Marvin Yap and Aldrico Lubaton to star in indie film Kapit sa Patalim

Marvin Yap (left) and Aldrico Lubaton (right)



Malaking inspirasyon si Coco Martin para sa mga baguhang indie actors ngayon.

Nais din nilang marating ang kinalalagyan ngayon ni Coco na unang nakilala sa mga controversial at award-winning indie films tulad ng Masahista, Serbis at Kinatay. Dahil sa mga ito ay nakilala si Coco bilang Prince of Indie Films.

Ngayon ay dalawang baguhan sa indie films ang nais sundan ang yapak ng kanilang idolo. Ito ay ang character actor ng ABS-CBN na si Marvin Yap at ang model-turned-indie actor na si Aldrico Lubaton.

Pareho silang bida sa indie film na may titulong Kapit Sa Patalim na produced ng EFB Films at mula sa direksyon ni Lauro Mira.

May theatre background si Marvin Yap. From grade school to high school ay nasubukan na siyang umarte sa mga school plays at nakapag-attend na siya ng ilang acting workshops.

Unang na-introduce si Marvin sa indie film na Hada na dinirek ni Lauro Mira. Nasundan ito ng iba pang indie films na OFW’s Wife, Pukaw at Boy Onse.

Dahil sa exposure niya sa mga indie films na ito kaya naging daan iyon na mabigyan siya ng ilang projects sa telebisyon.

“Kahit nga po mga sexy ang mga indie films na ginagawa ko, hindi iyon naging hadlang mabigyan ako ng trabaho sa TV.

“Thankful nga po ako at sa ABS-CBN pa ako nagkaroon ng mga sunud-sunod na shows.

“Mostly naman, patawa ako sa mga series na ginagawa ko—sidekick ng bida, sidekick ng kontrabida—basta lagi akong nagpa-punchline.

“Sani kasi ng manager ko [Joel Mercado] na natural kasi sa akin ang magpatawa. Masayahing tao ako at palabiro. Kaya ang mga roles ko kailangan nagpapatawa ako.

“Nagpapasalamat ako na hindi tayo nababakante. Siguro yung pagiging professional ko at pagmamahal ko sa trabaho ang dahilan kung bakit sunud-sunod ang trabaho natin,” diin pa ni Marvin.

Lumabas na si Marvin sa mga teleserye na I Love Betty La Fea, Muntik Na Kitang Minahal, Katorse, May Bukas Pa, Rubi, Noah, Buhawi Jack, Minsan Lang Kita Iibigin, Budoy, Aryana at sa sitcom na Toda Max.

Ngayon ay kasama rin siya sa drama na Huwag Ka Lang Mawawala kunsaan bida si Judy Ann Santos.

Hindi naman hangad ni Marvin ang maging bida. Tama na raw ‘yung sumusuporta siya dahil nakakatrabaho niya ang iba’t ibang mga artista.

“Nagbibida naman tayo sa mga indie films. Okey na iyon. Sa TV, okay lang na support tayo. Mas enjoy kapag hindi ikaw ang bida. Wala ang pressure ng show sa iyo,” ngiti niya.

Magiging bahagi ng mainstream film si Marvin para sa Star Cinema, isang horror film titled Pagpag.

“Hopefully ito na ang simula nang pagpasok sa mainstream films. Tulad nga ni Coco, unti-unti niyang ginawa ang pagpasok sa mainstream hanggang sa nakilala at lumaki ang pangalan niya.”


ALRICO LUBATON. Ang model-turned-actor naman na si Aldrico Lubaton ay isang beterano na sa pagsali sa mga male pageants in Mindanao. Pinsang buo niya ang dating Bb. Pilipinas-Universe 1998 na si Jewel May Lubaton.

Nakapanalo na siya ng higit na 13 titles kabilang na ang Ginoong Surallah in South Cotabato; Ginoong Koronadal; Mr. Globe Philippines at Mr. UNO Philippines.

Si Aldrico rin ang reigning Ginoong Davao. Kasalukuyan din na endorser siya ng isang malaking mall sa General Santos City at isang networking company in Davao City.

Nagsimulang umarte si Aldrico sa isang short film titled Kristo. Doon nagsimula ang kanyang pagpasok sa mundo ng indie films.

“Bukod sa modelling, gusto ko rin na masubukan ang umarte.

“It just so happens na nag-audition ako for this short film titled Kristo at ako ang gumanap na Jesus Christ.

“From there, nagkaroon na tayo ng offers to do indie films.

“Naisip ko nga na sa indie nga nagsimula si Coco Martin who is one of the biggest actors today sa showbiz.

“Siya kasi ‘yung nag-angat ng level ng mga indie actors. Kita n’yo naman naging successful ang pagpasok niya sa mainstream at isang big star siya ngayon sa bakuran ng ABS-CBN 2.

“Wala namang masama pangarapin natin ang narating ni Coco, ‘di ba? Ang importante ay ‘yung may pangarap at may goal tayo sa buhay.

"And I hope na stepping stone itong paggawa ko ng Kapit Sa Patalim," ani Aldrico.

Ang pelikulang Kapit Sa Patalim ay tungkol sa dalawang half-brothers na magkaiba ang paniniwala sa buhay. Yung isa ay praktikal sa buhay samantalang yung isa ay may prinsipyong pinanghahawakan.

“It’s all about the realities of life,” paliwanag ng director na si Lauro Mira.

“May mga ginagawa tayong mali, hindi dahil sa kagustuhan natin pero dahil kailangan nating mabuhay.

“Meron namang pinaninindigan nila ang mga kinalakhan nilang prinsipyo sa buhay. Dito magka-clash ang dalawang half-siblings.

“Sino ba ang tama at sino ang mali?”

Ang iba pang co-stars nga nila Marvin at Aldrico sa Kapit Sa Patalim ay sina Mel Martinez, Melissa Mendez at Mel Kimura.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN