Coco Martin on Julia Montes: “Sa haba ng pagsasama namin ni Julia, sabi ko nga hindi masama na ma-in love."



Napuno ng kilig ang buong Dolphy Theater sa ABS-CBN compound noong Pebrero 5 dahil sa tila ligawang nangyari on stage kina Coco Martin at Julia Montes sa presscon ng pinagbibidahan nilang pelikulang A Moment In Time.


Ang Valentine offering ng Star Cinema, na ipapalabas sa mga sinehan simula February 13, ay sa ilalim ng direksyon ni Emmanuel “Manny” Palo.


Sa naturang presscon, kinulit ni Coco si Julia na dapat siya na ang kuning escort ng leading lady sa 18th birthday nito sa March 19. Nababalitaan niya raw kasi sa iba na gusto siyang kuning escort ng young actress. Pero sabi ni Coco, “Nababalitaan ko pero hindi niya ako dini-direct. Siyempre hindi naman niya sinasabi sa akin na, ‘Hoy, pwede ba kitang maging escort?’ Actually, nag-e-expect din ako. Siyempre, di ba, ang sakit naman nun. Pag sinabi mong iba ang kinuha mong escort, ibig sabihin basted. Pero pag kinuha kang escort, may puntos.”


Kinumpirma naman ni Julia na totoong hindi niya pa personal na natatanong si Coco kung pwede niya ba itong maging escort sa debut niya. Dahil sa pangungulit ni Coco ay sa mismong presscon na inimbitahan ni Julia ang actor para maging escort niya.


Pero may pahabol pang kundisyon si Coco kay Julia na labis namang ikinatawa at ikinakilig ng mga dumalo sa presscon lalo na ng fans ni Coco. Ayon sa Juan Dela Cruz star, “Pag ako ang kinuha mong escort ibig sabihin may posibilidad na maging tayo. Siyempre, kumbaga espesyal ako sa puso mo pag kinuha mo akong escort.”


Hindi naman nag-deny ni Coco na may espesyal din siyang nararamdaman kay Julia dahil na rin sa tagal nilang nagsama sa ABS-CBN teleserye na Walang Hanggan at tumuloy hanggang sa Star Cinema movie na A Moment In Time.


“Sa haba ng pagsasama namin ni Julia, sabi ko nga hindi masama na ma-in love. Sa haba ng pagsasama n’yo napaka-imposibleng wala kang maramdaman sa tao. Kaya nga after Walang Hanggan, ako ang nag-ano na sana after ng soap opera sana makagawa pa kami ni Julia ng pelikula. Kumbaga gusto ko pa, e, gusto ko pang magkasama kami.”


Naisip niya rin ba na sana hindi ganung kabata si Julia para pwede na niyang ligawan talaga si Julia?


“Siyempre minsan sumasagi sa isip ko yun.”


Pero mukhang hindi pa handang pumasok sa isang relasyon si Julia. Aniya nga, “Wala pa po kasi ako masyado dun sa point na relationship agad yung iisipin ko. Pero si Coco kasi mabait po siya at talagang maalaga. So, yun kinikilala ko pa naman po.”


CHERIE GIL AND GABBY CONCEPCION. Tila sumali naman sa pambubuyo ng press at fans kina Coco at Julia sina Gabby Concepcion at Cherie Gil, na kasama rin sa cast ng A Moment In Time. Nakisali kasi si Gabby nang tanungin niya si Coco kung may pag-asa bang maging sila ni Julia.


Natatawa namang sagot ni Coco, “Sa akin, sabi ko nga tayo ay paabang-abang lang, waiting-waiting lang. Hinihintay pa natin yung tamang pagkakataon para kay Julia.”


Maging si Julia ay tinanong ni Gabby kung may pag-asa ba si Coco sa kanya. Sagot naman ni Julia, “Wala pa namang ligaw, so yun.”


May pahaging na advice naman si Cherie kina Coco at Julia. Ani Cherie, “I have to say that behind the scenes, I’ve worked with a lot of loveteam-loveteam, pero they have a very wholesome camaraderie. Para silang best friends. They’re both young and walang malisya and they’re a good tandem. But I just learned that if you should marry someone, you should marry your best friend.”


COCO DANCES FOR THIS MOVIE. Samantala, ibinigay na raw ni Coco ang lahat ng kaya niya para sa ikagaganda ng pelikulang ito.


Sabi ng aktor, “Itong pelikulang ito itinaya ko na lahat pati kaluluwa ko, e. Kasi maraming bagay na kumbaga sa pagkatao ko, sa pagkakilala ko sa sarili ko na hindi ko kayang gawin. Kasi nga kahit ito nga ang trabaho ko, nag-aartista ako, kailangan malakas ang loob ko, kailangan halos lahat pwede mong gawin o kaya mong gawin.


“Sabi ko yung pagsayaw-sayaw ko lang at pagkanta-kanta ko rito sobrang labag sa loob ko iyan sa totoo lang dahil hindi ko talaga kayang gawin lalo na sa harap ng maraming tao. Pero noong sinabi nila na kailangan itong eksenang ito, kailangan mong gawin.


"Pikit-mata ginawa ko yung eksena. Sinabi ko nga, ‘Direk, sinangla ko na yung kaluluwa ko dito ha.’ Todo na pati panabla rito kaya sabi ko wala na akong ibang maipapakita after this movie.”


Bukod kina Coco, Julia, Cherie at Gabby, kasama rin sa cast ng A Moment In Time sina Zsa Zsa Padilla, Ella Cruz, Joseph Marco, at ang kambal mula sa Pinoy Big Brother Teen Edition 4 na sina Joj at Jai Agpangan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN