Maricel Soriano recalls best lesson she learned from the late Dolphy



Dahil malapit nang ipalabas ang Momzillas, ang pelikulang katatapos lang gawin ng Diamond Star na si Maricel Soriano, live na humarap sa The Buzz noong Linggo si Maricel.


Co-produced ng Star Cinema at Viva Films, ang Momzillas ay pinagbibidahan rin nina Eugene Domingo, Billy Crawford, at Andi Eigenmann at ipapalabas sa mga sinehan simula September 18.


Ayon sa TV host na si Boy Abunda, may pagkakataon na nag-set ng benchmark si Maricel pagdating sa pagpapatawa sa mga pelikula nitong ginawa. Pero bukod sa pagiging magaling na komedyante, kilala rin naman si Maricel bilang magaling na dramatic actress.


Para sa kanya, ano nga ba ang pagkakaiba at pagkaka-pareho ng dalawang larangan na yun ng pag-arte?


“Ang pagkakapareho, pareho silang trabaho na mahal ko. Dahil, nag-umpisa nga ako sa John en Marsha, pero, gumawa rin ako ng maraming pelikula sa Regal. Nandiyan yung dekada na yun, puro comedy ang ginagawa.”


Sa pag-atake niya bilang artista, meron bang pagkakaiba?


“Ang pagkakaiba, yung aspeto na nakakatawa yung ginagawa mo. Yung isa naman, malungkot. Pero, parehong trabaho.”


Sa kuwento raw ng manager ni Maricel na si Shirley Kuan, napakaganda at nakakatawa raw talaga ng pelikulang ginawa niya na Momzillas.


Pero, siya ba, bilang artista sa pelikula, nalalaman niya kung magki-click nga ang ginawa niyang pelikula?


Ayon naman kay Maricel, “Alam niyo, kapag nagta-trabaho ka ng ganito na kagaya ng ginawa namin ni Uge [referring to Eugene Domingo], kami mismo, nae-enjoy namin ang ginagawa namin. Natatawa kami sa isa’t-isa.


“Pero, kumbaga, hindi namin iniisip na kailangan ganito, walang ganun. Kumbaga, nag-e-enjoy lang kami.”


Ano nga ba ang Momzillas?


“Tungkol ito sa dalawang nanay na may kanya-kanyang anak. Pero, meron palang koneksiyon ang dalawang nanay na hindi alam ng mga anak namin. May past pala. Na magkakilala pala silang dalawa na hindi alam ng mga anak namin.


“Magugulat yung dalawang anak namin, bakit kayo magkakilala? So, kailangan naming ipaliwanag kung bakit kami magkakilala. Ito yung mamamanhikan dahil ang anak ko rito, si Billy [Crawford]. Ang anak ni Uge rito, si Andi [Eigenmann]. Magtataka ang dalawa kung bakit kami magkakilala.”


Bago naman ang live interview kay Maricel, nagbigay muna ng kanilang mensahe na punong-puno ng papuri para kay Maricel sina Uge at Vice Ganda.


Kapag nakakarinig siya ng mga ganoong papuri mula sa mga kapwa niya artista, anong nararamdaman niya?


Masayang sabi naman ni Maricel, “Buti na lang pinasok mo. Hindi ko alam kung kailan ako magpapasalamat sa kanilang dalawa dahil tuwang-tuwa ako. Ngayon, natuloy na nakagawa kami ni Uge ng pelikula.


“Nasabi ko na sa kanya, Junior, maraming salamat ha, dahil ang saya-saya ko na nakagawa tayo ng napakagandang pelikula at ang saya-saya nating dalawa. Ang totoo, ang aga-aga ko palagi sa set dahil excited na excited ako dahil magkikita na naman kami.


“’Di ba, minsan, meron tayong time or araw na hindi tayo masyadong maganda ang gising, Pero, itong pelikulang ito, ang saya-saya ko dahil magkikita kaming lahat, Direk Wenn [Deramas], ang sarap ng pakiramdam na alam mong gusto mong mag-trabaho at gusto mo ang mga kasama mo sa trabaho.”


Dugtong pa niya, “At nagpapasalamat ako kay Uge. Sobra kaming magka-vibes at sobra kaming nagmamahalan.”


Si Vice Ganda naman, noong malaman daw na nasa pictorial siya, nagpunta ito para magpa-picture lang.


Anong reaction ni Maricel dito?


“Yun nga, e, ang hirap makita si Vice dahil ang tangkad niya, ‘di ba? Talagang kinakailangan ko ng apple box o silya para magkita lang kami. Hindi ko masyadong makita si Vice. Yun ang mahirap dito. Anak, maupo ka nga, puwede?


“Yun na lang ang sinasabi ko, dito ka na lang maupo para makita kita. Pero, tuwang-tuwa ako kay Vice kasi, napakabait niya. At saka, maraming-maraming salamat, Vice, anak, salamat ha sa mga sinabi mo. Alam ko na magtatrabaho pa tayo ng matagal. Pero sana, matutunan mong maupo.”


Kumusta naman ka-trabaho sina Andi at Billy?


“Naku, nakakatuwa ho silang talaga dahil ang feeling nila, nanay nila kaming dalawa ni Uge. Yun ang totoo rito. Nagkaroon kasi kami ng magandang bonding sa pelikulang ito. Ang aaga namin sa set. Kapag kinoll kami ng eight o’clock, nandoon na kaming lahat.

“Kasi, mga excited kami sa mga chika namin.

“Minsan, nakaka-13 sequences kami ni Uge sa isang araw. Nakakagulat yun, ‘di ba?”


Sa huli, tinanong din ni Boy si Maricel bilang komedyante, ano raw ang importanteng lesson na natutunan nito sa namayapang si Mang Dolphy.

Ayon sa Diamond Star, “Marami… ang daddy ko kasi, palagi akong binibigyan ng advice. Palagi niyang sinasabi na 'Dapat anak, palagi kang masaya. Importante sa buhay natin yun na palagi mong mamahalin ang sarili mo.'

“At saka, palagi nating bibilangin ang mga blessing na meron tayo.”

Sa mga pinagdaanan niya, ano nga ba ang maibabahagi niyang lesson sa lahat pagdating sa buhay, sa pag-ibig, sa lahat?

Sabi naman ni Maricel, “Bukod siyempre, Boy, sa lagi nating iisipin kung ano ang mga blessing na meron tayo, iisipin din natin ang mga araw na nakasama natin ang mga pamilya natin, yung mga kaibigan natin, yung masasayang araw na yun...imbes na yung mga araw na hindi magaganda.

"Para huwag na tayong malungkot, magalit. Maging masaya na lang tayo. Sabi nga nila, life is short, ‘di ba?”


ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN