Eugene Domingo and Ogie Alcasid’s love scene is one of the highlights of the musical film I Do Bidoo Bidoo

Eugene Domingo and Ogie Alcasid didn’t simply shoot a love scene for the film I Do Bidoo Bidoo. According to director Chris Martinez, “May choreography siya, may singing, may acting, may comedy, may gano’n. Isa siya sa mga highlights ng movie.” The film will be screened in cinemas starting August 29.


Inamin ni Eugene Domingo na nakaramdam siya ng “hiya” nang mapahanay siya sa mga beteranong mang-aawit.

Sa I Do Bidoo Bidoo, makakasama ni Uge (palayaw ni Eugene) ang mga veteran singers na sina Ogie Alcasid, Gary Valenciano, at Zsa Zsa Padilla.

Kaya naman bilang paghahanda sa naturang musical comedy film, kumuha ng singing lessons ang komedyana.

“Hindi naman po talaga ako kampante na puwede ko naman acting-in lahat ‘yan,” paliwanag ni Uge nang makapanayam siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Potal) at iba pang entertainment press noong Agosto 4.

“Responsibilidad ko ‘yon bilang artista, na hindi man ako maging recording star after nito, hindi naman ako nagpabaya.

“Tinaggap ko ‘yong challenge, I trained for it, and nagustuhan naman ni direk.”


Ang tinutukoy niya ay si Direk Chris Martinez na siya ring nagsulat ng script ng pelikula na nagbibigay tribute sa mga kanta ng APO Hiking Society.

SINGING EXPERIENCE. Ngunit kinontra naman ni Ogie, na siyang gaganap na asawa ni Uge, ang naging pahayag ng aktres.

Hirit ng singer-songwriter, nagkaroon na ng karanasan sa pagkanta ang kanyang leading lady.

“Bata pa siya, sumali na siya sa singing contest,” pagbubuko ni Ogie sa presscon ng pelikula na ginanap sa Annabel’s Restaurant sa Tomas Morato, Quezon City.

“No’ng bata po siya, sumali siya sa singing contest… ano nga ba ‘yong kantang ‘yon?”

“Kanta ng Asin!” sagot ni Uge na aminadong kahit siya mismo ay hindi na maalala ang mismong kanta na inawit niya noon.

Pagpapatuloy ni Ogie, “Halimbawa bukas na ‘yong contest, nagkaroon siya ng mga kuto.

“So, nag-practice siya para do’n sa contest, kamot siya ng kamot na gano’n. Sabi ng tita niya, ‘Paano ‘yan? May kuto ka,’ so, hindi na din matanggal, kinalbo siya.”

Nagtawanan ang mga naroon sa presscon, at maging si Uge ay natawa rin nang maalala ang pangyayari na iyon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kaya nagsuot na lang ako ng sombrero,” pagdudugtong ng aktres sa kuwentong sinimulan ni Ogie.

“So, ang unang singing contest na sinalihan ko, parang hiyang hiya ako. Pero nanalo pa rin ako, third place.”

LOVE SCENE. Samantala, napag-usapan din ang tungkol sa naunang trailer ng pelikula na kinailangan nilang palitan.

Ang dahilan daw sa pagpapalit ng trailer ay ang love scene sa pagitan nina Eugene at Ogie.

Natawa naman si Direk Chris bago niya inamin na totoo ang balitang iyon.

Medyo “strict” daw kasi ang pamantayan ng Movie and Television Review and Classification Board pagdating sa mga trailer ng isang pelikula.

Pero ang love scene daw na iyon nina Uge at Ogie ay isa sa mga “highlights ng pelikula.”

Hindi rin naman daw kasi basta love scene lang ang ginawa ng dalawa, dahil “habang nangyayari ‘yong eksena na ‘yon, isipin n'yo kumakanta sila.

“Well, hindi siya gano’n lang. May choreography siya, may singing, may acting, may comedy, may gano’n.”

Bilang babae, hindi naman nailang si Uge na gawin ang naturang eksena.

Aniya, “Naintindihan ko naman ‘yong vision ni Direk Chris na at this point ng istorya, dapat ganito na.

“E, masunurin naman tayong artista, di ba? Hindi naman tayo pupuwedeng papalag pa, kung naiintindihan n'yo naman kung saan papunta ‘yong kuwento.”

Si Ogie naman ay nabigla sa naturang eksena. Hindi dahil sa kanilang gagawin, kundi dahil hindi man lang niya napaghandaan ang eksena.

Pag-alala ni Ogie, “Ganito kasi ‘yan, kapag binasa mo ‘yong script, ganito ‘yan… Lalambingin ko siya, kasi nag-away kami, e, lalambingin ko siya, galing siya sa patay, makikipagbati ako sa kanya, nire-resist niya ako kasi galit siya.

“Tapos nakalagay do’n, ‘then, they make love,’ it didn’t say anything. So, ah, baka lambingan lang, gano’n.

“Aba, e, mali. Pagdating ko do’n sa set, sabi may mga exposure!

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Bibigyan kita ng sample sa exposure, kung si Piolo Pascual ‘yan, e, magwo-work out ‘yan ng mga tatlong buwan. Wala akong preparasyon, so nando’n ako, mataba na ‘ko, ‘Ano, maghuhubad ako mamayang gabi?’”

Nangingiti naman singit ni Uge, “Kuwento mo naging preparasyon mo.”

Habang nangingiti na rin, ipinagpatuloy ni Ogie ang kanyang kuwento.

“Ito na nga, sabi ko ang aayusin ko, kasi mayro’n akong buhok-buhok dito sa ano, sa dibdib ko, e, so pinaahit ko ‘yan. ‘Tas ‘yong buhok ko sa kili-kili medyo mahaba, pina-igsian ko.

“‘Yon na lang ang laban ko, ‘yon na lang, malinis na lang, at saka naglagay ako ng deodorant.”

SYNOPSIS. Ang kuwento ng pelikulang I Do Bidoo Bidoo ay iikot sa planong pagpapakasal nina Rock Polotan (Sam Concepcion) at Tracy Fuentebella (Tippy Dos Santos).

Nagdesisyon sina Rock at Tracy na magpakasal dahil nabuntis ang dalaga habang pareho silang nag-aaral sa Maynila.

Buo ang kanilang loob sa desisyong ginawa, hanggang sa magtagpo na ang kani-kanilang pamilya.

Mayaman ang pinagmulang pamilya ni Tracy. Anak siya ng businessman na si Nick (Gary) at ng housewife na si Elaine (Zsa Zsa).

Samantala, si Rock naman ay nanggaling sa middle class family. Ang kanyang tatay na si Pol (Ogie) ay isang one-hit wonder composer at ang nanay niyang si Rose (Eugene) ay may catering business.

Simula nang mamanhikan ang pamilya Polotan sa tahanan ng pamilya Fuentebella ay nagsimula na rin ang tila pag-aalinlangan nina Rock at Tracy tungkol sa kanilang relasyon.

Maaapektuhan kaya ng mga pamilya nina Rock at Tracy ang desisyon nilang magpakasal? Malagpasan kaya nila ang mga pagsubok na kanilang pagdadaanan?

Ito ang mga katanungan sasagutin sa I Do Bidoo Bidoo na mapapanood na sa Agosto 29, sa mga sinehan nationwide.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN