After taking part in three local film fests, Mon Confiado now working on two Hollywood movies



Isa si Mon Confiado sa maituturing na underrated actor ng industriya. Although umaabot na sa 300 ang nagawa niyang pelikula sa loob ng 20 years niyang pagiging artista, tila hindi siya nabibigyan ng sapat na pagkilala. Madalas ay gumaganap siya bilang karakter actor.

Wala naman daw kaso ito para kay Mon, dahil ang mahalaga lang sa aktor ay magawa nang maayos ang bawat proyektong ibinibigay sa kanya.

“Simula naman nang nag-artista ako, never naman ako naghangad na sumikat, never akong naghangad ng award, never akong nag-ilusyon na ako ay malaking artista or famous.

“Ang gusto ko lang ay umarte at siyempre nakakatuwang isipin na lahat ng effort at dedication at passion mo sa acting ay nagre-reflect naman… na good sign ito para sa akin na kinukuha ako ng mga director.

“Hindi lang ito dahil sa galing o pakisama, na mabait ka… Maraming kombinasyon para magustuhan ka ng mga director. Sabi ko nga, wala ‘atang buwan na hindi ako nagsu-shooting.

“So ang punto ko rito ay nakakatuwa na nagre-reflect o nagiging positive ang lahat ng ginagawa ko sa kabila ng wala akong hinahangad na kung anuman, maliban sa magtrabaho lang nang magtrabaho,” mahabang paliwanag ni Mon nang makapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) recently.

Si Mon ay bahagi ng Mga Alaala ng Tag-Ulan na isa sa 8 full-length films ng 1st CineFilipino Festival. Bukod sa feature films, may 10 short films na pinapalabas sa Resorts World Manila, Gateway Mall at Lucky Chinatown Mall hanggang September 24. Ipapalabas rin ang mga entries sa Shangri-La Mall from September 21-22.

(To learn more about the entries, read: PEP Guide to CineFilipino 2013)

“Iyong pagiging underrated, hindi ko alam e, I don’t care, e. Kahit underrated ako o kahit overrated, ang nasa puso ko lang kasi talaga ay umarte, e.

“So, kunwari like yung The Diplomat Hotel, nagpapayat ako ng 40 pounds, kinalbo ko yung sarili ko, dalawang buwan akong kuba, sa personal life ko. Pati pagsalita ko, e, mino-modulate ko palagi, mababa ang boses ko at ginagawa ko ito in real life para sa paghahanda ko sa role ko rito.

“So, hindi ko siya ginawa para magpapansin or what, ginawa ko lang yung sa tingin ko’y nararapat doon sa character na naisip kong i-create. Ako kasi ang nag-create mismo ng character na ‘yun, e, siyempre with the approval of my director [Christopher Ad Castillo],” seryosong dagdag pa ng aktor.

Pahabol pa ni Mon, “Pero ine-enjoy ko siya, I mean, hindi ko ginagawa [ang mga bagay na ito] para magpapansin, hindi ko siya ginagawa para manalo ng award, ‘di ko siya ginagawa para masabi na, ‘Hayop ‘tong artistang ‘to, ibang klase!’

“Hindi ‘yun ang intention, e, kasi maraming beses ko namang ginagawa yun. Nagsisimula pa lang ako, ginagawa ko na yun e. Kung titignan mo yung track record ng pag-aartista ko, kahit maliit na role ay ganun ang ginagawa kong paghahanda.

“Ang problema, dahil nga walang pumapansin, hindi napapansin [yung effort ko]. Pero at the end of the day, ang mahalaga ay satisfied ako sa trabaho ko at kung someday mapansin nila yun, nakakatuwa naman.”

Masasabi mo bang masaya ka ngayon sa takbo ng career mo?

“Yes! Sabi ko nga I’ve done 300 films, 20 years na ’ko sa industriya. Mapa-TV, mapa-pelikula… Siguro sa TV, mga 700 plus ang appearances ko, iba-iba at pati sa teleserye.

“Wala pang isang araw o shooting na hindi ko siya in-enjoy o hindi ako naging exited kapag magtatrabaho na. Hanggang ngayon ‘pag may shooting ay natataranta ako,” nakangiting sagot niya.

Sa tatlong indie film festivals ay pawang may entry si Mon. Sa Cinemalaya 2013 ay isa siya sa cast members ng The Diplomat Hotel na pinangunahan ni Gretchen Barretto. Samantalang sa katatapos lang na Sineng Pambansa ay kasama naman siya sa Badil ni Direk Chito Roño.

Last September 18 naman ay nagsimula na ang CineFilipino Festival at isa si Mon sa kasali sa pelikulang Mga Alaala ng Tag-ulan na pinagbibidahan nina Mocha Uson, Akihiro Blanco, Lance Raymundo, at mula sa direksiyon ni Ato Bautista.

Nagpahayag si Mon ng kagalakan dahil naging bahagi siya ng mga film fests na ito.

“Well, honored ako kasi lahat ng mga festivals kahit papaano ay mayroon akong pelikula na nasasamahan. Ano yun, sign yun na sa palagay ko nagagawa ko ng tama yung assignment ko. So, sign yun na tingin ko maganda yung tinatahak ko as an actor.”

Ano sa palagay mo ang epekto sa movie industry na maraming festivals na ganito na nagkakasunod-sunod na?

“Sabi ko nga good signs ‘to na madaming festivals tulad ng Sineng Pambansa, ng CineFilipino aside sa Cinemalaya at Cinema One. May mga ibang dumarating pa bukod sa mga talagang independently produced films.

“Sign ‘to na unti-unti lumalaki na ang indie films, e. Eto na yung bagong mukha talaga ng pelikula natin. So, ang mga mainstream actors nandito na, gumagawa na sila ng indie kahit mga malalaking stars…Vilma Santos, Nora Aunor, nag-i-indie na rin, e.

“So eto na and ‘pag yung mga mainstream producers at ano ay sumama na rin dito, eto na ‘yun talaga.”

Darating kaya ang time na magkakaroon ng kompetisyon between mainstream and indie?

“Hindi ko siya makitang competition, kasi ang totoo niyan, natatakot lang naman sigurong sumugal yung mga mainstream producers natin dahil siyempre negosyo ‘yan e. As of now kasi, kinakapa pa natin kung anong panlasa talaga ng mga tao, e, pero eto nga good sign sabi ko, na tinatangkilik na yung indie.

“Dati kasi mga ten years ago, kami-kami lang yung gumagawa nito, ‘di ba, from mga non-actors lang ang artista? Kung sino-sino nga lang, ngayon ay ang lalaki na,” bulalas pa ni Mon.

Ano ang masasabi niya sa Artista Academy alumnus na si Akihiro Blanco na gumaganap bilang anak niya sa Mga Alaala ng Tag-Ulan?

“Ang galing nitong batang ‘to, actually, namangha kaming lahat. Kasi, first film niya ito. So, ang tinutukan namin talaga lahat, siya muna. Pero surprisingly, siya yung pinakamagaling mag-deliver.

“Nagulat kami sa sensitivity niya as an actor, kasi mahirap yung role niya e. Ayon nga sa kuwento niya kanina, ultimo mga personal niya, kasi, bale first kiss niya ito kahit in real life, e.

“Doon naman sa side ko as his father, kasi yung character ko-buong pelikula walang lines e. So, napaka-challenging dahil walang dialogue. Actually may isang maikling-maikli, ‘Sorry anak.’

"Yun lang sinabi ko, pero the rest wala na, puro emotions lang. Kasi ang laki ng problema nung family nila, e.

“So, ano talaga, medyo challenging yung role ko rito,” diin pa ni Mon na bukod sa pagiging actor ay isa ring civil engineer.

Although nagbida na siya noon sa ilang pelikula tulad ng sa Pilantik na gumanap siya bilang bading na killer, naging lead star din siya sa Palitan, Kidnap, at Regalo. Ngayon ay may iba pang projects na magbibida ulit si Mon.

“Naka-co-prod kami sa Hollywood producer at nirerepaso o sinasala lang yung script. In a few weeks or sa mga darating na buwan magsisimula na ito.

“Ang title nito ay Bad Blood—action ito, drama action. Iyong isa pang movie na pang-international, ang title ay Sabine and kasama ko rito sina Bangs Garcia at saka si Gwen Garci.”

Nagkaroon na ba si Mon ng acting award?

“Nagka-award ako sa FAMAS ng Best Supporting Actor para sa pelikula ni Direk Eddie Romero, yung Faces of Love. Nagka-award din ako ng Best Supporting Actor sa Pasado, yung samahan ng mga dalubguro. Pelikula to ni Direk Jose Javier Reyes, ang title ay Luksong Tinik with Lorna Tolentino.

“Marami akong nominations, pero hindi pinapalad minsan. So, yun bonus lang naman yun sa akin kung manalo, bonus lang. Pero sabi ko nga, ang award ko, ‘yung mga dumarating sa aking projects, e.”

Mayroon ba siyang maituturing na dream role na gustong magampanan someday?

“Ang totoo, wala akong dream role, e. Kung ano’ng ibigay sa akin… Ang dream ko lang lagi, magawa ko ng mabuti ang trabaho ko.

“Kunwari, tatanungin mo’ko ngayon, hindi ko alam kung anong dream role ko e. Pero bigyan mo’ko ng role, lalaruin ko iyan, pag-aaksayahan ko ng panahon para magampanan ko ng tama.

“Yun, yun ang aking dream lagi, ang magawa ko ng tama kung ano man yung trabahong ibibigay sa akin.

“Minsan kasi, ‘pag binasa mo yung script, like halimbawa tatay ang role mo, kahit sino naman kaya ‘yan, e.

“Pero kapag hindi ka nagsasalitang tatay o wala kang dialogue, na hindi kayo nag-uusap ng asawa mo dahil ang laki ng problema nyo… at punong-puno ng emosyon ang mapapanood sa iyo, mas malalim ‘yun, ‘di ba? So, mas mabigat yung role na ganoon, kaysa sa nagsasalitang tatay,” pagtatapos ni Mon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN