Cesar Montano is paired with Angel Aquino and Mercedes Cabral in the dramatic thriller Biktima

Cesar Montano (left) is paired with Angel Aquino and Mercedes Cabral in the indie film Biktima. Shot entirely in Bohol, this dramatic thriller is directed by RD Alba.


Aminado si Cesar Montano na marami nang nag-offer sa kanya noon para magbida sa indie movies pero wala nga siyang tinanggap at nagustuhan sa mga ito.

Ngunit sabi nga, “There’s always a first time.”

Sa kauna-unahang pagkakataon ay gumawa siya ng isang indie movie, ang Biktima, sa ilalim ng Alba Productions at idi-distribute ng Star Cinema.

Idinirek ito ng kaibigan ng aktor for 15 years at kababayan ni Cesar sa Bohol na si RD Alba.

Ipalalabas ito sa mga sinehan sa Setyembre 19.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press si Cesar sa presscon ng Biktima kahapon, Setyembre 4, sa pag-aari niyang Bellissimo restaurant sa Scout Rallos Extension sa Quezon City.

Kaagad ngang natanong kay Cesar kung paano siya napapayag gumawa ngayon ng isang indie movie.

Kuwento niya, “Nagkataon na nandun ako sa Bohol at nandun siya [Direk RD] sa Bohol. Tinanong niya gaano ako katagal.

“Sabi ko, ‘Mga ano ako rito, fifteen days.’

“Sabi niya, ‘Kailangan ko lang sa iyo apat na araw lang.’

“’Apat na araw?’ Sabi ko, ‘Pelikula yan, apat na araw mo [lang] ako kailangan?’

“Tapos binasa ko yung script. Sabi ko, ‘Hindi kaya ng apat na araw.’

“Sabi niya, ‘Kaya ng apat na araw.’

“Sabi ko, okay, at yun, shinoot ako ng apat na araw.

“Lo and behold, natapos ako ng apat na araw.

“Noong pinanood ko siya, buo nga yung pelikula. I was there all throughout the film.”

Ang kabuuan ng pelikula ay kinunan sa Bohol.

Ngayong nakaranas na si Cesar na gumawa ng indie movie, ano na ang mas gusto niya: mainstream o indie?

“Ang mainstream naman palaging gusto natin. Iba ang mainstream.

“But I’m always willing to help ang indie filmmakers lalo na kapag may magandang istorya.

“Nandito ako para tumulong talaga, to support ang indie filmmakers.”

Sa katunayan nga raw ay hindi nagpabayad ng talent fee niya si Cesar sa pelikulang ito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

DIREK RD. Kung tutuusin reunion movie nina Cesar at Direk RD ang Biktima.

Nagkasama na sila sa pelikulang Panaghoy sa Suba noong 2004. Pero associate producer si RD sa pelikula habang direktor at aktor naman si Cesar.

First time magdirek ni RD ng isang full-length feature film ngunit puno ng paghanga si Cesar sa kaibigang direktor, na nagtapos ng film directing sa Los Angeles Film School sa Amerika.

Naniniwala nga si Cesar na malayo pa ang mararating sa industriya ni Direk RD.

“Alam mo siguro dahil nakapagtrabaho na siya rito sa ABS-CBN [Regional Network Visayas-Mindanao] before sa television, he’s educated and he learned how to shoot, to make films na kung paano natin ginagawa yun, the way we do it.

“So, natutunan niya yun. Mabilis siya, mabilis siyang mag-anggulo.

“Ako nga naghahanap pa ako ng ibang anggulo.

“Kasi dalawa yung camera namin, two Red cams [Red Digital Cinema Cameras] na ang lente namin is 35 millimeter.

“Kaya ang sabi ko, ‘Aba maganda, okay, okay ito.’”

Ang show na tinutukoy ni Cesar na idinirek ni RD sa ABS-CBN Regional Network ay ang teleseryeng Kapalaran noong 2002 hanggang 2004.

Kabilang sa cast nito sina Joel Torre, Chanda Romero, Pilar Pilapil, Gino Antonio, at Luke Mejares.

Nasundan pa ito ng Milyonaryong Mini noong 2006, tampok naman sina Juliana Palermo, Giselle Sanchez, Cherry Lou at Budoy Mirabilles.

WORKING WITH ANGEL & MERCEDES. Dalawa ang leading ladies ni Cesar sa Biktima – sina Angel Aquino at Mercedes Cabral, na parehong first time niyang makatrabaho.

Sa dalawa, si Mercedes ang mas baguhan pero kilala naman daw siya ni Cesar at alam niya ang mga ginawa nito.

“Alam ko ang mga ginawa niya, artista siya ni Direk Brillante Mendoza. Alam ko kung paano siya magtrabaho, alam ko kung gaano siya ka-dedicated na actress. So, sabi ko it will be an honor for me to work with her.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero nalaman niya rin ba kung gaano katapang at ka-daring si Mercedes maging sa hubaran?

“Well, ako, I don’t see it that way, eh. Siyempre tinitingnan ko yung pagiging artist niya and I respect that.

“Siguro ganun lang siya katapang as an actress.

“Sa atin, iba yung pagka-malicious ng ibang audience, e. Pagdating sa Amerika balewala yun, eh.

“Dito naman, wala naman kaming masyadong love scene.”

May love scene din ba siya kay Angel, lalo na’t ito ang gumaganap na asawa niya sa pelikula, bago nabaling ang atensyon niya kay Mercedes?

“Kay Angel, may kissing scene yata kami ni Angel.”

Puring-puri nga ni Cesar si Angel sa una nilang pagtatrabaho.

“Eto yung first namin ni Angel. And alam mo si Angel gusto kong makatrabaho ulit. Napakagaling, napakabait na aktres at na tao.”

Kasama rin sa cast ng pelikula sina Ricky Davao, Philip Anthony, at may special role ang asawa sa totoong buhay ni Cesar na si Sunshine Cruz. Natanong tuloy si Cesar kung bakit kumuha pa sila ng ibang leading ladies at bakit hindi na lang si Sunshine?

Sagot ng actor-director, “Si Sunshine kasi nakatrabaho ko na rin sa ibang projects ko. Baka sabihin naman komo’t asawa ko e, siya na lang lagi ang kasama ko. Maganda rin naman yung may makatrabaho kang iba. Wala namang isyu kay Sunshine yun.”

INTERNATIONAL FILM FESTIVALS. Ang dramatic thriller na Biktima ay tungkol sa isang babaeng TV reporter na nagngangalang Alice dela Cruz (Angel), na sa pagnanais na magtagumpay sa kanyang propesyon ay sumuong sa isang news coverage sa isla ng Kamandao sa Bohol. Sa gitna ng pag-atake ng mga rebelde, naglahong parang bula si Alice at pinaniwalaang namatay sa naturang pagsalakay. Ang asawa ni Alice na si Mark (Cesar) ay makakahanap ng bagong pag-ibig sa katauhan ng kaibigang matalik ni Alice na si Sandra (Mercedes). Pagkatapos ng anim na buwan ay matatagpuan at babalik si Alice ngunit hindi na siya tulad ng dati.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon kay Cesar, nung gawin nila ang pelikula kasama talaga sa plano nila na maisali ito sa international film festivals.

“Actually, part of our intention na isali talaga ito sa mga international film festival. Mauuna riyan yung sa Sundance this month. Marami pang ibang important international film festivals like yung sa Venice. I think pwedeng-pwede isabak sa abroad kasi bukod sa Pinoy na Pinoy yung tema ng pelikula, universal din ang dating. Actually, hindi lang ako excited dito sa Biktima, excited na rin ako for our next film.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN