Richard Gutierrez says about My Lady Boss leading lady Marian Rivera: "Ngayon mas intimate na ‘yong mga eksena namin at mas daring na."

Mas mature na raw ang mga karakter nina Richard Gutierrez (left) at Marian Rivera (right) sa comeback movie nilang My Lady Boss. Kung sa pelikulang My Best Friend’s Girlfriend (2008) ay wala silang kissing scene, ngayon ay pumayag na raw sina Richard at Marian na gumawa ng “intimate scenes.”


Muling magtatambal sa isang pelikula sina Marian Rivera at Richard Gutierrez, ang My Lady Boss.

Ito ang itinuturing na “comeback movie” ng dalawa, dahil limang taon na rin ang nakalipas nang gawin nila ang pelikulang My Best Friend’s Girlfriend (2008).

“Siguro po dahil sa magkaiba rin po kami ng ginagawa,” tugon ni Marian nang tanungin kung hindi ba siya nainip sa tagal ng panahon bago sila magkasamang muli sa pelikula.


Sinabi niya ito sa presscon ng My Lady Boss noong March 19 sa Imperial Palace Suites kunsaan naimbitahan ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ibang entertainment media.

“May ibang project siya [Richard], hindi nagkaka-swak ‘yong schedule namin.

“At siguro maganda rin ‘yong hindi pinipilit, ‘yong kusang dumadating ang isang proyekto na para talaga sa amin.

“Kasi mahirap gawin ang isang bagay na pilit na pilit, e. So at least mahabang proseso, pinag-isipan ‘yong kuwento, at sa muling pagtatambal namin ni Richard ay mas mature kami.

“May mga eksena kaming hindi namin nagawa before, pero dahil nag-mature kami parehas, nagawa namin siya ngayon.”

KISSING SCENES. Sinang-ayunan naman ni Richard ang sinabing iyon ni Marian.

Dagdag pa niya sa pagiging “mature” ng roles nila, “‘Yong intimate scenes namin ni Yan [Marian], parang sabi nga ni Yan, parang ngayon lang kami nagkaro’n ng maayos na kissing scene, unlike noon na pa-smack, smack lang.

“So ngayon mas intimate na ‘yong mga eksena namin at mas daring na, pati si Yan makikita ninyong very daring dito.”

Naintriga naman ang marami sa sinabing ito ng Kapuso actor. Kaya naman tanong ng isang miyembro ng entertainment press kung ilan ang kissing scenes nila.

Hindi naman daw mabilang ng aktor kung ilan. Paliwanag pa niya, “Si Direk Jade [Castro], gusto kasi niya maraming anggulo, so maraming execution.”

Pero nang tanungin si Richard kung kamusta ka-kissing scene si Marian, sumagot ito ng “Okay naman…”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Napatanong tuloy si Marian: “Talagang ‘okay naman?'” Natawa ang miyembro ng press dahil sa pagbibirong ito ng dalawang Kapuso stars.

Nagpatuloy naman sa pagsasalita ang Temptation of Wife actress. Aniya, “Alam mo, hindi masasabi ‘yan.

“Bilang artista kailangan alam mo kapag nag-role ang camera, hindi na si Chard [Richard] at hindi na si Marian.

“Ngayon hindi mo masasabi kung anong pakiramdam ng pakikipaghalikan, [dahil] hindi ikaw mismo ang character na ‘yon.”

Dagdag pa ng Kapuso actress, “Nag-usap kami ni Chard sa pelikula na ‘to, na lahat gagawin namin para sa pelikula na ‘to.

“Kaya kahit pa sabihin ni Direk na, ‘Oh, kunan natin ibang anggulo,’ wala kaming angal.

“Kasi nag-usap kami, bago pa magsimula ang shooting nag-usap kaming dalawa, alam na namin ang gagawin namin kahitn paulit-ulit pa.”

THE PLOT. Ang kuwento ng My Lady Boss ay iikot sa mga karakter na sina Evelyn (Marian) at Zach (Richard).

Si Evelyn ay striktong brand manager ng isang electronic company. Siya ang breadwinner ng kanyang pamilya, kaya naman todo siya sa pagtatrabaho upang masuportahan ang kanyang mga kapatid at magulang.

Si Zach naman ay isang mayamang binata, na kinailangan mag-apply at magtrabaho sa ibang kompanya dahil bumagsak ang kanyang negosyo. Siya ang makukuhang bagong assistant brand manager ni Evelyn, na sa simula pa lamang ay hindi na niya nakasundo.

Gayunman, magbabago ang lahat habang tumatagal ang panahong magkasama sila. Lalo pa silang magkakakilala matapos makipaghiwalay ang nobyo ni Evelyn sa kanya, dahil na rin sa magkaiba sila ng priorities sa buhay.

Maaari kayang umusbong ang pagmamahalan sa pagitan ng isang boss at isang empleyado? Makaapekto kaya ito sa kanilang trabaho? O pipiliin nilang tapusin ito para na rin sa kapakanan ng isa’t isa?

Bukod kina Marian at Richard, kasama rin sa pelikula sina Rocco Nacino, Ruru Madrid, Dion Ignacio, Sef Cadayona, Tom Rodriguez, Jace Flores, Princess Snell, Petra Mahalimuyak, Matet de Leon, Bianca Umali, Regine Tolentino, Gerard Pizarras, Pinky Amador, at Jackie Lou Blanco.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Mayroon ding special participation sina Ronaldo Valdez, Sandy Andolong, at Maricel Laxa-Pangilinan.

Mapapanood sa mga sinehan ang My Lady Boss sa April 10, 2013.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN