Nora Aunor is cast as a folk healer in Ang Kuwento Ni Mabuti


Nagsimula nang mag-shooting ang Superstar na si Nora Aunor para sa kanyang bagong indie film, Ang Kuwento Ni Mabuti, na mula sa panulat at direksiyon ni Mes De Guzman.


Si Direk Mes din ang co-producer ng indie feature, sa pamamagitan ng Sampay Bakod Productions-CineLarga, katuwang ang kanyang asawa na si Rhea De Guzman, na nagsisilbi bilang line producer.


Ang Kwento Ni Mabuti ay isa sa 8 entries na napili mula sa 146 entries na sumali sa 1st edition ng CineFilipino.


(CLICK HERE to learn more about the competing entries in CineFilipino)


March 20 nai-schedule ang unang araw ng shoot. Ginanap ito sa isang liblib na baranggay (Darapidap) sakop ng Aritao, Nueva Vizcaya, a six-hour drive from Manila.


Pasado alas-siyete ng gabi nakunan ang unang dalawang eksena ni Ate Guy, involving the actress and some local kids (Nueva Vizcaya-based), pawang mga babae na nakapasa sa audition na isinagawa ng CineLarga sa ilang eskuwelahan sa Nueva Vizcaya.


Ayon sa line producer na si Rhea, mahigit sa isandaang kabataan ang in-audition upang gumanap na mga apo (grandaughters) ni Ate Guy. Ang Superstar ay gaganap bilang si Mabuti, isang karaniwang hilot (folk healer) at albularyo (herb medic) sa liblib na pook sa may hilagaan (northern province).


Sa kuwento ay may dalawang anak si Mabuti (Nora): sina Ompong, gagampanan ni Arnold Reyes; at Lucia, na gagampanan ng young actress na si Mara Lopez.


Kasama rin sa cast si Sue Prado, bilang si Nelia; a pivotal character, na magiging kaibigan ni Mabuti at magiging daan para ma-test ang kanyang pagkatao.


Playing Nora's mother is another local veteran, 65-year old former school principal, Josephine Estabillo, as Apong Guyang.


In Nueva Vizcaya, great grandmothers are called "Apong"; grandmothers are called "Nanang"; and mothers are called "Inang."


Nora, therefore, is "Inang" Mabuti in this indie film; she is poor but contented, has "problems" with her children but love them, unconditionally; she is meek and principled and this will show until the story's end.


Another "first" for Ate Guy is that she will speak Ilocano throughout the film.


Ayon kay Nora, enjoy siya sa mga unang ginawang eksena.


"Oo, siyempre naman," bungad niya sa maikling panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) in-between takes.


"Lahat ng gagawin natin, enjoy ako... siyempre, nasa puso 'yan."


Did Nora find it difficult to speak her lines in Ilocano? Hindi ba ito mahirap para sa isang Bicolano na tulad niya?


"Hindi naman," sabi ni Ate Guy. "Bakit naman ako mahihirapan, hindi naman ako nagi-internalize [in Ilocano], e.


"Ang ini-internalize ko yung sakit ng paa ko..." pabirong sabi ni Nora.


FIRST DAY "JITTERS". Ang namamagang kanang paa ay iniinda pa ni Ate Guy mula nang dumating siya mula sa U.S. noong March 3. Mahapdi ang paa niya noong dumalo siya sa mga awarding ng NCCA-Ani ng Dangal, PMPC Star Awards for Movies, at Asian Film Awards (AFA) sa Hongkong, at bumalik ng bansa noong March 19.


Sa katunayan, noong bumiyahe sina Ate Guy at mga kasama papuntang Nueva Vizcaya last March 20, kumikirot pa rin ang kanyang kanang paa.


Pero sa kabila ng pamamaga niyon, pinilit din ni Ate Guy na tapusin ang naitakdang kunang dalawang sequences nang gabing yon.


Nangiti si Ate Guy pagkabanggit ng biro. "Pero, magaling si Direk [Mes]. Oo naman," sabi rin niya.


It was past 9 p.m. at pusikit ang kadiliman sa set na napapaligiran ng matataas na puno sa may bulubundukin ng Darapidap, Nueva Vizcaya.


Ang nilikhang set ng produksiyon, sa pamamagitan ng Art Department na pinamumunuan ni Cesar Hernando, production designer, ay mistulang totoong barung-barong na nasa may itaas ng elevated land area, overlooking a small creek, sa paligid ng magandang foliage na nasa gitna ng matataas na bundok.


Napaka-matulain ng location at ito ang magiging mundo ni Mabuti at ng iba pang tauhang uugnay sa central character.


Bukod kay Hernando, kabilang sa staff ni Direk Mes sina Albert Banzon (director of photography), John Paul "Japo" Joaquin Escobedo, acting coach at aktor; at veteran actress, Amable "Ama" Quiambao, na mayroon ding cameo appearance, kasama si Ate Guy.


Ang unang appearance ni Ama Quiambao sa pelikula ay bilang si Sepa sa pelikulang Himala (1982) ni Ishmael Bernal.


Last year, bida naman si Ama sa Cinemalaya New Breed entry, Diablo (2012), ni Mes De Guzman. Nanalo siya ng una niyang Best Actress award sa nasabing indie film na nagwagi ring Best Film at iba pang major awards (for Direction and Screenplay) sa 8th Cinemalaya Film Fest.


Sa Ang Kuwento Ni Mabuti ay magre-reunite sina Ama at Nora pagkatapos nilang magkasama sa Himala, kunsaan bida si Nora bilang Elsa, ang lead character. Incidentally, itinanghal ng PETA kamakailan (March 15 - 24) ang Himala: A Celebration of the Musical, sa direksiyon ni Soxy Topacio.


CELEBRATION OF LIFE AND LANGUAGE. Sinasabi ngang ang kaluluwa ng isang bansa ay ang taglay nitong wika.


Bakit Ilocano ang napiling maging lengguwahe ng pelikula?


"Actually, ang gusto ko dito, pure Isenay," banggit ni Direk Mes sa PEP.ph. "Kasama 'yon sa iba't ibang language sa Nueva Vizcaya: may Ibanag, merong Cagdang...


"Yung isang lead character, si Apo Guyang, yung matanda, na pinaka-nanay ni Ate Guy dito, marunong siyang mag-Isenay, e.


"Ang gandang pakinggan [ng Isenay], parang ibon sila pag nag-uusap. Kaso, sabi ko, parang kulang sa oras.


"That time, parang hindi pa namin nakukuha ang commitment ni Ate Guy, e. Siguro, kung mas maaga... kung nasabihan kami, by January, maipapadala ko yung script, na Isenay [ang dialogue].


"Maganda, e. Siyempre, wala pang gumagawa ng gano'n."


For lack of time, hindi natuloy na gawing Isenay ang dialogue. "Sabi ko, sige, ang compromise ko, Ilocano na lang. Which is isa din sa mga lengguwahe dito sa Nueva Vizcaya."



"INANG" ILOCANA. Sa sumunod na shoot, on March 21, maaga ang call time ni Direk Mes para sa kanyang artistic staff.


Same location, sa barung-barong ni Mabuti at Apo Guyang; at ng mga apo, na kabilang sa kinunang eksena ang isa sa mga ito, si Angge, ginampanan ni Angela Ordinario. Ang tatlong iba pang batang tubong-Nueva Vizcaya ay sina: Trinity Aragon, as "Kate Winslet"; Kathleen Luales, as Katkat; at Safron Ventura, as Lenlen.


Sa kuwento, ang mga apo ni Mabuti (Nora), ay anak ni Lucia (Mara Lopez), sa iba't ibang lalake.


Pagdating ni Nora sa set, around 9 a.m. ay handa nang mag-roll ang camera, at agad ngang kinunan ang eksena; hinihilot ni Mabuti ang apong si Angge, habang nagwawalis sa bakuran si Apo Guyang. Light, heartwarming scene ang kinunan, between "Nanang" Mabuti and her apo, na nasusungitan kay Apo Guyang. Nagtatawanan ang mag-lola (Nora at Angela).


Next, ang eksenang pinuntahan si Mabuti ng dalawang binata (in cameo appearance), dahil nakagat ng aso ang isa sa mga ito.


Galing sa pagpapakain ng mga alagang manok at pamimitas ng mga tanim na gulay si Mabuti. Agad niyang pinatuloy ang magpapagamot sa itaas ng bahay niya.


Ate Guy, as Mabuti, asked, "Amar ti napasamak? [Ano'ng nangyari sa kanya?]...


Ang mga sumunod na dialogue, ay ugnay sa paggamot ni Mabuti sa binatang nakagat ng aso.


Aniya, "Imbag ta haan nga nauneg..."... at "Agimbag ni Nonong, ngen mapukaw wen ti sakit ken rabies..."


Sa huli, may pasalubong na mga gulay at saging na saba ang dalawang binata, as "tokens" sa pabor na hiningi kay Mabuti.


"Apu! nagabala kayu pay...," nangiti si Mabuti, bilang pagpapasalamat.


Sa kanyang mga ginawang eksena ay natuwa ang lahat kay Ate Guy, sa pangunguna ni Direk Mes at ng Ilocano dialogue coach, Ms. Edelyn Laguit, na siya ring production manager.


"Ang bilis niyang pumik-ap ng mga salitang Ilocano; mabilis mag-memorize, bukod sa mahusay talagang umarte," sabi ng dialogue coach.


Ayon kay Ms. Rhea, ang unang script ng Ang Kuwento Ni Mabuti ay ni-revise, upang mas umakma sa edad at personalidad ni Nora Aunor.


"Para sa kanya talaga ang pelikulang ito," sabi rin ni Direk Mes.


Ang Kuwento Ni Mabuti ay official entry sa gaganaping 1st Cine Filipino Film Fest (June 26-July 4, 2013).

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN