Cesar Montano relates unfulfilled plan to do biopic of Juan Luna with the late director Marilou Diaz Abaya


Interesanteng interview ang ibinigay ni Cesar Montano sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong Linggo, January 13, 2013, kaugnay ng bagong teleseryeng Never Say Goodbye ng TV5.
Kabilang si Cesar (o si Buboy, palayaw ng premyadong aktor) sa major cast ng primetime drama series na ito na magsisimulang isahimpapawid sa February 11.
Sa nakaraang taping sa parking lot ng isang maliit na shopping mall sa Baguio City, kumpleto ang halos lahat ng major characters na kinabibilangan nina Alice Dixson, Gardo Versoza, Edgar Allan Guzman, Vin Abrenica, Sophie Albert, and the Superstar herself, Nora Aunor.

Isa si Cesar sa magiging love interest ng character ni Ate Guy sa serye, na nasa ilalim ng pamamahala ni Direk Mac Alejandre.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW
Ang rason daw ng award-winning actor kung bakit siya umoo sa project "Well, of course, Nora Aunor at... ah... ang balikan ng tambalan with Alice. I've worked with Alice a long time ago [in the movie Hanggang Saan, Hanggang Kailan? (1993)]."
With Ate Guy, ang pinakahuling proyekto nila ay isang episode ng Sa Daigdig Ni Nora, isang drama anthology sa IBC-13.
Sa pagpapatuloy ng kuwento ni Cesar, "Show niya, guest niya lang ako...
"Siyempre, dream ko itong makatrabaho ko siya nang ganito kalawak, na malaki yung role, ganito kahaba yung pagsasama namin.
"Dream para sa akin, it's a great privilege for me as an actor."
Kilala si Cesar hindi lang bilang isang aktor kundi as direktor. Paano kung maatasan siyang idirek ang Superstar?
"Naku, that would be a great honor for me," ani Cesar. "Great privilege para sa akin, kung maidirek ko siya."
Ano naman ang kuwento ng gusto niyang gawing pelikula, kung sakali, para kay Nora?
"Les Miserables?" natawang bahagya si Buboy. "Hindi, hindi... musical 'yon, e."
Paliwanag niya: "Kasi, alam mo, ang strength ni Ate Guy, nasa role na mahirap talaga.
"Ilagay mo siya doon, yung talagang kapit na kapit sa lupa, dominion niya 'yon.
"Lalamunin niya lahat [ang makakalaban] nang buung-buo!"
SUPPORT ROLES IN MOVIES. Samantala, sa nakaraang Metro Manila Film Festival 2012, nakamit ni Cesar Montano ang Best Supporting Actor award para sa El Presidente: The Gen. Emilio Aguinaldo Story and the First Philippine Republic.
Ginampanan niya ang papel ni Andres Bonifacio.
Hindi na bago kay Cesar ang manalo sa kategoryang Best Supporting Actor. Sa katunayan, siya ang nagwagi sa portrayal niya sa Ang Bukas Ay Akin sa Gabi ng Parangal ng MMFF noong 1989.
Kung basehan ng estado o pag-angat sa antas bilang isang aktor ang pakanalo ng acting award, either support or lead, may epekto ba kay Cesar Montano ang natamo niyang parangal bilang pangalawang aktor sa isang local film festival?
Okay lang ba sa kanya ang papel na bahagi lang ng kabuuan ng isang historical epic film? O ninais ba niyang maging "parallel story" ng kay Heneral Emilio Aguinaldo ang kay Andres Bonifacio?
Ang sagot ni Buboy, "Of course, bago ko tanggapin 'yon, maliwanag naman na produced ni ER [Governor ER Ejercito o Jorge Estregan] 'yan. He wanted to excel, you know... Alam mo na yung mga bagay na yon, 'e.
"Ako, gusto ko lang siyang suportahan. Kaibigan natin siya. And this film [El Presidente] is about Philippine history din, di ba?
"Halimbawa, kung ako ang gagawa ng Aguinaldo... tao si Aguinaldo.
"Talagang gusto kong makita kung ano'ng klaseng tsinelas ang gamit niya, ano yung... nagtu-toothbrush ba siya paano? Yung mga ganon...
"Hindi siya laging nakasuklay. Papaano ba siya magtanggal ng muta? Gusto kong makita 'yon, as in tao..."
Sa papel na Andres, na kinilalang Supremo ng Katipunan noong panahon ng pakikidigma ng mga Pilipino laban sa mga Kastila, ay mayroon pang nais patunayan si Cesar Montano.
"Yun nga, dapat maisa-pelikula din yung part ni Bonifacio... pero, ang gusto kong approach, tao [si Bonifacio].
"Yun na nga, dini-discuss [din] namin para mabigyan ng... o maipaliwanag kung ano yung katotohanan dun sa part ni Bonifacio, yung kuwento naman niya.
"Kasi, mga Aguinaldo books naman itong pinanggalingan ng mga ito, e," saad pa ni Cesar.
UNFINISHED BUSINESS.Anumang tagumpay na tinatamasa ngayon ni Cesar, "malaki rin ang impluwensiya sa akin ni direk Malou."
Ang tinutukoy niya ay si Marilou Diaz-Abaya, na siyang nasa likod ng award-winning films ni Cesar na Jose Rizal, Muro Ami, at Bagong Buwan.


Sumakabilang-buhay ang award-winning direktor noong Oktubre 8, 2012, at kabilang sa mga naiwan at naipamana nito sa ilang pinagkatiwalaang makabagong henerasyon ng filmmakers ay mga materyal (kuwento, dulang-pampelikula, konsepto) na binalak gawing full-length films.
Ang kuwento pa ni Buboy, "We're supposed to do Luna Y Luna, kuwento ni Antonio Luna at Juan Luna... pero tragic 'yon.
"Ang ganda! Yung napatay niya yung asawa niya at saka yung mother-in-law, sa Paris.
"Nando'n pa rin yung bahay nila sa Paris. Nakipag-meeting na ako sa pamilya nung wife ni Luna.
"Si Ben Cab, nandon din. Siya yung magtuturo sa akin ng pagpipinta," banggit pa ni Cesar.
Ang tinukoy ng aktor ay si Benedicto Reyes Cabrera, National Artist for Visual Arts (2006).
"Nando'n na kami, may gano'n na kami, e. Nagsi-synopsis na kami."
Ang nadiskubre pa raw ni Cesar, sa pagsasaliksik na 'yon hinggil sa "pribadong buhay" ng bayaning si Juan Luna ay, "Lahat ng mga pictures ni Luna, pinunit! Punit na sa pamilya. Kaya pala wala kang makuhang matinong pictures no'n.
"Personal na 'yon. Isipin mo yun, taga-Norte, tama? Ilocos yun..." sambit pa ni Buboy.

DREAMING BIG. Isa pa sa mga naudlot na plano ay ang pagsasapelikula ng kuwento ni Ninoy Aquino.
Gayunpaman, nagpapasalamat siya dahil natuloy ang pagganap niya bilang alkalde ng Maynila na si Alfredo Lim.
Para ba sa darating na local elections ang film biography na ito?
"Not actually, but... makakatulong. Pero lalabas ang pelikula, next month, February 27," banggit ni Cesar hinggil sa tinatapos na period film.
Pagkatapos ng kuwento ni Mayor Lim, ano naman ang gusto pang ikuwento ni Cesar na base rin sa tala ng kasaysayan ng bansa o ng ating lahi?
"Meron akong inaayos ngayon, nakipag-meeting na ako kina Viola [Irene Yorston, wife of Alejandro Roces]... mga anak niya..."
Si Alejandro ay isang National Artist for Literature, at naging secretary ng education mula 1961 hanggang 1965, at chairman ng MTRCB (Movie and Television Review and Classification Board) noong 2001.
Pinarangalan din siya ng The Rizal Pro Patria Award dahil na-recover niya ang mga ninakaw na manuscripts ng ating national hero.
"Pinatutubos ng 1.4 million. Kuwento ni Ambeth Ocampo [journalist-historian]. Then, ang nakakatuwa, naisoli din ang mga ito nang walang kapalit na pera. Naibalik because of Alejandro Roces...
"Pinatutubos ng 1.4 million, una. Pinababa niya ng 500 [thousand pesos], wala pa ring pera ang gobyerno para tubusin. Ang laki, e.
"So, naibaba pa nga ng 100 thousand [pesos]. Wala pa rin, di pa rin mabayaran.
Ten thousand [pesos] na lang, hindi pa rin. [Ang sabi raw ni Alejandro], 'Wala pa rin akong maibibigay sa 'yo...'"
Hindi naglaon, "Ibinalik din [nang] walang kapalit pero may kundisyon: 'Hindi mo puwedeng sabihin kung sino kami!' sabi kay Alejandro Roces.
"Kaya until now, hindi natin alam kung sino...
Sabi kasi, nung kausap niya [nagnakaw] sa phone [si Alejandro], 'Ang ganda!' Binabasa niya [nagnakaw] yung Noli, 'Secretary Anding [palayaw ni Alejandro], ang ganda naman po pala nitong Noli.'
"So, siguradong elitista itong ano... [nagtago ng manuscripts] at marunong bumasa ng Kastila..." ang masayang pag-alala ni Cesar.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN