MTRCB chairman Toto Villareal shows support for the ANAK TV Family Fun Walk


Maaga pa lang ay nagtitipon-tipon na ang mga network executives ng halos lahat ng TV stations at mga opisyal ng Anak TV Foundation last January 27 para sa ANAK TV Family Fun Walk sa University of the Philippines Sunken Garden, UP Diliman, Quezon City.

Isa rin sa lumahok sa nasabing "walk for a cause" na ito ay ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Chairman na si Atty. Toto Villareal at ilang tauhan nito.

Bago pa man siya sumabak sa lakaran, napagbigyan muna niya ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ng isang panayam kung saan idinetalye niya kung bakit nga ba nakikilahok ang kanilang ahensiya sa event ng Anak TV.


Paliwanag ni Chairman Villareal, may kaugnayan kasi ang kampanya ng Anak TV sa kampanya naman ng MTRCB. Aniya, “Nag-iikot kami sa iba’t ibang mga lugar, para sa aming ‘matatalinong panonood’ road shows, sa mga grassroots sa mga probinsiya. Pinapaigting namin ang empowerment ng pamilya kung kaya’t nandito kami sa ‘Anak TV Fun Walk’ upang ipakita ang aming suporta. Tuloy tuloy ito kasi before the end of the year, magkakaroon po ang MTRCB ng 'Family Summit,' kumbaga umpisa lang 'to and katulong namin ang ANAK TV sa proyektong ito.”

Ano naman kaya ang adhikain ng proyekto nilang ‘Family Summit?’ Tugon ni Chairman Villareal, “Ang adhikain ng Family Summit ay mabigyan ng lakas ang pamilya lalo na ang mga magulang upang ma-determina kung ano yung content o mga materials ng media na natatanggap ng kanilang mga anak...na maging mapanuri ang ating mga kabataan kung ano ang kanilang mga pinapanuod.”

Noong nakaraang taon, sinimulan ang MTRCB ng kanilang panibagong classification na R-16. Ano ba ang kaibahan nito sa R-18? Paliwanag ni Atty. Villareal, “Ang R-18, nasa tema, yung super na mabigat na tema ay nilalagay natin sa yan R-18, subalit may mga tema rin na kumbaga bagay sa mga mas nakakabata, pero yung treatment ay hindi masyado kumbaga dark, o masahol, minsan sa R-16 may super malakas na mga lenguwahe, puwedeng may amount of violence na naiintindihan ng isang 16 year old.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ang R-18 mas adults na 'yan, e, so parang mas may pagrespeto na sa kanilang pag-discern ng pinapanuod nila.”

Sa ngayon daw patuloy sila sa kanilang pag-iikot sa mga probinsiya dahil, “Ngayon ang MTRCB ay umiikot at gusto naming ma-involve ang grassroots.”

Ano nga ba ang gusto niyang proyektong magiging legacy niya sa loob ng kanyang pamumuno?


Paliwanag ni Chairman Villareal, “Kumbaga ang legacy ko kailangan ang MTRCB dama ng bawat Pilipino hanggang sa pinakamaliit na baryo dahil ang pinakamaliit na baryo ngayon—noong kami ay umiikot—ay may telebisyon. In fact nasa dining room nila, kahit maliit na dining room ay may telebisyon na naka-on alas sais pa lang ng umaga, kumbaga kailangan natin mapaabot 'to. At hangad rin namin na in our own way maka-contribute kami sa pagpa-paaunlad ng industriya ng telebisyon at ng film. Gusto ko makita ang aming ahensiya [ng publiko] at mga networks producers at mga film producers na kami ay katuwang at hindi kumbaga ay parang adversarial sa kanila.”

Nitong mga nakaraang taon ay naging controversial ang MTRCB sa pagkakaroon nito ng conflict sa mga TV stations at mga film producers. Sa kanyang term kaya ay inaasahan niya ang mga ganitong hindi pagkakaintindihan?


Pag-sang-ayon niya, “Natural na minsan ay meron hindi pagkakaunawan. Sa umpisa lang 'yan. Naniniwala ako na kahit pa noong ako pa lang ay nag-uumpisa pa lang sa board na inatasan ako ni Mam Grace Poe [Llamanzares, former MTRCB Chairman] na kumbaga pumagitna doon sa maraming issue at natutuwa ako after nung ma discuss kung saan nanggaling ang mga networks lalo na yung three major networks ay magugulat kayo na nag-aagree kami sa bandang huli at meron pang…kumbaga tinutulungan namin sila kung paano, na tinatawag naming itong ‘best practices.’"


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN