindi nagtatakip sa katotohanan sa pamamagitan ng pagdadrama-drama na kaawaan yung mga hindi dapat kaawaan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Papanoorin ko. Titingnan ko kung ano ang tama at hindi tama. Sasabihin ko kung ano ang hindi tama.

“Hindi ko alam kung kasinungalingan kasi hindi ko pa napanood. Pero ang nakita kong litrato ay kasinungalingan."

Matapang pang pahayag ni Direk Joel: "Kaya nasabi ko, baka ang kanilang gagawin ay kasinungalingan. Kasi, ano bang istorya ang gagawin mo kundi kaawaan ang mga taong naroroon dun sa Malacañang na nagnakaw ng pagkarami-raming pera ng bayan?

“Gustong kaawaan ng mga tao sina Marcos, samantalang ano ba ang pinagkaabalahan nila sa panahon na yun? Kung papa'no nila lilimasin yung pera. Saan ilalagay ang mga gold! Saan ilalagay ang mga…

"Yun ang pinagkaabalahan nila. Yun ba ang ipapakita nila? Kung yun ang ipapakita nila, ay, papalakpak ako!”

Laging inilalahad ni Direk Joel ang mga pinagdaanan niya nung batas militar, hanggang sa EDSA Revolution.

Nasaksihan niya ito lahat at responsibilidad daw niyang ibahagi ito sa lahat, lalo na sa mga kabataan sa ngayong panahon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Kaya nga ako nagri-react kasi kung hindi naman ako magsalita, sino naman ang magsasalita?

"Kapag hindi ka magsalita at alam mo naman ang katotohanan, may kasalanan ka din. Ba’t ka tumahimik? Bakit hindi mo sinabi?

“Bakit mo hinahayaang ganun? E, may kasalanan ka din.

“Sa akin kasi, ang lahat na gumagawa na anumang sining o art ay dapat instrumento sa pagsasabi ng totoo sa isang particular na panahon,” pahayag ni Direk Joel.

HOT STORIES

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Veteran director Joel Lamangan (left) on controversial director Darryl Yap (right): "Ang ayaw ko lang ng isang kabataang kagaya niya, ang bagong direktor ay magiging instrumento sa pagbubulag sa katotohanan... Dapat hindi nagbubulag kundi nagtatama ng kung ano ang totoo. Ang sinasabi ko lang, kung may kuwento ka man, dapat ay kuwentong nakabatay sa totoo. Yun lang naman ang sinasabi ko."
PHOTO/S: YouTube / @viva_films on Instagram
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results