Tin Patrimonio talks about challenges of portraying Gabriela Silang

Tin Patrimonio is cast as Gabriela Silang in Gabriela, the indie film released in time for the 250th death anniversary of the heroic Ilocana.


Magkahalong excitement at nerbiyos ang naramdaman ng dating Pinoy Big Brother Unlimited housemate na si Christine "Tin" Patrimonio sa kanyang pelikulang Gabriela. Bukod kasi sa bida agad siya sa kanyang unang pelikula, malaking responsibilidad para sa kanya na gampanan ang buhay ng Filipina na nagpamalas ng kabayanihan sa paglaban sa mga Kastila, higit 250 taon na ang nakalilipas.
“Nakakanerbiyos kasi wala pa akong masyadong experience sa ano, sa movie… as an actress, pero…

"Natatakot lang ako kasi new field, e. But kaya naman, nandiyan naman ‘yung family ko to support me at si Direk Carlo [Maceda],” panimulang saad ni Christine sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa special screening ng pelikulang Gabriela na ginanap sa SM North Edsa The Block last Sunday, September 29.
“Pero, excited din, kasi it’s kinda action, e, more on sa action. Also, the students will learn more about Gabriela Silang,” dagdag pa ng dalaga ng ex-PBA star na si Alvin Patrimonio.
Ang naturang pelikula ay ginawa bilang selebrasyon at paggunita sa 250th death anniversary ng bayaning Ilocana. Ito ay tinatampukan din nina Carlo Aquino (bilang Diego Silang), Ricky Davao, Jeffrey Santos, Mara Lopez, Chris Michelena, Rob Sy, Arthur Solinap, Johnron Tañada, Nene Tamayo, Iris Lapid,at iba pa, mula sa direksiyon ni Carlo Maceda.



Tin Patrimonio hams it up with her father, Alvin Patrimonio, for a photo booth at the event


Ayon kay Direk Carlo, ang pelikulang Gabriela ay mas nakatutok sa mga screening nito sa iba’t ibang paaralan at pamantsan sa bansa, kaysa sa regular run nito sa mga sinehan. Kaya nasabi niyang maaaring makipag-ugnayan sa On Cam Productions and Megapixel Marketing and Events Services ang mga educator na interasadong maipalabas sa kanilang mga paaralan ang naturang pelikula.

Sa ganitong paraan daw ay mas maraming mag-aaral at mga kabataan ang mamumulat at magiging inspirasyon ang kabayanihan ni Gabriela Silang.

Ayon naman kay Tin (nickname ni Christine), isa ito sa nagustuhan niya sa naturang proyekto, ang gagawing paglibot ng pelikula nila sa iba’t ibang mga paaralan sa bansa upang panoorin ng mga estudyante.

“Well, biglaan lang din kasi yung Gabriela offer, pero nagustuhan ko nga kasi it’s related sa school.

“Kasi, noong high school, hindi ako nakapag-aral sa regular school. Kasi, home school ako because of tennis. So, yun parang ngayon ay mas focus ako sa studies,” paliwanag niya.

Gaano ka-supportive ang Daddy Alvin niya at ang ina niyang si Cindy Conwi Patrimonio sa iyong pagpasok sa showbiz?

“Very supportive yung family ko sa pagpasok ko sa showbiz especially my dad. May game siya today and he didn’t go just to watch again itong movie namin.

“Actually, may game iyong team niya today sa MOA, sa San Mig, pero nandito siya,” nakangiting pahayag pa ni Tin.

Kamusta naman katrabaho si Carlo Aquino?

“Noong una ninenerbiyos talaga ako. Actually yung first scene namin yung sa may fireplace, sobrang nanginginig ako and ang lamig pa naman. And of course, kasi Carlo Aquino is one of the best, but okay naman. He helped me relax and get it over with.

“Yes, supportive siya at inalalayan naman niya ako rito.”

Anong masasabi mo na tennis racket dati ang hawak mo, pero ngayon ay gulok na?

Napangiti muna si Tin bago sumagot, “Yes, of course, ‘di ba kasi iba yung pagod dito, kasi may kasamang puyat. ’Yung tennis kasi, walang [puyatan]… pero, well, mas mahirap ang tennis actually.”

Saad pa niya, “Medyo noong tinitignan ko nga yung slow motion, parang may hawak lang akong racket. Nakatulong din na sanay na akong humataw dahil sa pagiging tennis player ko.”

Totally ba ay iiwan mo na ang tennis for showbiz?

“Not yet, actually I’m in a varsity team sa National University [NU]. So maglalaro ako sa January [2014] for UAAP.”

Second year na ngayon si Tin at Marketing ang kanyang kurso sa NU.

Ano ang preparasyong ginawa niya para sa role rito?

“I did workshops, tinulungan ako ni Direk Carlo. Nagtiyaga sa akin si Direk at tinulungan niya akong magawa ko ang kailangan sa mga eksena.”

Para kay Tin, ang pinakamahirap na eksena niya ay nang nahuli na siya ng mga Kastila at animo nagmo-monologue siya habang nakagapos.

“Yung last scene, yung nakatali ako, iyon ang pinakamahirap sa tingin ko. Actually, sobrang laking tulong ni Direk Carlo, sobrang patient niya sa akin. Kasi as in, sobrang frustrated na ako and everything tapos ay gusto ko nang umuwi. Nakakapagod talaga, na-dehydrate din ako roon, e.”

Inamin din ni Tin na bago niya nakuha ang role na Gabriela ay maraming mga artistang unang napisil na gumanap dito tulad nina Nora Aunor, Jennylyn Mercado at iba pa, pero wala raw kaso ito sa aktres/tennis player.

“Actually six years na siya gustong gawin, I don’t know, I mean kasi parang laging nade-delay. Like, parang naiiba yung lead, like naging ano, si Nora Aunor at si Jennylyn Marcado.

“Hindi lang ako third choice, I think madami pa. ‘Di lang ako pangatlong choice, but since matagal na gustong gawin ‘to… pakiramdam ko’y I’m blessed na ako ang pinili.

“I’m excited na, yun nga, first movie ko ito at si Gabriela Silang pa [ang ginampanan ko].

“Okay na okay yun, feeling ko nga special ako, e. Kumbaga parang, ‘Whoa!’ parang ganoon,” pasigaw na saad niya. “Yeah, hindi ako makapaniwala na ako ‘yung pinili nila Direk.”

Tinanong rin ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Tin kung ano sa palagay niya ang mga katangian ni Gabriela Silang na dapat mailagay sa isipan at damdamin ng mga Pilipino?

“Dapat makabayan, matapang… Dapat nagkakaisa tayo bilang Filipino, dapat magtulungan tayo. Iyon iyong makikita nila sa pelikula na katangian ni Gabriela.”

Ano sa tingin mo ang message ng pelikula na Gabriela?

“Dito ay ipapakita na hindi lang mga lalaki yung matapang, mga babae rin, lalo na yung mga Pilipina,” nakangiting wika niya.

Matapang ka rin ba talaga?

“Sa tennis, matapang ako. Yeah, I guess I can say na matapang rin ako. Bukod sa tapang, makikita sa movie ang patriotism.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN