Cesar Montano on winning another award for portraying Mayor Lim: "Hindi naman ako nag-e-expect, sa totoo lang."

Cesar Montano on Manila Mayor Alfredo Lim: “Pag nagkuwento siya, totoo. Kung ano yung talagang naranasan niya, sinasabi niya, e. Very consistent naman, hindi naman katulad ng ibang pulitikong nakakausap ko na alam mong fabricated.”


Hindi na alintana ni Cesar Montano ang pagod dahil sabay nga niyang ginagawa ang taping ng TV5 teleserye na Never Say Goodbye at ang shooting ng pelikulang The Turning Cradle: The Untold Story of Alfredo Lim.

May target playdate na raw kasi ang pelikula na bukod sa pinagbibidahan niya ay idinidirek pa niya.

“Halfway na kami. We have to finish by January 31 kasi showing na kami sa February 27,” sabi ni Cesar.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press si Cesar sa shooting ng The Turning Cradle sa Army Navy Club sa T.M. Kalaw, Manila, noong Enero 15.

Ang naturang pelikula ay ang pang-apat na filmbio ni Manila Mayor Alfredo Lim.

Ang unang pelikula ay pinagbidahan ng yumaong Rudy Fernandez, sumunod si Ramon Revilla Sr., at pangatlo si Eddie Garcia.

Itatampok sa pang-apat na filmbio ang sikreto ng kabataan ni Mayor Lim na hindi natalakay sa naunang tatlong pelikula.

Noong sanggol pa kasi si Mayor Lim ay iniwan siya ng kanyang ina sa turning cradle ng Hospicio de San Jose, kung saan iniiwan ang mga unwanted babies na gustong ipaampon sa mga madre.

Doon na nga siya nagkaisip hanggang sa matagpuan siya ng kanyang lola at kunin sa ampunan para arugain.

Bukod sa kabataan ni Mayor Lim, ano pa ang tatalakayin sa pelikula?

“Kasi ang daming anggulo ng pelikula, yung crime [fighting], of course.

“Yung relationship niya ng asawa niya. Tapos yung sa kanilang dalawang mag-ina dahil doon nagsimula yung kuwento ko, e, kung paano siya tumibay, kung saan niya kinuha yung kanyang pagkatao, sino ang nagpalaki sa kanya.

“Hindi natin alam kung bakit ba siya naging tough, naging Dirty Harry, saan siya nanggaling.

“Basta yun, everything all from the book of Nick Joaquin.”

Si Nick Joaquin, na isang National Artist for Literature, ang may-akda ng librong May Langit Din ang Mahirap: The Alfredo Siojo Lim Story.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


DISCOVERING MAYOR LIM. Sa pagsasama nila ni Mayor Lim, ano ang na-discover niya sa alkalde ng Maynila?

Sabi ni Cesar, “Pag nagkuwento siya, totoo. Kung ano yung talagang naranasan niya, sinasabi niya, e.

“Very consistent naman, hindi naman katulad ng ibang pulitikong nakakausap ko na alam mong fabricated.”

Yun din daw ang bilin ni Mayor Lim sa kanya—na puro totoo lang din ang dapat ilagay sa pelikula.

“Korek! Sabi nga niya, ‘Kung ano lang yung nandidiyan, yun lang ang ikukuwento natin. Bilin niya yun.

“Siyempre, prior pa doon sa pag-uusap namin, nabasa ko na yung kay Nick Joaquin.

“Doon sa Nick Joaquin book, ako, solved na ako doon, e.

“Nagbawas pa nga ako ng ibang aksyon, e, punung-puno kasi siya ng aksyon.

“Normally, yung mga ginagawa kong pelikula, I have to fabricate an action scene.

“Eto, I have to take out, dismiss some actions scenes kasi masyadong marami at hahaba masyado yung pelikula.

“Ang target lang namin e one hour and forty minutes for this movie.

“Target din namin to join the international film festival, so naka-focus ito doon sa may… ang title kasi, The Turning Cradle, kasi iniwan nga siya doon.

“Doon siya nagkaisip sa Hospicio de San Jose. So, the relationship between him and his mother.”

Bukod sa aksyon, puno rin daw ito ng madadramang mga eksena.

Sabi ni Cesar, “Punung-puno ng drama, ang galing!

“Si Gina Pareño yung nanay. Then yung batang nanay ang kinast namin, yung anak din ni Gina Pareño.

“Yung lola naman, gagampanan ni Gloria Romero; yung lolo, si Spanky Manikan.”

Paano niya pinaghandaan ang pagganap niya bilang si Mayor Lim?

“Tiningnan ko yung ibang pelikula niya, on Mayor Lim, on the policeman, on the tough guy.

“Eto, kinapture ko yung taong Mayor Lim, na maaabot… na makaka-relate ka na noong bata ako naging ganun din ako.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Marunong pa lang umiyak ito [Mayor Lim], yung ganun.

“Kasi every night, umiiyak siya sa Hospicio de San Jose noong naghahanap siya ng magulang.

“So, makaka-relate ang mga tao na taong-tao si Mayor dito.”

Gaganap daw bilang batang Alfredo ang Kapuso child actor na si Miggs Cuaderno.

LEADING LADY. Si Melissa Ricks na ang bagong leading lady ni Cesar sa movie. Ginagampanan ng young actress ang role ng asawa ni Mayor Lim.

Ilang aktres din ang ikinunsidera para sa role kabilang na nga rito sina Anne Curtis, Cristine Reyes, Solenn Heussaff, at Jennylyn Mercado. Pero hindi nga umayon ang schedule ng apat sa shooting days ng pelikula.

Naibalita rin noon na si Denise Laurel na ang gaganap sa role. Pero hindi nagtagal ay nag-backout daw ang aktres dahil sa busy schedule nito sa telebisyon.

Ibinalita na lang daw sa kanya ng casting director nila na si Melissa na ang gaganap sa role. Kailan magsisimulang mag-shooting ni Melissa?

“Next week na magsisimula yung leading lady scenes.”

Napanood na ba niyang umarte si Melissa?

“Ano lang, hindi ako nakababad ng panood sa kanya. But isa iyan sa talagang highly-recommended ng casting director namin.

“Magaling daw umarte.”


ACTING AWARD. May hatid na suwerte kay Cesar ang pagganap niya ng real-life character dahil nananalo nga siya ng acting award.

Tulad ng pagganap niya bilang Jose Rizal sa pelikulang Jose Rizal, kung saan nagwagi siya bilang Best Actor.

Noong nakaraang Metro Manila Film Festival 2012 awards night ay itinanghal naman si Cesar bilang Best Supporting Actor sa pagganap niya bilang si Andres Bonifacio sa pelikulang El Presidente.

“Minsan nakakatsamba-tsamba rin, e,” biro ni Cesar.

Ngayong gaganap na naman siya ng isang real-life character bilang si Mayor Lim, nag-e-expect ba siya na mananalo ulit ng award?

“Hindi naman ako nag-e-expect, sa totoo lang.

“Ang ginagawa ko lang… my first intention ay maikuwento natin nang maayos, nang mabuti na naaayon lang sa katotohanan ang buhay ni Mayor Lim.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Sapagkat yung buhay niya talagang inspirasyon na, e.

“Kung tatanungin n’yo yung aral dito sa pelikula, ang aral is para bang poverty does not dictate your destiny. You are the gatekeeper of your own faith.

“E, kasi si Mayor Lim [noong kabataan niya], nagtitinda ng kakanin, nagsu-shoe shine.

“Pero naging abugado, naging maayos na pulis, naging mayor ng Maynila.

“Sa sarili niyang pagpupursige, sa sarili niyang dedikasyon sa ginagawa niya, may malinis na puso, may maayos na intensyon, doon nagsisimula lahat iyan.”


BOX-OFFICE PRESSURE. Ang tatlong naunang filmbio ni Mayor Lim ay pawang pumatok sa takilya at naging box-office hits. May pressure ba kay Cesar na maging box-office hit din ang pelikulang ginagawa niya?

“Well, pag inisip ko, mape-pressure ako kaya hindi ko iniisip,” biglang tawa ni Cesar.

“Hindi ko iniisip yung pressure.

“Siguro to get rid of that, to stay away with the pressure, siguro ang iisipin ko na lang kung paano ko maaayos yung pelikula at mapabuti yung pelikula, yun lang.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN