Pokwang will join Jose Manalo and Wally Bayola in comedy film D Kilabots Pogi Brothers…Weh!?

(From left) Paolo Ballesteros, Jose Manalo and Wally Bayola star in the comedy film D Kilabots Pogi Brothers...Whew!? They will be joined by Pokwang, Gina Pareño and Jimmy Santos.


Muling mapapanood sa pelikula ang comic duo na sina Jose Manalo at Wally Bayola via D Kilabots Pogi Brothers…Weh!? Ito ay produced ng APT Entertainment at M-Zet TV Production Inc.

Gumaganap ang dalawa bilang magkapatid sa pelikulang ito na mapapanood simula November 28.

Nakausap ng PEP.ph si Jose kagabi, November 13 sa presscon ng D Kilabots Pogi Brothers…Weh!? sa Casa Pura, Quezon City.

Kuwento ni Jose tungkol sa kanilang pelikula: “Istorya ito ng magkapatid sa Tondo, sa baranggay pa rin. Ako rito si Justine at si Wally naman si Bruno.

“May hindi kami pinagkasunduan sa pelikula ni Wally, nagkagalit, nagkagulo, nag-agawan sa negosyo, pati sa babae, nag-agawan.

“Pero yung ending nito, may family values pa rin. Ipapakita rito na magkakasundo pa rin sa bandang huli ang magkapatid, ang magkadugo. Kakalimutan yung hindi magandang pinagdaanan.”

Sa pelikula, si Pokwang ay isang Japayuki na magiging dahilan ng alitan ng dalawang magkapatid pero kay Bruno (Wally Bayola) ito nagpakasal.

Naging woman hater si Justine kahit habul-habulin siya ng balikbayang si Solenn Heussaff.

Magtutulong-tulong ang dalawang magkapatid upang ipagtanggol ang lupang pinaghirapan na gustong kamkamin ng mga ganid na negosyante. Isa sa highlights ng movie ay ang Sto. Niño procession kunsaan mayroong mahabang action scene na puno rin ng katatawanan.

Lahat ng pelikulang nagawa ng M-Zet at Apt Entertainment ay si Tony Reyes ang director. Pero sa D Kilabots ay hindi si Direk Tony kundi si Soxy Topacio ang director nito.

Mai paliwanag si Jose kung bakit hindi si Direk Tony ang naging director nila.

“Si Direk Tony kasi pangmalakasan lang yan e, hindi po…” natatawang sabi ni Jose.

Naging seryoso naman siya nang pinaliwanag niya: “Kasi may ginagawang movie si Direk Tony para sa filmfest [Si Enteng, si Agimat at si AKO].

“Alam naman po natin kung paano yung preparasyon para sa Metro Manila Film Festival, yung paggawa ng script, yung pag-hunting ng location.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“So wala na siyang time para gawan kami.

“Si Direk Soxy po, maayos naman. Magaling si Direk at hindi naman po kami nahirapan na makatrabaho rin siya.”

Si Solenn Heussaff ang leading lady ni Jose sa pelikula. Wala ba silang kissing scene rito ni Solenn?

“Meron. Pero very very light lang.

“Hindi naman sa umaayaw ako. Kaya lang parang naalangan ako.


“Nahawa ako kay Bossing [Vic Sotto], saka kay Tito Joey na kapag gumagawa ng movie, kung hindi naman kinakailangan ng kissing scene, hindi gagawin.


“Saka yung character ko rito, hindi naman kinakailagan talaga na makipaghalikan.”

Anong pakiramdam ng kissing scene with Solenn?


“Kasi si Solenn, napaka-professional,” pag-obserba ni Jose. “Kasi first time ko [na makapareha], kaya nahihiya ako. Kaya yung pakiramdam, wala, nandun kasi yung nerbyos.


“Kasi hindi naman talaga halikan. Wow!”

Hindi komedyana ang GMA-7 actress na si Solenn. Pero nagulat si Jose dahil nagagawa naman daw nitong makipagsabayan sa kanila sa pagpapatawa.

“Yun nga yung hindi namin inaasahan kay Solenn. Akala namin mahihirapan kami. Pero sanay si Solenn, may kalokohan din pala siya sa ulo,”natatawang sabi ni Jose.

May mga adlib ba kayong ginawa sa pelikula o bumase lang kayo sa script para makapagpatawa?

“Mayroon, hindi naman nawawala yung mga adlib-adlib,” sagot ni Jose. “Magaling naman si Direk Soxy.

“Sinasabi sa amin, naka-open kayo rito. Kung ano ang gusto ninyong ilagay, ilagay ninyo. Sasabihin naman niya kung bawal saka hindi pwede.”

“So maganda, magandang tumakbo yung istorya.

“Siyempre nandiyan pa si Nanay Gina Pareño kasama rin namin.

“Nandyan din si Paolo [Ballesteros], si Pokwang, so maluwag na maluwag, e.


“Sa haba nga siguro ng adlib namin, minsan nag-overtime pa kami. Hindi alam kung paanong pagkakasyahin [yung eksena]. Talagang punong-puno ng tawanan yung nangyari.”

Ang ilan pang artista na mapapanood sa D Kilabots ay sina Jimmy Santos, Tirso Cruz III, at iba pa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Close kay Vic Sotto sina Jose at Wally. Kaya naman pumayag si Vic na magkaroon ng cameo role sa D Kilabots.

Kung dati ay ang dalawa ang may cameo role sa mga pelikula ni Vic, ngayon ay baligtad na. Anong feeling nila na pumayag mag-cameo role sa kanilang pelikula si Vic?

“Ganun pa rin parang kami pa rin. Siyempre si Bossing yun, e. Pero lahat ng suporta ginawa niya rito. Kung paano yung mga roles, magandang-maganda.”

May mga basbas pa ba si Vic sa inyo for this movie? Anong sinasabi sa kanila ni Vic?

“Si Bossing hindi naman masyadong nagsasalita yun, e. Pero may mga pasagi siya na ayusin ninyo yung mga ginagawa ninyo. Lagi naman niyang sinasabi yun.

“Nakikita naman namin siya kung paanong nagtatrabaho. So dun na rin kami kumukuha kung paano rin kami magtatrabaho saka kung ano yung mga gagawin namin.”

May mga balita noon na maghihiwalay na sila ni Wally bilang tandem. Gaano katotoo ito?

“Hindi totoo yun,” tanggi ni Jose.

“Siguro sa mga shows na dumarating na siya lang ang nagso-show, minsan ako lang. Yung mga ganoon lang siguro.

“Pero hindi naman maghihiwalay.

“Kapag mga major shows, lagi pa rin naman kaming magkasama, hindi naman kami naghihiwalay.”

Pero dumating na ba sa puntong nag-away o nagkatampuhan kayo ni Wally?

“Yun nga ang pangit sa aming dalawa, hind kami nag-aaway.”

Nagri-rehearse pa ba kayo ng mga skit ninyo bago kayo magpatawa ni Wally?


“Meron ding nire-rehearse. Pero sa amin kasi dun sa nangyayari sa amin ngayon, sa duo namin ni Wally mas ano yung impromptu, e.

“Nasanay kami kina Tito,Vic and Joey na kailangang pakiramdaman.


“Papakiramdaman mo yung isa’t-isa paano lalabas yung comedy. Kasi mahirap yung nagpi-prepara ka ng joke, tapos baka mamaya hindi dumating. Mas mahirap yung ganoon.”

Kamusta na sila ng pamilya niya?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Yung movie, maayos naman,” iwas na sagot ni Jose. “Kung mapapansin natin yung movie, tungkol sa pamilya, ang ganda ng pamilya, e.

“Nag-aaway kami, Pero yung ending masaya kami.”

Mapapanood ang D Kilabots Pogi Brothers…Weh!? simula November 28. Ang premiere night ay gaganapin sa November 27 sa SM Megamall Cinema 9.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN