Perci Intalan on Nora Aunor being named as National Artist: "Sana matuloy na."

Dementia director Perci Intalan describes Nora Aunor (right) as the "most acclaimed actress of our generation." This film also stars Jasmine Curtis Smith as the niece of Nora's character who is afflicted with dementia.





Aminado ang dating TV5 executive na si Perci Intalan na matinding pressure ang kaakibat ng kanyang first directorial job na pinamagatang Dementia.

Bukod kasi sa baguhan pa lang siya sa field na ito, ang Superstar na si Nora Aunor pa ang bida niya sa kanyang buwena manong pelikula bilang direktor.

“Oo, malaking-malaking pressure, sobrang laki,” nakangiting sagot ng former TV5 head of creative and entertainment.

“In fact, kung mayroong pumigil talaga sa akin from doing it is that.

“Sinabi ko, kay Ate Guy iyan ‘no? Sabi ko, ‘Ate Guy, iniisip kong gawin natin ‘yung Dementia, pero ako ang magdi-direct.’ Sabi niya, ‘Oo!’ Tapos sabi ko, ‘Sure ka, sure ka?’

“Sabi ko, ‘Kasi aaminin ko sa iyo, na ibang level ng pressure ‘yun for me and hindi ko sure kung madadalian ka sa akin.’ Sabi niya, ‘Hindi Direk, tama iyan, tama iyan.’

“Siya na rin ang nag-encourag sa akin, which meant a lot, kasi ‘yung suporta niya, yun ang nagbigay sa akin ng courage na, ‘Oo na, sige gagawin ko ‘to.’ Ang tagal, ang tagal na nito e,” saad ni Direk Perci sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa isang restaurant sa Ortigas Avenue kamakailan.

So, hindi nag-atubili si Guy na gawin iyong project kahit bagito ka pa lang?

“Alam mo hindi, oo… kasi kung si Ate Guy ay nag-atubili nang kaunti, iisipin ko na baka dapat nag-start muna ako small, baka magsu-short film muna ako or ano.

“But the fact na pursigido siya, in fact kinukulit na nga niya ako, ‘Direk kailan na?’ Tapos siya ang unang tumawag sa akin ng Direk. As soon as sinabi kong what if ako ang magdirek? From then on, hindi na niya ako sini-Sir Perci, Direk na.”

Ang pelikulang Dementia ang directorial debut ni Direk Perci. Isa itong horror movie at maituturing na unang horror film ni Ms. Aunor.



Jasmine Curtis Smith is cast as the niece of Nora Aunor's character in Dementia, which directed by Perci Intalan



Sa palagay ni Direk Perci, ito kaya ang tamang project para sa kanyang unang directorial job?

“A...ako yes, dahil it’s perfect, e. Kasi, alam kong hindi ako tatalon agad sa... like art… dahil hindi ko talaga siya background. I mean, aaminin ko, I wouldn’t even call myself as a talagang whole artist, na like a lot of directors, and a lot of writers.

“Ako, I’m more mainstream, mas commercial TV ang background ko, e. So, ayaw ko rin lumayo roon, kasi ayaw ko namang magpanggap na, ‘Uy, I’m an artist also.'

“So, ito, because it’s horror, mayroon akong one foot yung mainstream, kasi horror, e, ‘di ba? Pero may one foot din na puwede kong ilayo, puwede kong laruin. Ayan, iyong dementia factor, iyong Ate Guy [palayaw ni Nora Aunor], iyong treatment…

“Pero the fact na horror, what I’m still promising the audience is, it’s going to be a roller coaster within the horror genre.”

May market naman lagi ang horror, hindi ba Direk?

“Oo, ang horror na genre ang hindi nawala sa box office, ever since.

“Ang comedy nga, mayroong nauusong type ng comedy, e. Minsan ay hindi uso ang slapstick comedy, ang uso ay medyo romantic comedy, ganyan.

“Iyong horror, ang nakikita ko lang is, naghahanap ang audience na may bali. Iyong kunyari, iyong Blair Witch [Project], ang bali niyon was the whole handheld thing, pero it’s still the same.

“Kaya nga kami nag-effort talaga na mag-Batanes [shooting], tapos iyong Ate Guy na may dementia, all of that... Kasi alam namin na familiar iyong genre, e, kaya kailangan na may unfamiliar...”

Pero ipinaliwanag din ni Direk Perci na dalawang taon na ang proyektong ito at hindi talaga dapat siya ang magiging direktor nito.

“Iyong Dementia kasi noong unang [na-conceptualize], noong una kaming nag-usap ni Ate Guy, tinanong ko sa kanya noon, e, ‘Ano ba ang genre ang hindi mo pa masyadong nagagawa?’ Tapos napag-usapan namin ay horror. At this time ay gagawin pa lang niya ang Thy Womb. It was that long ago, mga two years ago na.

“So noong bubuo na ng horror… nag-usap kami ni Jun [Lana]. Sabi ko, ‘O ano, isip tayo ng horror?’ Isip-isip, isip-isip, sige… Naka-isip ng isang concept, naka-isip din kami ng kung ano man ‘yung mga bali, ganyan. Tapos, ‘Ikaw na magsulat, tapos ikaw na rin mag-direk,’” kuwento ni Direk Perci patungkol kay Direk Jun.

Patuloy pa niya, “Kasi si Direk Jun, gumawa na rin siya ng horror before, e. So, okay, and noong dine-develop na, hindi nagtutugma ang schedule nila.

“So, si Jun ay ginagawa iyong Bwakaw at ginawa naman ni Ate Guy iyong Kuwento ni Mabuti.

"Pagkatapos ay dumating ang Barber’s Tale, so, laging nagkakaganoon,” muwestra pa ni Direk Perci sa kanyang mga kamay na nagpapahiwatig na nagkakasalisi ang schedule nina Direk Jun at Nora.

“Bukod pa sa busy si Jun sa GMA work niya.

“So noong nag-resign ako [sa TV5], buhay pa rin yung project, sabi ko, ‘Sayang naman yung project, gawin pa rin natin.’ Tapos si Ate Guy, kinukulit pa rin ako. Sabi niya, ‘Ano na nangyari doon sa project nating Dementia?’

“Si Jun ang nag-convince [sa akin], sabi niya, ‘Alam mo, If you believe in the project, bakit hindi ikaw ang magdirek?’ And then, dahil tamang-tama na nag-resign ako, doon ko kinonsider.

“But before that, hindi ko ever inisip na, ‘Magdirek kaya ako’? For some reasons, ako lang yata ang taga-showbiz na ganoon, na hindi ko inisip na…

“Ang plano ko lang talaga ay magtayo ng kompanya ko na related sa showbiz, pero hindi ang mag-direk.

“So, it was during that six months, kasabay din ng pagpapakasal [kay Jun Lana sa New York]… na naisip ko, why not? So, sineryoso ko na iyon,” nakatawang pagbabalik-tanaw niya.

“Pero I want to take my time na, ‘Sige, pakiramdaman ko muna kung mabubuo ko iyong project in such a way…’

"Tapos ang nangyari, ako muna bumuo ng istorya, Ako ang gumawa ng istorya na, si Jun ang kasama kong nagki-create and then now, ipinasa na namin sa ibang scriptwriter.”


Earlier sa panayam namin, nabanggit ng dating creative and entertainment head ng TV5 na gusto niyang tularan ang ibang matagumpay na movie producers na napalaki ang kanilang mga sariling kompanya at nagagawa ang gusto nila.

“Sila Mother [Lily Monteverde], sina Boss Vic [del Rosario of Viva], si Mr. Tuviera, especially , sila I envy them, kasi lumaki yung kompanya nila but they’re doing exactly what they want to do, gumawa ng mga shows, gumawa ng mga pelikula… yung hawak talaga nila at hindi yung isang big corporation and I want to try that. Magsisimula ako ngayon ng sarili kong kompanya.”

Paano pumasok ang TV5 sa project na ito?

“Under siya sa Octobertrain Films, kay Jun yun, iyon yung kompanyang gumawa ng Bwakaw at Barber’s Tale.

“So we decided na sige gawin muna natin and then eto na dito na pumasok… Because I promised MVP [Manny V. Pangilinan], sabi ko, ‘Boss ganito, promise ko sa inyo para kasi you know, mahal ko pa rin ang TV5 at may malasakit pa rin ako, kapag may project ako, aalukin ko sa inyo. Kung hindi ninyo type, kung hindi bumabagay sa inyo, then doon ako mag-iisip ng iba. But for the time being, we can still work together.’

“E, interesado siya, kaya diyan pumasok ang Studio 5.”



ON JASMINE CURTIS SMITH. Kasama rin sa pelikulang Dementia ang isa sa TV5 princess na si Jasmine Curtis Smith na gumaganap dito bilang pamangkin ni Nora. Sinabi ni Direk Perci ang kaunting background ng karakter ng younger sister ni Anne Curtis.

“Iyong karakter ni Jasmine bagay sa kanya, like galing abroad, Westernized. Kaya makikita n'yo sa pictorial, naka-shorty short si Jasmine, very Westernized ang itsura lalo na kapag nakita n'yo na sa trailer.

“Si Jasmine dito, pamangkin niya [Nora]. Wala siyang asawa o anak dito pero mayroong pamangkin, teacher dati rito si Ate Guy.”


Paano napili yung ganoong project for Guy? Hindi ba parang mahirap yung ganoong tema ng pelikula?

“Mahirap…kasi ganito, e, back to Ate Guy, noong binubuo namin ito, I was really thinking… kasi parang ako yung tumayong sort of manager niya ‘di ba? So, noong tinanggap niya yung Thy Womb, nakausap ko si Direk Brillante [Mendoza], sinabi ko na kailangan na balansehin, something na medyo commercial, ‘di ba?

“So more and more, nae-excite kami pareho [ni Nora] doon sa idea ng horror.

“Una, actually sa pagkakaalala niya, ‘di pa siya gumagawa ng horror daw, pero by definition, I think mayroon. Sabi nga ni Jun, mayroon siyang horror movie, like Carmela yata, noong '70s na medyo horror yung theme.

“Ako nga na-mistake pa ako, e, na in-associate ko siya sa Halimaw sa Banga, pero hindi nga pala siya lumabas doon, producer lang siya.

“Sabi niya hindi pa siya nagho-horror or at least, ang tagal-tagal na. So sabi ko kay Ate Guy, at least ito ay bago, ‘di ba?”

Wika pa ni Sir Perci, “So hayun, binubuo, binubuo, binubuo…

“I will also admit na at that time, ginagawa ni Ate Vi ang The Healing. So iniisip na namin, habang may The Healing, kailangan talaga iba yung atake nito, you know? Kasi ano e, nakita na namin yung gagawin sa The Healing.

“Tapos sabi nila, ‘Ate Guy ‘pag gumawa tayo ng horror, dapat may edge pa rin siya.’ Kasi yun yung style ni Ate Guy sa mga pelikula e, hindi mo siya ma-predict, e.

“So sabi ko, hindi dapat malinaw kung ano talaga yung nangyayari, hindi siya kasing straight forward, kailangan ay mag-iisip iyong audience. Kaya naman nabuo ngayon yung Dementia na concept.

“Kasi, it’s a complex character, isang babaeng mayroong dementia, its really pretty much parang Alzheimer’s, pero early stage. So sa case niya, nakakausap mo pa, pero marami na siyang nakakalimutan. Tapos ang problema, ang situation is, mayroon siyang mga nakikitang mga tao na walang ibang nakakakita.

“Ano iyan, e, inspired by something na nangyayari rin, kasi ang Mom ko ay may Alzheimer’s na mayroon talaga kaming situation na ganoon. And common siya sa mga kaibigan ko na may Alzheimer’s ang parents. Iyong bigla na lang may sasabihin na ‘Sino iyan?’ tapos wala naman palang tao.

“So, iyon iyong question mark sa pelikula, dahil hindi mo alam kung nasa utak lang iyon ng karakter ni Nora o talagang may nagmumulto, kaya complicated.”




ALL IN THE HEAD? Ipinahayag pa ni Direk Perci na dahil sa galing sa pag-arte ni Nora, dito mapapaisip ang audience kung may multo ba talaga o nasa utak lang ito ng karakter ni Nora.

“Kaya sabi ko, ‘Ate Guy ikaw lang ang makakagawa nito. Kasi sa iyo, expression pa lang ng mata mo, mapapaniwala na ang audience.’ Mapapaniwala ang audience na totoong mayroong nagmumulto. Pero, kapag nag-isip iyong audience, posibleng dahil nakita lang nila ang reaction ni Nora sa movie, kaya ganoon.

“Pero yes, mahirap itong project na ito.”

Ayon pa kay Direk Perci, sa test shot pa lang na ginawa nila ay sobrang pinabilib na siya sa galing ni Guy.

“Kaunti lang ang ibinibigay ko sa kanyang instructions, ‘O Ate Guy, itong eksenang ito kailangan ay ganito ha, titingin kayo sa kawalan, tapos ay ganyan-ganyan-ganyan…,’ tapos ay okay na.

“Hindi ako nagbibigay sa kanya ng maraming detalye, fortunately, maliit lang iyong set-up, so, kaya kong isigaw yung istructions.’O Ate Guy, tingin pa, tingin pa! Huwag munang bibitaw!’ Ganyan…

“At doon ko nakita iyong gulat, na sa kaunting ibinigay mo sa kanya, ang laki ng ibinabalik niya sa iyo na magugulat ka na lang.”

Sa pelikula bang ito, nalaman mo kung bakit siya tinawag na Superstar?

“Oo, naman. In fact, mayroon siyang isang take, hindi ako nag-stop. Siguro mga five minutes nang tapos iyong eksenang hinahanap ko, pero ang dami pa niyang ibinibigay. Nagamit ko naman iyong parts, pero grabe! Kasi talagang hindi ako makatigil, kasi, kung ano-anong emosyon ang ibinibigay niya sa akin,” nakangiting paliwanag pa niya.

So, sa test shot pa lang ay nakilala mo talaga iyong Nora Aunor na aktres talaga?

“Oo, iyong ine-expect naming Ate Guy, lagpas-lagpas pa roon iyong nakita namin.

“Ang maganda, even doon sa test shot, iyong witer ay pumunta rin. So tinignan din niya and afterwards ay nag-usap kami. ‘Ang daming maibibigay ni Ate Guy, dagdagan pa natin ito, kapalan pa natin itong mga eksenang ganito…ganyan-ganyan.

“So, iniba na naman namin iyong istorya, kasi ay maraming layers na puwedeng itago. So ganoon…”

Sa pelikula bang ito, nalaman mo kung bakit siya tinawag na Superstar?

“Oo naman, dalawang aspeto, e, I mean, debatable man, siya iyong most acclaimed actress ng panahon natin, hindi ba? I mean, internationally… and kapag sinabi mong Ate Guy, alam mo nang sa acting-an, hindi ba?

“Pero more than that, ang nakita kong Superstar, superstar sa fans. Kasi, habang nagsu-shoot kami diyan, dumami ang mga tao. Si Ate Guy, walang kiyeme, lalapit lang, makikihalubilo, yakap-yakap…

“Sabi nga ng producer, bata kasi at hindi nila kilala masyado, yung hindi nila alam iyong heyday ni Ate Guy, ‘Direk, inaabot iyong mga bata sa kanya, parang ano lang, parang santo lang ang peg…’ ‘You know, iyong, ‘Pakibuhat ng anak ko.’

“Sabi ko, ‘Baka naman para sa pictures.’

Sabi,’Hindi, hindi para sa picture, para lang mahawakan ang bata.’

“Tapos, hawak siya nang hawak, kausap siya nang kausap, yakap siya nang yakap… sobrang warm.

“Pero siya rin ang nagsasabi sa fans na, ‘O teka muna ha, magtatrabaho lang muna ako, balik kayo mamaya.’ Aalis naman iyong fans, tapos babalik naman nga talaga, pero hindi siya ginugulo. Iyong kuntento lang na from afar, nanonood.”

After maidirek si Nora, gusto mo bang si Governor Vilma Santos naman ang kasunod?

“How I wish,” pahalakhak na sagot niya.”Hindi, hindi, alam mo wala pa akong iniisip ngayon na, ‘Anong next project natin?’ Dahil kailangan ko munang i-set-up ‘yung kompanya ko.”

Direk, acting wise, between Nora and Vilma…

Hindi pa tapos ang tanong namin ay mabilis na sumagot agad si Direk Perci. “Ay, hindi ko pa kasi nakatrabaho si Ate Vi, so I don’t think it’s…”

Pero napapanood mo na ang mga pelikula niya?

“Oo naman, marami akong napanood na movies ni Ate Vi and of course ay ang galing niya. But siyempre, may bias ako ngayon dahil katrabaho ko si Ate Guy and nakikita ko how it works.

“Hindi ko nakita iyong… hindi ko alam ‘yung behind the scenes na kumbaga, ano iyong motivations, ano iyong bale style ni Ate Vi.

“Napanood ko siya sa Ekstra, I mean ang galing… Wala namang question doon, e.”

Normal lang na tanungin ang mga taga-industriya kung siya ba ay Vilmanian o Noranian, ano ba si Direk Perci?

“Alam mo, eto ang nakakatawa, kasi, mas TV fan ako kaysa sa movie fan, that’s number one. Tapos, for some reason, ang mas marami kong napanood na pelikula, hindi Nora or Vilma, kundi Sharon [Cuneta].

“Pero definitely, eto aaminin ko ha, ang dalawang pelikulang nakatatak sa akin from my childhood na I don’t even know kung paano ko napanood…

"Napanood ko ang Himala at napanood ko ang Minsan’y Isang Gamo-Gamo at markadong-markado na sa akin iyon. My God! Sa ganoong umarte… iba si Ate Guy.

“Pero naalala ko rin iyong kay Ate Vi na magpinsan sila ni Boyet [de Leon], yung Tag-Ulan sa Tag-Araw na may incest… iyong ang dulo ay hinahabol ni Christopher si… , iyon, tumatak sa akin iyon.

“So, iyon ang earliest strongest exposures ko kina Ate Vi at Ate Guy, na, ‘Ang galing nitong dalawang artistang ito, na parang… angat na sila sa ganoong level.

“Pero eto, ang isa pang exposure ko noon ay kina Tita Gloria [Romero] at Tita Susan [Roces] dahil sa mga pelikulang ipinapalabas sa hapon. Kaya marami akong alam na mga pelikula nila,” nakatawang bulalas pa niya.

Puwede ka bang mag-ambisyon talaga na after Guy, Governor Vi movie naman?

“Oo naman, kung ambisyon, why not? Pero, depende sa project at kung pagkakatiwalaan ba niya ako, knowing na hindi pa niya ako kilala.”

Ano ang masasabi mo sa posibilidad na maideklara na ang Superstar bilang National Artist?

“Well, siyempre ako, I’m really all for it. Kasi, again, iyon nga, e, most acclaimed actress of our generation.

“Ang maganda sa kanya, is yung body of work ni Ate Guy at iyong artistry, napaka-fearless! Kapag tinignan mo iyong dami ng roles na ginawa niya, wala siyang katakot-takot! Pangit, maganda…glamorized, deglamorized, bida- kontrabida…Kung ano mang ano iyan, basta maganda iyong role, gagawin niya.

“Pang-box office, hindi pang-box office, wala rin siyang takot doon, hindi ba? Pang-teatro, pang-ano…” litanya ni Direk Perci.

“So, artist… she is a true artist. Kaya nang sinabing magiging National Artist… yes, kasi hindi siya artista, e, artist talaga siya.

“And even iyong… aminin na natin, even yung temperament ni Ate Guy, pang-artist. Iyong… when she is in the zone na nandoon. Pero she’s also passionate na kapag nawala siya at na-frustrate siya, ramdam mo rin iyong parte na iyon. But that’s what an artist is.

“Kaya yes, I’m excited for it, sana, sana ay matuloy na.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN